Kasama ang mga ulat nina Neil Andrew Tallayo, Denyll Francine Almendras, Sean Angelo Guevarra, at Dianne Kirsten Barquilla
DAPAT MONG MALAMAN
- Binigyang-diin sa ikalawang araw ng UP Solidaridad Bi-annual Congress 2025 kahapon, ika-4 ng Pebrero, sa UP Diliman Extension Program in Pampanga (UP DEPP) ang kahalagahan ng kritikal na pamamahayag ng mga student publication sa papalapit na 2025 midterm elections.
- Nagkaroon ng educational discussion hinggil sa mahalagang gampaning ito sa pangunguna ni Brell Lacerna, national chairperson ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP).
- Sinundan ito ng isang pagsasanay para sa kritikal na pagbabalita sa halalan na pinangasiwaan ni Guinevere Latoza ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).
Lumutang ang kahalagahan ng kritikal na pamamahayag ng mga student publication ng UP System sa papalapit na 2025 midterm elections sa ikalawang araw ng UP Solidaridad Bi-annual Congress 2025 kahapon, ika-4 ng Pebrero, sa UP Diliman Extension Program in Pampanga (UP DEPP).
Sa pagsisimula ng programang tangan ang temang “Campus Press at the Polls: Ensuring Critical Reportage and Defending Press Freedom,” pinaalalahanan ni Andra Peñaverde, Executive Vice Chairperson ng UP Solidaridad National Executive Council, ang mga kalahok na tumatagos sa labas ng Unibersidad ang kanilang tungkulin bilang mga mamamahayag.

“‘Yung role n’yo bilang campus journalists, hindi lang siya nakukulong sa mga nangyayari sa councils, kundi nag-i-inquire din tayo sa labas ng campus… Importante na malaman natin ang mga istorya nila upang magbigay ng liwanag sa kung ano ang p’wede nating maitulong,” paliwanag ni Peñaverde.
Bilang pagpapalalim sa gampaning ito ay nakilahok ang mga delegado sa isang educational discussion na pinamagatang “The Role of Student Publications in Covering Elections and Advancing Democracy” sa pangunguna ni Brell Lacerna, national chairperson ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP).

Binigyang-diin ni Lacerna sa talakayan ang kahalagahan ng mga student publication sa paggigiit ng demokratikong karapatan ng mga mamamayan sa nalalapit na botohan.
“Sa eleksyon, ang pagboto ay demokratikong karapatan. Ang eleksyon, hindi lamang ito pamamayagpag ng isang politika, ito ay ehersisyo ng karapatan ng mga mamamayan,” ani Lacerna.
Pinunto rin niya ang aniya’y “chronic crisis” na nararanasan ng bansa na patuloy na nagpapahirap sa mga mamamayan at pinalalala ng administrasyong Marcos-Duterte. Kabilang sa krisis na ito ang patuloy na pagpaslang sa mga mamamayan, militarisasyon, komersyalisasyon sa mga sektor ng edukasyon at kalusugan, at ang kawalan ng hustisya sa mga bilanggong pulitikal.
Sa pagtatapos ng talakayan ay inilatag ni Lacerna ang panawagan ng kabataan para sa edukasyon, trabaho, sahod, serbisyong panlipunan, tunay na repormang agraryo, pambansang soberanya, pambansang industriyalisasyon, kalusugan, kapayapaan, hustisyang panlipunan, aksyong pangklima, at pagsugpo sa diskriminasyon batay sa kasarian.
“Ang adyenda ng kabataang Pilipino para sa Halalan 2025 ay adyenda para sa tunay, makatao, at pangmatagalang pag-unlad,” giit niya.
Pagkatapos ng educational discussion ay nagkaroon ng pagsasanay para sa kritikal at komprehensibong pamamahayag sa halalan sa pangunguna ni Guinevere Latoza ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).
Kabilang sa mga tinalakay ni Latoza ang kahalagahan ng paglalapat ng mga datos sa karanasan ng mga mamamayan at masusing pagkilatis sa mga tindig at interes ng mga kandidato.
Ang UP Solidaridad Bi-annual Congress ang pinakamalaking pagtitipon ng mga student publication sa UP System. Tinatalakay rito ang mga karanasan, hinaing, at kampanya ng mga pahayagan mula sa iba’t-ibang kolehiyo at constituent units ng Unibersidad sa nagdaang semestre.




You must be logged in to post a comment.