Ang istoryang ito ay isinulat nina Kyla Balatbat at Sean Angelo Guevarra kasama ang mga ulat nina Mervin Delos Reyes, Jayvee Mhar Viloria, Jian Martin Tenorio, Princess Leah Saga-ad, at Mar Jhun Daniel.
DAPAT MONG MALAMAN
- Naging tampok sa UPLB February Fair 2025 ang mga panawagan at kampanya ng mga senatorial candidate at party-list representative na naglalayong ipatambol ang boses ng mga batayang sektor sa darating na 2025 Midterm Elections sa Mayo.
- Bilang isang protest fair, sumentro sa limang araw na pagtitipon ang mga panawagan para sa edukasyon, kababaihan, LGBTQ+ community, manggagawa, pesante, kapayapaan, karapatang pantao, at maayos na pamamahala.
Lumutang ang kahalagahan ng UPLB February Fair 2025 sa pagpapatambol ng mga mahahalagang panawagan at kampanya ng mga batayang sektor para sa darating na 2025 Midterm Elections sa Mayo.
Dinaluhan ang tinaguriang pinakamalaking protest fair sa Timog Katagalugan ng mga senatoriable at kinatawan ng mga partylist mula sa iba’t ibang sektor na kinilala ang gampanin ng Feb Fair at kabataan sa darating na halalan.
“Itong ginagawa natin ngayon ay para sa susunod ding henerasyon. Kung hindi tayo kikilos at lalaban, ano pa ang mangyayari sa mga susunod na henerasyon? Kaya’t malaki ang papel ng mga kabataan,” ani Mody Floranda, MAKABAYAN Coalition senatorial candidate at transport leader mula PISTON, sa panayam ng Tanglaw.
Aniya, bilang pangunahing mapagsaliksik at mapag-aral ang mga kabataan, malaki ang maitutulong nito sa paglalabas ng mga panawagan at impormasyon sa iba’t ibang plataporma ng midya. Bukod dito, pinakamalaking maiaambag din umano ng kabataan ang direktang pakikipamuhay sa hanay ng mga drayber, operator, at mamamayan upang mas konkretong maramdaman ang lagay ng mga ito.
Samantala, kinilala ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel sa interbyu ng Tanglaw ang gampanin ng Feb Fair sa panghahamig sa mga dumadalo rito mula sa parehong loob at labas ng Unibersidad.
“Itong Feb Fair, model siya sa maraming universities. We’d like to see more versions ng Feb Fair hindi lang sa UP System pero maging ‘yung iba pang higher education institutions kasi napakaganda ng konsepto at ramdam talaga na komunidad ‘yung nagtataguyod,” ani Manuel. “Ang gusto nito ay patampukin ang kampanya at ang hinaing ng mga oppressed sectors sa ating bansa sa paraan na nakakahikayat din ng participation ng mga estudyante at mga kabataan.”
Kampanya para sa sektor ng edukasyon
Bilang isang protest fair, araw-araw ay may mga temang pangunahing tinutumbok ang mga programa sa Feb Fair na umiikot sa iba’t ibang marhinalisadong sektor ng lipunan at kanilang mga panawagan, lalo na sa papalapit na halalan.
Sa “ALAB: UPLB Feb Fair Day 1,” itinaas ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) Partylist Representative at MAKABAYAN Coalition senatorial candidate France Castro ang panawagan para sa isang edukasyong mapagpalaya, progresibo, at siyentipiko para sa masa.
Giit ni Castro, pinakamalaki dapat ang pondo na inilalaan ng pamahalaan sa edukasyon, kasunod ang pangakong ipaglalaban niya ito sa Kamara. “Dapat ay doblehin ang budget sa edukasyon… Six percent ng GDP [gross domestic product]. Ipaglalaban natin ang isang edukasyong mapagpalaya, edukasyong para sa masa, progresibo, at siyentipiko, edukasyong sasagot para sa mga kailangan ng mamamayang Pilipino para sa pambansang industriya at siyempre sa modernisasyon ng ating agrikultura.”
Matatandaang higit isang dekada nang mas mababa sa 4-6% ng GDP ang katumbas na alokasyong pondo ng gobyerno sa edukasyon. Ito ay sa kabila ng rekomendasyon ng UNESCO 2030 Incheon Declaration at paulit-ulit na paalala ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na nagsasagawa ng mga pag-aaral ukol sa lagay ng sektor.
Panawagan ng mga batayang sektor
Samantala, sumentro ang pakikibaka para sa mga karapatan ng iba’t iba pang mga sektor gaya ng kababaihan at mga miyembro ng LGBTQIA+ community noong ikalawang araw ng February Fair, partikular sa “DRAG ON! 2025: XTRAVAGANZA” at “Women Against Repression Show.”
Ipinatambol hindi lamang ang panawagan para sa pantay-pantay na karapatan at pagtigil ng karahasan batay sa kasarian, kundi maging ang kampanya tungkol sa pagpapasa ng Comprehensive Sexuality Education bill. Matatandaang nito lamang Enero, naging matunog muli ang usapin sa nasabing panukalang batas matapos ang mariin na pagkundena mismo mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa pangako niyang pag-veto nito dahil isa umano itong “ridiculous idea.”
