Kasama ang mga ulat nina Maryrose Alingasa, Neil Andrew Tallayo, at Mar Jhun Daniel
DAPAT MONG MALAMAN
- Iginiit ni 41st Student Regent Francesca Duran na kabaliktaran ng “serve the people” slogan ang UP-AFP Declaration of Cooperation.
- Hindi lamang ang UP, kung hindi maging ibang SUCs sa bansa ay kumakaharap sa mataas na kaltas sa kani-kanilang 2025 badyet.
- Samantala, nananawagan ng tunay na representasyon ng mga mag-aaral sa pamunuan ng UPLB ang konseho ng sangkaestudyantehan nito.
Lumitaw na pangunahing suliranin ng mga konseho ng sangkaestudyantehan sa UP System ang militarisasyon at komersyalisasyon sa Unibersidad, malaking tapyas sa 2025 badyet ng state colleges at universities (SUCs), kakulangan sa student spaces, at kahirapan sa pakikipagdiyalogo sa mga pamunuang pangkampus sa unang araw ng 58th Convention of the General Assembly of Student Councils (GASC) sa UP Diliman Extension Program in Pampanga (UP DEPP) noong ika-6 ng Pebrero.
Sa midterm report ng Office of the Student Regent (OSR), binigyang-diin ni 41st SR Francesca Duran ang pagtuligsa sa UP-AFP Declaration of Cooperation. “[Ang] pagkakaroon ng UP AFP DOC [ay] isang malaking banta at isang malaking pagbabaliktad [sa] kung ano nga bang institusyon dapat ang UP, institution dapat na to serve the people.”
Pinapahintulutan ng deklarasyon ang AFP na bumisita sa mga campus ng UP upang magsagawa ng “exchanges at research fellowships” ngunit hindi pinagkakatiwalaan ng mga konseho ang intensyon ng mga puwersa ng estado sa kasunduang ito.
Nangunguna rin ang OSR sa pagkundena sa P2.08 bilyong tapyas sa badyet ng UP System ngayong taon. Ang suliraning ito ay danas din ng lahat ng SUCs sa bansa. “Hindi lang naman ang UP ang kumakaharap ng ganitong isyu kaya patuloy [ang] collaboration with the largest SUCs, which is PUP, na kumakaharap ng P2.4 billion budget cut,” paliwanag ni SR Duran.
Ibinahagi rin ng OSR ang pagkabuo ng UP Act Against Corruption Network (UP ACTION) na inanunsyo kasabay ng First Day Rage sa UP Diliman nitong Enero 21. Hinimok ni Duran ang mga mag-aaral sa Unibersidad na makialam at makilahok sa mga kampanya na tumatalakay sa mga isyung panlipunan. Kaugnay nito ang pagpapatambol ng OSR sa pagpapabilis ng proseso ng impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
Nakatanggap ng pagpupuri sa mga konseho ang mga nagawa ng termino ng OSR nitong nagdaang semestre. Kabilang dito ang kampanya para sa pagbibigay-kilala at pondo sa mga student organization sa pamantasan, aksesible at makatarungang edukasyon para sa lahat, at pang-akademikong kalayaan.
Ibinida rin ng OSR ang pagkonsulta sa mga constituent unit ng UP System sa pamamagitan ng student summits. Kabilang sa mga pinagdausan na ng summit ang UP Baguio, UP Manila School of Health Sciences Tarlac, UP Diliman Extension Programs in Pampanga and Olongapo, UP Open University, UP Manila, at UP Visayas Miag-ao.
Kasabay naman ng mga pagpupugay ang paghamon ng mga konseho sa OSR na mas pagtibayin pa ang pakikibaka para sa karapatan ng mga mag-aaral sa pagpapatuloy ng termino nito.
Daing ng UPLB USC
Sa konteksto naman ng UPLB, itinampok ni University Student Council Chairperson Mark Angelo Roma sa kaniyang unit report ang pagtutulungan sa relief operations para sa mga biktima ng Severe Tropical Storm (STS) Kristine, panawagan para sa karapatan sa edukasyon, tunay na representasyon ng mga mag-aaral sa Unibersidad, at pagtutol sa militarisasyon sa loob ng kampus.
Sa kasalukuyang semestre, 15,218 ang kabuuang bilang ng mga mag-aaral sa UPLB, ayon kay UPLB USC Chair Roma. Naging kritikal ang bilang na ito sa ginawang relief operation ng UPLB USC sa naging malalang hagupit ng STS Kristine sa kampus noong Oktubre na naging ugat ng pagsuspinde ng mga klase ng halos dalawang linggo.
Iniulat ni Roma ang isinagawa nilang kagyat na pagpupulong ng Council of Student Leaders (CSL) na dinaluhan ng 505 mag-aaral upang matugunan ang pangangailangan ng mga nasalanta. Mahigit 2,000 ang kanilang naabutan ng tulong, kaakibat ang Serve the People – UPLB at mga opisina ng pamunuan sa kampus.
Ngunit, nagpaabot din ng pagkadismaya ang konseho sa pagtanggi ng pamunuan ng UPLB sa hiling nilang academic leniency. Maging ang No Fail Policy na isinulong nila sa Office of the Vice Chancellor for Academic Affairs (OVCAA) ay hindi nagbunga.
Nabahala rin ang konseho sa lumalalang komersyalisasyon sa Unibersidad na manipestasyon ang mataas na rates sa mga dormitoryo at iba pang student spaces. Patuloy rin silang gumagawa ng paraan para maging bukas ang maraming espasyo sa kampus tuwing “hell week.”
Base sa datos ng USC, sa isinagawang First Day Rage protest sa kampus noong Enero 27, mahigit 800 mag-aaral at academic employee ang lumahok upang ipanawagan ang kanilang mga hinaing sa pamunuan ng Unibersidad, kagaya ng kahirapan sa registration. Halos doble ito sa mga dumalo noong nakaraang semestre na umabot umano ng 446.
Sa usapin naman ng lumalalang militarisasyon, binanggit ni Roma ang kanilang mga namataang presensya ng mga military personnel at army trucks sa loob ng kampus. Kasabay nito ang pagdami ng mga chekpoint ng lokal na pulisya malapit sa Unibersidad.
Pagkatapos ng report, ilang mga konseho naman ang pumuri sa mataas na bilang ng mga namomobilisa ng UPLB USC sa kanilang mga kampanya, gaya ng pagpapalaya sa political prisoner na si Rowena Dasig.



