DAPAT MONG MALAMAN

Kritikal ang papel ng college-level endorsement mula sa pamunuan ng Devcom sa layunin ng Tanglaw na patuloy na makapagkwento kasama ang mga komunidad, bagay na makakamit lamang nito sa pamamagitan ng pagsuporta ng sangkaestudyantehan ng kolehiyo sa gumugulong na reperendo ng pahayagan.



Editoryal ng Tanglaw

Ang editoryal na ito ay isinulat ng aming Editorial Board na naglalayong ilahad ang opinyon ng pahayagan sa mga napapanahong isyu.


280 katao.

Ganiyan karaming mag-aaral ng Devcom ang nagsagot at sumang-ayon sa pagtatalaga sa Tanglaw bilang opisyal at kauna-unahang pang-kolehiyong pahayagan sa Unibersidad at sa kolehiyo sa pagpasok ng bagong taon. Isa itong patunay sa nag-aalab na tiwala’t suporta ng buong komunidad sa ating pahayagan.

Aming inanunsyo noong ika-26 ng Nobyembre ng nakaraang taon ang desisyon ng publikasyon na panandaliang itigil ang operasyon nito upang bigyang-daan ang puspusang paglalakad sa matagal nang nakabinbin na pag-endorso mula sa kolehiyo. Mabigat mang dalhin at ipagpatuloy ang desisyong ito sa bawat isa sa amin, lubos itong  kinakailangan upang maisakatuparan din ang ikabubuti para sa parehong pahayagan at sa mga bumubuo nito.

Sa katunayan, matagal na itong usapin sa loob ng editorial board (EB) ng Tanglaw. Ngunit, noong nagsisimula pa lamang ang pahayagan mahigit dalawang taon na ang nakalipas, napagdesisyunan ng mga naunang miyembro ng EB na pagtuunan muna ng pansin ang pagseserbisyo sa komunidad ng Devcom sa pamamagitan ng pamamahayag bilang patunay sa dedikasyon at tapat na mithiin nitong magsiwalat ng mga istoryang napapanahon.

Sa kabutihang palad, nagawa ng Tanglaw ang inisyal nitong mithiin. Regular kaming nakapaglalabas ng mga kwentong nakatuon sa loob at labas ng Devcom sa iba’t-ibang porma ng midya, at nakapagpundar ng mga inobasyon sa larangan ng pamamahayag na nagtatag sa pangalan ng Tanglaw para sa mga mag-aaral ng Devcom at ng buong Unibersidad. Patunay sa kalidad ng pagbabalita ng Tanglaw hindi lamang ang mga numero sa social media at aming website, kundi maging ang mga komento at pagkilalang natatanggap namin mula sa aming mga mambabasa at sa iba ring pahayagan.

Subalit, walang kasigurohang maipagpapatuloy ng pahayagan ang nag-aalab na ningas nito kung hindi rin nito makakamit ang opisyal na pagkilala at endorsement mula sa administrasyon ng kolehiyo at Unibersidad, ilan lamang sa mga kinakailangang hakbang upang magawa ng Tanglaw na tumayo sa sarili nitong mga paa bilang kauna-unahang college publication sa UPLB.

Sa loob ng mahigit kumulang dalawang taong pagseserbisyo nito sa sangkaestudyantehan, samu’t saring suliranin ang dinanas at patuloy na dinaranas ng publikasyon—mula sa kakulangan sa pondong gagamitin para sa mga aktibidad nito hanggang sa pagharang ng mga kinauukulan upang makapagbalita. 

Hindi libre ang pagpapatakbo ng isang pahayagan. Madalas ay umaabot din sa puntong nagmumula sa sariling bulsa ng mga miyembro nito o kaya naman sa pagsosolicit mula sa iba’t ibang kinauukulan ang ipinantatapal sa mga gastusing kinakailangan sa iba’t ibang mga coverage. Halimbawa na lamang nito ay ang mga nakaraang pagpapadalo sa UP Systemwide Alliance of Student Publications and Writers’ Organizations (UP Solidaridad) Bi-Annual Congress at General Assembly of Student Councils (GASC) na ilan sa mga malalaking kaganapan na inaabangan ng bawat student publication sa buong UP System. Saksi si Dean Maria Stella Tirol sa puspusang paggaod ng pahayagan para sa pera; mula sa pagsosolicit sa kaniyang opisina, hanggang sa pagpapaalam sa kaniya upang magamit ang isa sa mga silid-aralan sa Devcom bilang panandaliang opisinang magagamit ng team upang mailathala ang mga magaganap sa nasabing conferences. Ganito rin ang reyalidad na kinahaharap ng pahayagan sa tuwing maglalabas ito ng print copy.

