Complicit.

‘Yan ang unang salitang sumagi sa aking isipan nang makita ko ang anunsyo mula sa opisyal na Facebook Page ng UP mula sa UP President na si Angelo Jimenez na ang ika-25 ng Pebrero ay idinedeklarang “Alternative Learning Day” bilang paggunita sa alaala ng isa sa mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng ating demokrasya sa pamamagitan ng pag-a-anunsyo ng asynchronous na moda ng pagtuturo. 

Sa totoo lang, hindi ko maintindihan kung bakit nararapat pang tawagin ito sa ibang pangalan. Mismong sa anunsyong inilabas ay nakasaad na ang ika-25 ng Pebrero ay nakalaan bilang pag-alala sa isa sa mga susing kaganapan sa rehimeng Marcos: ang pagbibigkisan ng masang Pilipino upang patalsikin ang diktadurya na siyang kumitil sa mga karapatang pantao ng bawat indibidwal at komunidad. Kung sa gayon, hindi na kailangan na ibahin pa ang pangalan nito, kundi tawagin na lamang sa kung ano nga ba talaga ito: ang People Power Revolution.

Bukod dito, nakadidismaya sapagkat hindi lingid sa ating kaalaman na ang UP System ay sentro ng aktibismo, lalong-lalo na noong panahon ni Marcos. Batid ng nakararami na talamak noong Martial Law ang mga aktibidad na siyang kinukundena ang ‘di-makataong rehimen, gaya na lamang ng mga kilos-protesta, pag-walkout sa mga silid-aralan, at pati na rin ang ating taunang February Fair na siyang nagsilbi at patuloy na nagsisilbing plataporma upang magpalaganap ng kritikal na diskurso ukol sa mga napapanahong isyu sa pamamagitan ng iba’t ibang pagtatanghal at kampanya. Naging napakahalagang batis ng impormasyon din laban sa propaganda ng rehimen ang mga campus press gaya ng UPLB Perspective na siyang nabuo bilang sagot sa pagpapasara ng Aggie Green and Gold noong Martial Law, ang publikasyon ng UPLB bago ang [P].

Hindi rin natin dapat kalimutan ang 11,073 na naitalang kaso ng human rights violation ng Human Rights Victims’ Claims Board (HRVCB) noong panahon ng Batas Militar na siyang kinabilangan ng mga kabataan at manunulat. Panigurado na marami pang kaso ang siyang hindi nasinagan ng araw at hindi na nakamtan ang hustisyang inaasam.

Batay sa anunsyo, iniaatas ng UP President ang desisyon sa tatahakin ng mga klase sa mga chancellor ng bawat constituent unit at sa mga guro. Ironic, sapagkat ang punto ng deklarasyong ito ay “To reinforce the significance of this occasion,” ngunit hindi ito sapat bilang pagtindig sapagkat pinapalabnaw lang nito ang diwa ng People Power gaya ng ginagawa ng Marcos-Duterte tandem. 

Uulitin ko, 11,073, at marami pang hindi dokumentado, ang siyang naging bilang ng mga biktima ng panlalapastangan ng diktadurya noon. Marami sa mga biktima nito ang katulad nating estudyante, kabataan, manunulat, kababaihan, at iba pa. Hindi makatarungan ang isang “Alternative Learning Day,” sapagkat ang mensaheng ipinapahiwatig nito ay tila kawalan ng pake sa kasaysayan—na para bang dapat lang magpatuloy ang buhay at hindi bigyang-halaga ang sakripisyo ng mga bayani ng nakaraan upang maatim natin ang kalayaan na mayroon ngayon. Ang pang-tamad na deklarasyong ito’y ‘di lamang isang porma ng pagsasawalang-bahala sa kasaysayan, ngunit pagtatago din sa likod ng maskara ng neutralidad.  

Ang hindi direktang pagtindig laban sa pilit na pambubura at pagpapalabnaw ng Marcos-Duterte admin sa kaganapan noong Batas Militar ay walang pinagkaiba sa mismong mga nagpapalabnaw nito. Katumbas lamang ng paulit-ulit na disinformation campaigns at pag-iiba ng mga petsa ng mga susing punto sa kasaysayan ang ganitong uri ng mensaheng inilabas ni Jimenez.

Kaya naman sa mga mambabasa, akin kayong inuudyok na pag-aralan ang lipunan at dumalo sa mga kalapit na pagtitipon para sa paparating na komemorasyon ng People Power. Mas mahalaga ang partisipasyon ng bawat isa sa ngayon, lalong-lalo na sa papalapit na midterm elections kung saan ang kampo ng kasamaan at kadiliman ang siyang naghahari’t nangunguna sa pulso ng bayan. Tayo ay tumindig at ‘wag hayaan na ang diwa ng rebolusyon at ng People Power ay mapunta sa kamay ng mga uring tinutuligsa ang puso ng masang Pilipino.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya