Isinulat nina Denyll Francine Almendras, Janelle Tolentino Macandog, at Lourain Anne Suarez kasama ang ulat ni Paolo Miguel Alpay.

DAPAT MONG MALAMAN

  • Daluyan ang UPLB Feb Fair ng mga sining na tangan ang mga panawagan hinggil sa iba’t ibang isyu sa Unibersidad at lipunan. Kabilang dito ang kakulangan sa espasyo at mga instrumento ng mga artista ng bayan upang mahubog ang kanilang mga talento.
  • Sentro sa mga pagtatanghal ang usapin hinggil sa nalalapit na eleksyon, kung saan panawagan ang pagpili ng mga kandidatong magtataguyod sa de-kalidad na edukasyon, karapatan ng mga manggagawa, kababaihan, kabataan, at LGBTQIA+ community.

Pulang sinag ng mga ilaw at malakas na pagpintig ng damdamin habang umiindayog sa musika—ganito maipipinta ang mga eksena sa UPLB February Fair 2025. Ngayong taon, habang papalapit ang 2025 Midterm Elections, ipinakita ng Feb Fair kung paano nagiging anyo ng pagbigwas mula sa kasalukuyang sistemang pampulitika ang sining ng mga artista ng bayan.

Mistulang isang klasikong sirkus ang kasalukuyang alitan sa loob mismo ng administrasyong Marcos-Duterte. Para sa mga alagad ng sining, kailangan ng reporma upang putulin ang siklo ng panlilinlang ng mga naghahari-harian sa Malacañang. Kaya naman, nagsilbing daluyan ng kolektibong karanasan ng iba’t ibang sektor ang bawat galaw, awit, at himig ng kanilang mga pagtatanghal. Dito, ang mga mamamayan—at hindi ang mga politikong nagbabangayan sa kapangyarihan—ang sentro ng entablado.

Ang taunang UPLB FebFair ang pinakamalaking protest fair sa rehiyon ng Timog Katagalugan. Malaki ang papel na ginagampanan ng mga artista ng bayan sa pagpapatambol nito ng mga panawagang pangkaunlaran. Sa tulong ng kanilang masining na pagproprotesta, naipapadala ang mensahe ng iba’t ibang sektor nang may lakas at paninindigan. Sa kabila nito, nananatiling kagyat ang suportang kanilang natatanggap para mapatalas ang mga kasanayang nagsisilbing sandata laban sa pandarahas ng mga puwersang mapaniil—at hindi ito nalalayo sa kasalukuyang lagay ng mga student-artist sa Unibersidad. 

It’s been raining in Los Baños, hindi ka ba nilalamig? 

Basang basa na sa ulan? Kasi it’s been raining in Los Baños. Ngunit ang tanong, ulan ba talaga ang pinaguusapan natin dito? 

Ilan sa mga bumubuhos na mga problema sa UPLB ay ang mga isyu patungkol sa mga pagpapalitaw ng mga pangangailangan at mga nararapat na matamasa ng mga student-artist. Isa sa mga lumulutang na kahirapan nila noon pa man ay ang kawalan ng espasyo para makapag-ensayo. 

“Ang laking kakulangan ng rehearsal space. Sobrang daming red tape – mga pagkamahal-mahal na bayad na estudyante din ang nagsho-shoulder kahit supposed to be University [ang] nag-su-support sa pag-cultivate ng character and skills namin,” wika ni Isaac Mongcal ng bandang Aneka. 

Kaakibat sa mga panawagang ito ay ang kakulangan at limitadong mapagkukunan ng mga instrumento, kahit man lang studio. 

“Sobrang mahal ng mga equipment, ng mga gitara, ng mga keys, and ‘yung pagpa-practice namin sa studio o rehearsal, umaabot ‘yun ng 300 [pesos] per hour. For someone na hindi talaga financially stable, sobrang hirap noon na ipagsabay mo ‘yung paggawa ng art mo, ng musika mo, and at the same time, iniisip mo kung makakain ka ba ng tatlong beses sa isang araw,” banggit naman ni Neicole Donio ng UP Silakbo. 

Binanggit din ni Donio na hindi lamang naman para sa personal na paglago ang kanilang pagpupursiging mahubog ang kanilang talento. Higit dito, instrumento rin ang mismong pagtatanghal nila para mapataas ang kamalayan ng kabataan sa samu’t saring isyu sa paraang hindi mabigat para sa kanila.

“Music makes sending messages in a more accessible way, na mas magaan siya… Kasi I feel like, pagdating sa mga rally, medyo may parang nakakatakot pa siyang stigma ganyan. So, [dahil sa] music, parang there’s a way na ma-e-enjoy nila ‘yun pero at the same time, ‘pag napakinggan mo naman ‘yung mensahe, talagang mapapaisip sila,” ani Aaron Tyler Magdamit ng UP Silakbo, habang tinutukoy ang pagpili sa kantang Awit ng Kabataan at Dekada ‘70 sa kanilang itinanghal sa entablado. 