Sa katunayan, ikinalulungkot ng pahayagan na hindi ito makakapagpadalo sa University of the Philippines Diliman Extension Program in Pampanga, kung saan gaganapin ang 2025 UP SoliCon at ika-58 na GASC dulot ng kawalan ng pondo. Gayunpaman, hindi nito mapipigilan ang Tanglaw na makilahok sa pagpapatibay ng mga resolusyon ukol sa malayang pamamahayag sa Unibersidad at sa pagbabalita ng mga napapanahong kaganapan sa darating na pagpupulong. 

Bukod pa sa mga gastusin, hindi rin mawawala ang banta sa kaligtasan ng mga miyembro ng pahayagan lalo na kapag lumalabas ng campus. Bagaman pahayagang pangkolehiyo ang Tanglaw, sinisiguro rin naming nabibigyang-ilaw ang iba pang mga isyung mahalagang malaman at mapagdiskusyunan ng aming mga mambabasa, partikular na ang mga isyu sa Timog Katagalugan at sa nasyunal na lebel. Subalit, hindi pa rin nawawala ang takot at pangamba ng mga miyembro ng pahayagan kung sakaling may mangyaring hindi kaaya-aya, lalo na sa kasalukuyang klimang pulitikal ng bansa, sapagkat marami pa ring mamamahayag ang ikinukulong, inaabuso, tinitiktikan, at pinapaslang sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa katunayan, ang ilan sa mga miyembro ng Tanglaw ay naging biktima rin ng karumal-dumal na militarismo noong nagdaang ika-57 na GASC sa UP Tacloban. Apat sa mga editor ng pahayagan ang kabilang sa hanay ng mga iba pang mamamahayag at lider-estudyante ang sapilitang hinarang ng mga pulis matapos nitong magsagawa ng mapayapang kilos-protesta. Sa tulong ng mga paralegal at abogadong nakipag-usap sa mga pulis, kalauna’y pinalaya rin ang mga mag-aaral. Ngunit kung iisipin, walang ideya ang punong lupon ng Tanglaw kung ano ang gagawin at saan o kanino hihingi ng tulong pinansiyal at ligal kung sakaling madawit ang kung sino mang miyembro nito sa similar na sitwasyon—isang balakid na lalong nagbibigay-bigat sa pagkilalang puspusang pinagsisikapan ng pahayagan.

Kaya naman, pagdating sa mga isyung pampinansyal at pangseguridad, primaryang lumulutang ang pangangailangan ng Tanglaw sa suporta at mga rekurso na siyang makakamit lamang sa pamamagitan ng institusyonalisasyon nito bilang opisyal na pahayagan ng kolehiyo. 

Ngunit, bukod sa mga ito, ang pagkilala sa Tanglaw mula sa sangkaestudyantehan ng Devcom ay isa ring patunay sa ating pagtindig para sa katotohanan at malayang pamamahayag, lalo pa dahil alam naman nating lumiliit at nanganganib na ang puwang ng katotohanan sa parehong tradisyunal at social media. Patunay ang aming mga akda na ang presensya ng Tanglaw sa print at online media ay karagdagang espasyo para sa mga boses at isyung nalilimutan at pinatatahimik sa lipunan, kabilang na yaong sa kabataan at sangkaestudyantehan.

Hindi nagsisimula at natatapos sa pagkilala ang gampanin ng Tanglaw, ngunit nananatiling balakid ang kawalan nito sa serbisyong ibinibigay ng pahayagan sa mga mag-aaral. Ang pagkilalang ito ay hindi lamang magsisilbing takda ng Tanglaw bilang isang opisyal na publikasyon, bagkus ay magiging suporta at pundasyon din ito sa mga susunod na estudyanteng mamamahayag na magpapatuloy sa sinimulan ng pahayagan.

Subalit, hindi magtatagumpay ang pagkilalang ito para sa publikasyon kung hindi rin makukumpleto ang kinakailangan nitong pagsuporta. Kaya naman, bilang miyembro ng Devcommunity, at bilang isa ring mambabasa ng aming mga inilalathala, malaki ang inyong magagawa sa pagsasakatuparan ng minimithi ng pahayagan sa pamamagitan ng pagboto sa ating referendum. Ang mga botong makakalap mula rito ay gagamitin bilang katibayan ng pahayagan at ng administrasyon sa pagsusog sa konstitusyon at sa pagtatalaga sa Tanglaw bilang opisyal na pahayagan ng kolehiyo ng Devcom. Isa itong kritikal na hakbang upang mas maipakilala ang aming sarili sa komunidad at sa aming tapat na tungkulin. Kaya naman, sa laban ng malayang pamamahayag, samahan n’yo kami, Devcom, sa pagpapatambol ng ating hangaring makamit ang pang-kolehiyo at pang-Unibersidad na pagkilala sa Tanglaw. Sagutan ang referendum, at samahan ninyo kaming magliwanag at magpalaya!


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya