Kasama ang mga ulat nina Paolo Miguel Alpay, Lourain Anne Suarez, Denyll Francine Almendras, at Princess Leah Sagaad
DAPAT MONG MALAMAN
- Sa muling paggulong ng UP Solidaridad Bi-annual Congress 2025 sa UP Diliman Extension Program in Pampanga (UP DEPP), nagsilbing nagkakaisang hinaing ng mga student publication sa UP System ang kakulangan ng admin support na nagpapahirap sa kani-kanilang operasyon.
- Lumutang ang mga kaakibat na isyu nito hinggil sa badyet, espasyo, procurement delays, kalayaang editoryal, at seguridad ng mga pahayagan.
- Sa huling bahagi ng pagtitipon, siyam na resolusyon ang ipinasa ng lupon na magsisilbing gabay ng mga pahayagan sa darating na semestre.
Nagkakaisang daing ng mga estudyanteng mamamahayag ng UP System na nagpresenta ng publication reports sa UP Solidaridad Bi-annual Congress 2025 ang kakulangan ng suporta mula sa administrasyon ng Unibersidad at mga constituent unit na lalong nagpapahirap sa kani-kanilang pang-araw-araw na operasyon.
Tinalakay sa mga ulat ang mga danas na binaka ng 19 pahayagan sa taong 2024, kasama ang kani-kanilang mga plano para sa hinaharap ngayong taon.
Pangunahing isyu na lumutang ang kakulangan sa pondo na nararapat para sa mga batayang gastusin tulad ng equipment, transportation, accomodation, at pagkain. Mayorya ang nagsabi na hindi sila nakatatanggap ng sapat na badyet o kung hindi naman ay nakararanas ng mabagal na proseso ng reimbursement. Dahil dito, kinakailangang saluhin ng mga miyembro ang nalalabing mga gastusin o hindi kaya ay umasa sa donasyon.
Kung susumahin, ito rin ang isa sa mga suliraning kinaharap at patuloy na kinakaharap ng mga pahayagan na taon-taong umuugong sa pagtitipong ito. Matatandaang noong nakaraang taon sa UP Solidaridad Bi-Annual Congress 2024 sa UP Tacloban, parehong mga problema at paghihirap din ang pinunto ng mga publikasyon.
Pagbabahagi ng Ang Tagamasid ng UP Manila College of Arts and Sciences, nalilimitahan ng mga problemang ito ang kapasidad ng pahayagan na magbalita, partikular sa paglalathala ng print issues at pagkokober ng mga kaganapan sa labas ng National Capital Region (NCR) na malayo sa kanila.
Sinundan ito ng problema sa office spaces na hindi napagkakaloob lalo na sa mga hindi pa kinikilalang college-based publications at ang mahabang proseso ng burukrasya sa loob at labas ng Unibersidad tulad ng danas ng Tanglaw. Ayon sa ulat ng mga editor nito, nananatiling naka-ugat ang mga hamong ito sa kawalan ng pinal at pormal na pagkilala rito bilang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng Devcom.
Kabilang din sa mga ipinuntong pagsubok ng mga pahayagan ang papakaunting bilang ng mga aktibong miyembro, procurement delays, panghihimasok ng administrasyon sa kalayaang editoryal, red-tagging, at pangamba sa seguridad.
Bilang parte ng mga hakbangin upang tugunan ang mga isyung nabanggit, nagsagawa ng deliberasyon ang mga pahayagan para sa mga kaukulang resolusyon.
Dalawang resolusyon ang inilatag hinggil sa badyet na naglalayong itaas ang kapakanan ng mga mamamahayag pangkampus at mag-aaral sa UP System, kabilang ang resolusyong humihimok sa UP Solidaridad at mga kasaping pahayagan nito na kondenahin ang budget cuts sa Unibersidad at ang resolusyong naglalayong gumawa ng komprehensibong manual na gagabay sa member publications sa pag-uulat hinggil sa UP budget.
Sa diwa ng nagkakaisang UP Solidaridad, ilang resolusyong sumasaklaw sa buong UP System ang natalakay rin. Kabilang dito ang resolusyong nagsusulong ng office spaces para sa mga publikasyon, komprehensibong kampanya para palakasin ang partisipasyon sa student council elections, at kampanya laban sa Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (MROTC) program.
Samantala, tinalakay rin ang impeachment complaints laban kay Sara Duterte, pag-iigting sa anti-imperialist campaign, at ang 2025 midterm elections sa ibang resolusyon. Nagpasa rin ng resolusyon ng pagkondena sa pagpapatanggal ng opisina ng Today’s Carolinian ng University of San Carlos sa Cebu.
Ang mga naipasang resolusyon ang magsisilbing gabay at rekurso ng mga kasapi ng UP Solidaridad sa kanilang kritikal na pamamahayag at pagbabalita sa mga napapanahong isyu sa loob at labas ng Unibersidad.