Ipinahayag din ni Jacq Ruiz mula sa Gabriela Women’s Partylist na malaki ang gampanin ng kabataan para patuloy na maisulong ang mga solusyon sa sandamakmak na mga isyung kinahaharap ng lipunan, lalo na sa sektor ng edukasyon. Kabilang na rito ang harap-harapang pangungurakot gamit ang confidential funds, layuning pagsasabatas ng Mandatory ROTC, hinaharang na implementasyon ng Comprehensive Sexuality Education, kulang na impraestruktura, at mababang sweldo ng mga guro.

“Ang pagiging kritikal [at] analitikal n’yong mga kabataan ay susi upang labanan ang ganitong mga problema ng ating pamahalaan. Hindi nagtatapos ang ating pag-aaral sa loob ng ating mga kwarto o sa ating mga silid-aralan. Malawak ang ilang mga larangan para itaguyod ang tunay na makabayan na paglilingkod,” ani Ruiz.

Nahihilo, nalilito. ‘Asan ba ko sa’yo?  

Bukod sa mga student-artist sa loob ng Unibersidad, marami ring mga kultural na manggagawa at mga artista ng bayan ang nagtanghal sa UPLB Feb Fair 2025.

Kilala sa kaniyang awiting Pesante, bitbit ni Khryss Arañas ang kaniyang panawagan na “Defend Bicol.” Sa kaniyang lirikong “Pesante, mabuhay ka! Lupa mo’y inaangkin na! Mga hambog! Mga mandarambong! Baril ay pumuputok habang ako’y tumutugtog!,” dala niya ang kasalukuyang kalagayan sa kanilang bayan sa Bicol at kung paano lantarang tinatanggalan ng karapatang pantao ang mga kababayan niya roon. 

“Dahil sa Executive Order No. 70, ng December 4, 2018 ni Duterte na siyang nagluwal sa whole-of-nation approach at ng NTF-ELCAC [National Task Force to End Local Communist Armed Conflict], dinaranas ng Bicol, Samar, at Negros ang matinding pasismo lalo na sa mga kabukiran nito. Dahil ang pinakanaapektuhan rito ay ang mga magsasaka,” wika ni Arañas. 

Hanggang sa ngayon ay buhay pa rin ang trumped-up charges kay Justine Mesias, isang estudyante mula sa Bicol University at tagapagsalita ng Youth Act Now Against Tyranny – Bicol. Nito ring mga nagdaang taon ay maraming ikinasang operasyon ang militar laban sa mga human rights worker, kung kaya’t marami ang mga naging politikal na bilanggo sa rehiyon. 

Upang mas mapalawak pa ang mga panawagan niya, binuo ni Arañas at ng mga kasamahan niya ang Naga City Culture and Arts Coalition, isang grupo ng mga progresibong artista sa syudad mula sa iba’t ibang disiplina ng sining. Kaugnay rin dito ay ang kanilang cultural movement sa Albay na Taragbo Cultural Network na naglalayong lumikha ng sining na hindi para sa estitika lamang. 

Inantig at pinayanig naman ng Musikangbayan ang Feb Fair sa kanilang huling awitin na pinamagatang Baliktad na ang Mundo sa lirikong “Ano ba ito ang gulo gulo ang gulo gulo, baliktad na ang mundo.” Sa kanilang pagtatanghal sa ikaapat na araw ng Feb Fair, pangunahing isinusulong ni Danny Fabella ng Musikangbayan ang mga tunay na danas ng mga ordinaryong tao—mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan, at marami pang iba. 

Banggit ng grupo na sa kasalukuyang panahon, magugulo ang mga nasa pamahalaan, kung kaya’t kinakailangan ng taumbayan na mamulat at huwag maging tahimik sa mga namamayagpag na isyu sa lipunan. Dagdag pa niya, ang nararapat na lipunan para sa mga Pilipino ay ang lipunang hindi pinagsasamantalahan ang kapwa tao. Aniya, dapat bigyan ng kapangyarihang magpatakbo ng lipunan ang mga lumilikha ng yaman katulad ng mga magsasaka at manggagawa. 

Hindi rin maikakaila na ang kasalukuyang politikal na estado ng bansa ay gaya rin ng awitin ng moonstar88 na Migraine. ‘Asa’n nga ba ang taumbayan sa puso’t isip ng mga nasa Malacañang? Kailan nga ba pipiliin at uunahin ng gobyerno ang taumbayan? Nakahihilo man, ngunit hindi lito ang taumbayan sa kung ano ang tunay na pinapamukha ng estado. 

Aasa nga ba tayo? Ngunit kanino? Sa kasalukuyang gobyerno o sa tao? 

‘Di makita, ‘di marinig, minsa’y nauutal.

May talinhaga naman ang bawat kumpas ni Panthera Arma, isang drag artist, nang sabayan ang tugtuging Bulag, Pipi at Bingi. Mas lalong binigyang-kulay ni Panthera Arma ang kaniyang pagtatanghal nang siya ay gumamit ng sign language sabay ang pag-lipsync sa awiting nabanggit.