Mga pesante at manggagawa naman ang isinentro sa pakikibaka sa ikatlong araw ng Feb Fair, partikular sa “RAZZMATAZZ 2025: Kumpas ng Pakikibaka,” na layong bigyang lakas ang panawagan para sa kanilang mga danas at karapatan.
Kabilang sa mga binigyang diin dito ang pagkontra pa rin sa isinusulong na jeepney phaseout, kung saan nanawagan si Floranda na samahan silang mga tsuper para sa aniya’y “pagtatanggol sa kabuhayan at karapatan” nilang mga mamamasada.
“Hindi lamang laban [ang usaping ito] ng mga driver, hindi lamang laban ng mga operator, kundi laban [din] ng mga commuters at sambayanang Pilipino,” giit ni Floranda.
Kampanya para sa karapatang pantao
Sa ikaapat na araw naman ng Feb Fair 2025, itinampok sa “Kamurayaw 2025: Kumpas ng Kapayapaan, Himig ng Katarungan” ang panawagan para sa kapayapaan at karapatang pantao.
Patuloy pa rin ang pag-iral ng red-tagging at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga kabataang estudyante ng Timog Katagalugan, kabilang na ang environmental defenders na sina Owen Dasig at Ella Peniero na inaresto habang nagsasagawa ng pag-aaral sa Atimonan, Quezon, at si Paolo Tarra, isang human rights defender na nakaranas ng intimidasyon mula sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) gamit ang banta ng Anti Terrorism Act of 2020.
Binigyang diin naman ng mga tagapagsalita sa programa na hindi lamang umiinog sa mga paglabag sa civil at political rights ang isyu ng karapatang pantao sa kasalukuyang rehimen.
“Tila nilalabag na ‘yung karapatan sa pamumuhay. Bakit? Dahil sa sobrang kahirapan, kawalan ng hanapbuhay, para na rin nating unti-unting pinapatay ang ating mga kababayan,” ani MAKABAYAN Coalition senatoriable Teddy Casiño.
Pakikibaka para sa maayos na pamamahala
Sa paglalagom naman ng “Paglaum 2025: Dagundong ng Pagbalikwas at Pakikibaka” sa limang araw na pagtitipon, binitbit ng iba’t ibang musika, kultural na pagtatanghal, at mga tagapagsalita ang panawagan para sa isang maayos, makamasa, at makabayang pamamahala.
Nagsilbing hamon ni Mimi Doringo, Secretary-General ng KADAMAY at MAKABAYAN senatorial candidate, sa kabataan ang pagsama sa patuloy na pakikibaka ng mga mamamayan.
“Kasama ba ng mga maralita ang mga kabataan? Ang mga kababaihan, ang mga tsuper, ang mga manggagawa, kaisa natin silang lahat. Ipagtatagumpay natin ang laban hanggang ang lipunan natin ay makamit ang hustisya na dapat ay matagal na nating nagagawa,” pagdidiiin ni Doringo.
Sa gitna ng hidwaan ng dating magkatambal na Marcos-Duterte, hinamig din ni UPLB University Student Council Vice Chairperson Maggie Demia ang mga dumalo tungo sa matalinong pagboto at pagiging mulat sa hakbangin ng mga ito sa ngalan ng kanilang interes sa kapangyarihan.
“Mga kasama, kasabay ng pagtatapos ng February Fair ngayong taon ang papalapit na midterm elections. Huwag tayong pumayag na muling makakaupo sa puwesto ay gahaman, ganid, at bulag sa tunay na danas ng ating bansa. Iluklok natin sa puwesto ang tunay na sumasandig at nagrerepresenta sa ating sambayanan,” ani Demia.
Ika-39 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution
Kakabit naman ng pagsentro sa pagpanawagan para sa isang maayos na pamamahala, tinutukan din ng programa ang kasaysayan ng pamamahala ng dating diktaduryang Marcos Sr. na nag-udyok sa pag-aalsa ng masang Pilipino noong EDSA 1—at patuloy na paniningil sa kasalukuyang administrasyon ni Marcos Jr. kasama ang dating katambal nitong si Sara Duterte.
Nagbalik-tanaw si Castro sa pagsisimula ng UPLB Feb Fair bilang isang protesta noong panahon ni Marcos, Sr. na nagpapatuloy sa kasalukuyan kung saan may isang Marcos muli sa palasyo. “Kasaysayan ng UP na patuloy lumalaban at nakikibaka para sa interes ng mga mamamayan at mga isyu ng sambayanan… May pag-asa sa gitna ng hamon.”
Sa papalapit na komemorasyon ng ika-39 na anibersaryo ng People Power Revolution, idineklara sa buong UP System nito lamang Pebrero 19 ang pagkakaroon ng Alternative Learning Day sa Pebrero 25 na umani ng pagkundena mula sa iba’t ibang sektor.
“An ‘alternative learning day’ is just another sweet spin on the working holiday. Look at that phrase: ‘Chancellors shall determine suitable work and class arrangements’. That’s even worse — they will dictate the terms of the non-holiday, and pretend it is. Double talk, that’s what it is,” ani ng manunulat at mamamahayag na si Inday Espina-Varona sa isang Facebook post.
“Students, faculty, non-faculty workers should issue a joint statement declaring YOUR holiday. You stay away from campus. Better yet, walk out of classes and duties, converge, and then proceed to gatherings commemorating People Power,” dagdag pa niya.
#



