DAPAT MONG MALAMAN
- Nagkasa ng mga magkakasunod na kilos-protesta sa Camp Bagong Diwa, Department of National Defense, at EDSA ang delegasyon ng Timog Katagalugan na nakiisa rin sa pambansang mobilisasyon para sa ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Uprising.
- Ayon sa tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan – TK, “Out of 757 political prisoners nationwide, 100 political prisoners ay mula sa Southern Tagalog.”
- Kinumpirma ng Chairperson ng Mindoro Youth for the Environment and Nation na 10 batalyon ng militar ang nakabase sa mga kanayunan ng Mindoro sa kasalukuyan.
Kasabay ng paggunita ng ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Uprising ang pagdiriin ng delegasyon ng Timog Katagalugan sa panawagang pagpapatalsik kay VP Sara Duterte, kalayaan para sa mga bilanggong pulitikal, at pagpapatigil sa lumalalang militarisasyon sa Mindoro sa pambansang mobilisasyong isinagawa kahapon sa EDSA People Power Monument, ika-25 ng Pebrero.
Sinimulan nila ang kanilang kilos-protesta ng umaga sa Camp Bagong Diwa, patungong Department of National Defense, at EDSA upang irehistro ang mga panawagan sa mga kaukulang opisina. Binubuo ng mga batayang sektor ng lipunan ang grupo na nagmartsa sa EDSA kasama ang iba pang delegasyon ng pambansang mobilisasyon pagsapit ng hapon.
Giit ni John Peter Angelo “Jpeg” Garcia, 3rd nominee ng Kabataan Partylist na kasama ng delegasyon, “Sa pagdaluyong ulit natin dito sa EDSA, bitbit natin ‘yung panawagan para sa libre, dekalidad, at abot-kamay na edukasyon na alam namin na hindi makakamit kung hindi mapapanagot ang mga taong nagpapanatili ng bulok na sistema sa edukasyon.”

Ipinaliwanag ni Garcia na isang halimbawa dito si VP Sara Duterte na nahaharap sa impeachment complaints matapos nitong hindi maipaliwanag sa publiko ang pinanggamitan ng confidential fund ng kaniyang opisina. “Kaya kasabay din nu’ng panawagan sa edukasyon ang panawagan na i-convict na si Sara Duterte at panagutin ang tatay niya na si Rodrigo Duterte, habang singilin naman ang kasalukuyang pangulo na si Marcos Jr.,” tugon ni Garcia.
Sa kasalukuyan, nasa Senado na ang impeachment complaint laban kay Duterte ngunit ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero ay tinataya niyang sa Oktubre pa nila matatapos ang botohan para dito. Kasunod ito ng naunang paninindigan ng senador na sa Hunyo 2 pa sisimulan ang kaukulang trial.
Pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN – TK) ang pag-organisa sa mga iba’t ibang sektor na bumubuo ng delegasyon.
“‘Yung calls na primary binitbit ng Southern Tagalog sa EDSA Commemoration, una, ‘yung pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal,” ani Lucky Oraller, BAYAN – TK Spokesperson. “Out of 757 political prisoners nationwide, 100 political prisoners ay mula sa Southern Tagalog.”

Bukod dito, nais din nilang isulong ang pagbabalik ng peace talks sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines at National Democratic Front, at ikundena ang patuloy na militarisasyon sa rehiyon.
Ayon kay Oraller, lumalala rin umano ang militarisasyon sa bayan ng Pola sa Oriental Mindoro. “Sunod-sunod ‘yung nangyayaring strafing, at aerial bombing sa mga komunidad na nagdudulot ng human rights violation,” dagdag niya.
Sinusugan ito ng Chairperson ng Mindoro Youth for the Environment and Nation (MYEN) na si Haira Dollano. Aniya, “Bitbit din talaga ngayon ng Southern Tagalog ang ‘Defend Mindoro’ kasi unang-una ‘yung sa lumalalang militarisasyon na 10 battalion ‘yung nasa Mindoro ngayon, at doon talaga kitang-kita na naka-focus din ‘yung AFP-PNP sa Mindoro kaya pinapatambol talaga natin sya.”

Ibinahagi ni Dollano na hindi umano inaabot ng dominanteng media ang kanilang lugar kung kaya’t hindi rin nabibigyan ng pansin ang mga karanasan ng mga mamamayan doon kaugnay ng isyung militarisasyon.
“Kino-consider nila na insurgency-free ang Mindoro pero kasalukuyang 10 battalion ‘yung nakapakat ngayon at mostly du’n ay nasa mga kanayunan. Patuloy lang silang maghahasik ng takot sa mga mamamayan na nandu’n,” giit pa niya.
Nakiisa rin sa komemorasyon ang ilang mga kumakandidatong senator mula sa Makabayan Bloc para sa midterm elections sa Mayo. Kinundena nila ang patuloy na kultura ng impunidad mula sa estado.■




You must be logged in to post a comment.