Bilang miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+ at ng Persons With Disabilities (PWD), magkatambal na panawagan ang bibit ng kaniyang sining sa kapistahan. 

“Sobrang halaga ng drag na ni-re-represent [ang] PWD kasi wala pang hard-of-hearing drag queens sa Pilipinas… Gusto kong magsimula para sa lahat… pati ‘yung mga ibang disability na baka pwede nilang subukan ‘yung drag,” pahayag ng drag artist.

Sa pagpapalawig pa ng kasalukuyang lagay ng sektor, nitong ika-21 ng Pebrero lamang, naibalita ang kalunos-lunos na pagpaslang kay Shalani, isang transwoman mula sa Caloocan. Tinitingnan ito ng progresibong grupong Bahaghari bilang kaso ng diskriminasyon batay sa sexual orientation ng biktima. Anila, pinapaigting ng masalimuot na proseso ng pagsusulong sa SOGIE Equality Bill ang mga abusong patuloy na nararanasan ng mga miyembro ng komunidad. Kung maging sa pagkilala sa karapatan ng mga LGBTQIA+ ay may kasalatan, hindi nakapagtatakang dobleng hamon ang hatid ng sistema para sa mga bahagi ng komunidad na may kapansanan.

Mataas ang pagnanais at pagpapanawagan ni Panthera Arma para sa kaniyang sektor. Sana sa mga tumatakbo, hindi lang puro pangako. Andami na nilang pangako para sa community ng LGBTQIA+.”

Hindi naman nag-iisa si Panthera Arma sapagkat ito rin ang pinananawagan ni Pura Luka Vega. Sa kaniyang piyesang Broken Vow, hindi nalalayo ang mensahe ng awiting ito sa mga huwad na pangako ng administrasyon para sa kanilang sektor. Para sa kaniya, kinakailangang maipaunawa sa mga mamamayan na kinabukasan nila ang nakasalalay ngayong panahon na naman ng pagdedesisyon. 

“Ang panawagan ko is more on people to be very critical of whom they want to choose… and there is a discourse around voter education… Now is the time that we want them to realize that when they choose a politician, the voters should also look at their credentials, what are their platforms…” banggit ni Pura Luka Vega. 

I love you, my medicine. Mahal kita, my medicine

Ang tanong ng nakaraan ay tanong pa rin ng kasalukuyan. Ano ang gamot sa sakit ng lipunan? 

Sa mga pangmalawakang kampanya tulad ng Feb Fair ay ipinapakita at ipinapaunawa sa taumbayan kung ano nga ba ang tungkulin ng bawat isa sa mga kasalukuyang nangyayari sa lipunan—ang pagpapatampok sa mga pangangailangan at karapatan ng mga mamamayan, pagpapatambol sa mga panawagan ng mga sektor na naaalipusta, at pagpapamulat sa reyalidad ng pamumuhay ng mga ito. Dagdag din dito ang pagpapanawagan na sama-samang buwagin ang sistemang inuuna ang interes ng mga mayayaman at mga naghahari-harian pati ang pagpapalakas sa kampanya sa kung sino nga ba ang dapat na mahalal sa susunod na eleksyon. 

Sa pagbabahagi ni Meg Guiang mula sa Umalohokan, Inc., ang pagkilos aniya na inaasam ng mga nagtanghal sa Feb Fair tulad ng kanilang organisasyon ay ang pagpapanawagan sa mga tumatakbo sa Senado na bitbitin nawa ang tunay na danas ng taumbayan at sila mismo dapat ay gagap ang reyalidad ng mga ordinaryong mamamayan. Inihayag din ni Guiang na sa kanilang mga kampanya ay itinataas nila ang Koalisyong MAKABAYAN at KABATAAN Partylist. 

“Pumili tayo ng kandidato na pakikinggan talaga ‘yung masa. Para kunwari, dito sa UPLB, ay makaranas ng mas malayang environment sa pag-aaral at sining. At mas magkaroon pa ng mas maayos na lipunan na para hindi tayo mawalan ng boses sa ating mga panawagan [dahil] pwede naman siya ayusin ng mga tao sa Senado natin,”  wika ni Guiang. 

Ganoon din ang pagkilos ng Musikangbayan na bagaman naniniwala sila sa kapangyarihan ng kanilang porma ng sining ay kinikilalang malaki pa rin ang kinakailangang pwersa upang mas mapalakas pa ang panawagan ng masa.

“Isang paraan lang ang [musika], pero hindi ito ang pangunahing paraan para magbago ang lipunan at sitwasyon natin… Ang pangunahing panawagan natin ay ang kilusang masa, at doon hugutin ang lakas para sa pagbabago ng lipunan”, ani Fabella. 

Batid ng mga artista ng bayan ang kahalagahan ng kolektibong pagpapaigting ng mga panawagan ng masa sa pamamagitan ng sining. Pagboto nang tama, nang matalino, at ng matalino—ito ang kanilang iminumungkahi tungo sa sambayanang Pilipinong malaya mula sa uring mapang-api. 

Mahalin ang medisina—ang kolektibong pagkilos at pakikibaka.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya