Kasama ang mga ulat nina Diana Luspo at Jan Paolo Pasco.
DAPAT MONG MALAMAN
- Nagsilbi bilang National Olympic Committee assistant si Lagliva sa 2024 Paris Olympics, kung saan tinutulungan niya ang mga atleta sa transportasyon at pagsasaayos ng tutuluyan ng mga ito.
- May mga hindi malilimutang karanasan at pagsubok si Vincent sa kaniyang pag-vo-volunteer, at ito ang kaniyang naging baon pagkabalik ng Pilipinas.
- Nahanap ni Lagliva ang gampanin ng volunteer opportunities tulad ng Sea Games 2019 at Paris Olympics 2024 upang hasain ang kaniyang kaalaman sa sports at Devcom.
Bitbit ang motibasyon na makihalubilo sa mga tao mula sa iba’t ibang pagkakakilanlan, nahanap ni Vincent Lagliva ang pagtatagpo ng bolunterismo, pag-aaral, at sports sa pagsisilbi bilang natatanging volunteer mula sa UPLB. Narating niya ang kabilang parte ng mundo katuwang ang mga prinsipyo ng Devcom sa Paris Olympics 2024.
Unang tinahak ni Lagliva ang landas ng bolunterismo sa pang-internasyonal na lebel noong siya ay freshman pa lamang. Sa partikular, ang unang opisyal na volunteering event ni Lagliva ay ang Southeast Asian Games 2019 na ginanap sa Pilipinas. Nagsilbi siya bilang National Olympic Committee (NOC) assistant, at nagkaroon siya ng pagkakataon na makatrabaho nang direkta ang mga atleta mula sa Malaysia. Ang karanasang ito ang nagpaalab sa damdamin ni Vincent na magpatuloy sa bolunterismo.
Sa isang post ng Philippine Sports Commission (PSC) naman nalaman ni Lagliva ang pagkakataon na maging volunteer para sa Paris Olympics 2024 noong Agosto 2022.
“Parang around the end of the year na lang din ng 2022. Bigla na lang ako naka-receive ng message… Sabi niya, ‘are you continuously interested pa rin ba to volunteer?’ Eh syempre during that time wala namang masyadong ginagawa so in-accept ko nalang basta-basta. Tapos noong pauwi na rin ako ng dorm, biglang doon na rin nila sinabi na official ng ano, nakapasok. Tapos ayun, parang after that, parang doon na siguro parang nag-start na tulungan na kami towards preparing para sa pag-vo-volunteer,” kuwento ni Lagliva.
Nagsimula si Lagliva bilang parte ng “shared pool” o mga volunteer na hindi limitado sa sariling bansa ang maaaring tulungan. Sa pagiging parte ng shared pool ay nakapag-volunteer si Lagliva para sa mahigit sampung delegasyon sa loob lamang ng tatlong araw.
Bahagi ng kanilang responsibilidad bilang volunteer ang pag-antabay sa mga pangangailangan ng mga atleta, pagsasaayos ng transportasyon, at pagpaparamdam sa mga kinatawan na tila nasa sariling tahanan lamang ang mga ito.
Paglipad at paglapag
Katulad ng eroplanong lumilipad at lumalapag ay mayroon ding mga karanasan sa pag-vo-volunteer si Vincent na hindi niya malilimutan—nasa alapaap man ng oportunidad o yanig ng pagsubok.
Ilan sa mga hindi malilimutang karanasan ni Lagliva sa pag-vo-volunteer ay nang magkaroon siya ng pagkakataon na makadaupang-palad ang mga iniidolo niyang atleta tulad lamang ng LGBTQIA+ icon at retired diver na si Tom Daley. Nagkaroon din ng pagkakataon si Lagliva na masuportahan at mapanood nang live ang mga atletang Pilipino tulad na lamang ng Olympic pole vaulter na si EJ Obiena.
Naibahagi rin ni Lagliva ang isang karanasan kung saan kinailangan niyang tulungan ang ilang atleta mula sa tinitirhan ng mga ito hanggang sa destinasyon nila sa gitna ng malakas na buhos ng ulan—ito ang pinaka-hindi niya malilimutang alala.
“Like lahat kami basang-basa pero alam mo ‘yun, parang in-enjoy na lang namin tapos hanggang sa sinamahan ko na sila. Tapos makita mo na lang sila na makasakay na, tapos matatapos na rin ‘yung shift mo. Para kang magulang na masaya,” masiglang salaysay ni Lagliva.
Sa kabila ng mga nakalulugod na pangyayari ay hindi pa rin maiiwasan ang mga balakid. Dahil sa pagiging bago pa ng lahat sa responsabilidad bilang NOC assistant ay may mga hindi rin agad naging maayos na proseso na nagsilbi bilang pagsubok para kay Lagliva.
Dahil sa kakulangan ng impormasyon sa kung paano ang kalakaran ng iba’t ibang departamento ay hindi naging madali ang pagkuha nila ng impormasyon lalo na noong unang mga araw ng kanilang pagsisilbi.
“Since dito kasi, parang highly structured and organized, kailangan may pattern ka. So, parang kami, bilang volunteers, talagang na-work namin siya na parang ni-ra-rush to hopefully ensure na ma-a-address agad ‘yung mga concerns nila,” ani Lagliva.
Binigyang-diin din ni Lagliva ang kahalagahan ng respeto sa kapwa at sa kaugalian ng mga ito. Ginawang halimbawa niya ang magkakaibang paraan ng pagpapakita ng respeto.
“A big challenge talaga is how you would strike the balance of respecting people. Kasi ‘yung sense of respect can come differently when you meet other people,” paliwanag ni Lagliva.
Nakayanan ni Lagliva na harapin ang mga oportunidad at pagsubok dahil sa buong pusong suporta ng kaniyang ina.
“‘Yung mother ko, she just allowed me to do what I want to do… Kaya siguro rin parang nagkaroon ako ng sense of satisfaction na rin dito,” paglalahad ni Lagliva.
Bukod sa pagkakaroon ng solidong suporta mula sa pamilya ay nakatulong ang mga kinabibilangan niyang organisasyon sa UPLB na Society of Exchange Students – University of the Philippines (SExS-UP) at UP Model United Nations (UP MUN) sa pagpapatibay ng kaniyang loob. Ang prinsipyo ng mga ito patungkol sa diplomasya at kultura ang nagbigay-daan sa kaniya na tanggapin ang pagkakataong mag-volunteer sa Paris Olympics.
Tulad ng naibahaging kaalaman ng kaniyang mga organisasyon upang maihanda siya sa oportunidad na tatahakin ay dala rin ni Lagliva ang mga natutunan niya sa Devcom. Ito ang nagsilbi niyang gabay sa landas ng bolunterismo.
Bolunterismo at Devcom
Nang maging mag-aaral ng CDC si Lagliva ay nakatatak na sa isip niya kung paano isusulong ang diwa ng Devcom sa pangmasa at pang-internasyonal na konteksto. Kaya naman, ang landas sa akademya ni Vincent ang mas nagpalalim sa kaniyang interes sa bolunterismo.
“I was able to connect that [volunteer experience] with some of my electives na. Like, for example, nag-ta-take ako ng mga social sciences [electives]. Ni-relate ko na siya towards ‘yung international economics, international politics, global politics, and also, parang doon ko na siya na-build. Doon ko na rin siguro officially na-form ‘yung interest ko,” pagbabahagi ni Lagliva.
Nagbibigay-sigla at lakas kay Lagliva ang mga oportunidad na makadalo sa mga volunteer event na ito. Ang pakikisalamuha sa mga tao na may iba’t ibang kulturang pinagmulan ay pagkakataon para sa kaniya upang makakonekta sa kapwa.
Iniugnay ni Lagliva ang karanasang ito sa likas na katangian ng mga mag-aaral ng Devcom na unawain at pakitunguhan ang makakausap nito sa pamamagitan ng pagkilala sa kanila. “Know thy audience,” ika nga sa Devcom.
Naniniwala rin siya na nahubog ng kaniyang karanasan sa pag-vo-volunteer ang kakayahan niyang tingnan ang magkakaibang pananaw ng mga tao dahil na rin sa puso niya para sa kultura.
“As someone who’s always interested in terms of culture or systems ng bansa, parang masasabi ko na it really helped me more understand or at least gain a richer experience on how I should view ‘yung mga different topics or mga different perspectives of people on themselves and also on their culture,” pahayag ni Lagliva.
Sa kasalukuyan, layunin ni Lagliva na ibahagi ang kaniyang mga natatanging karanasan at natutunan sa bolunterismo sa pamamagitan ng kaniyang pag-aaral ukol din sa pang-internasyonal na pag-vo-volunteer.
“I can say Devcom really helped me to see how we could understand the world better. As Devcom, in the famous words of Nora Quebral, ‘yung kaniyang tagline doon na parang ‘yung pag-build ng human potential or enabling people to realize their full potential. Parang ‘yun ‘yung isa rin sa mga mantra na masasabi ko Devcom is helping me through working with other people, through volunteering,” pagkukuwento ni Lagliva.
Bilang mag-aaral ng Devcom na aktibo rin sa kaniyang mga interes na sports tulad ng weightlifting at gymnastics ay mas natutunan ni Lagliva ang kahalagahan ng sports sa pagbibigay ng oportunidad—bilang atleta man o volunteer.
Bolunterismo at sports
Hindi na bago ang makitang nagpupursigi ang mga mag-aaral ng Devcom sa sports at bolunterismo. Kaya naman, pribilehiyo para kay Lagliva ang mag-volunteer sa mga paligsahan tulad ng Paris Olympics 2024. Nasasaksihan niya ang pagsusumikap ng mga atletang Pilipino para sa karangalan ng bansa.
Bilang may karanasan sa mga pang-internasyonal na programa ay hangad ni Lagliva na makatulong din sa ibang mga Filipino volunteer na magkaroon ng oportunidad na tulad ng naranasan niya.
“I’m open naman for anything as long as may makita rin akong mga other Filipinos. At least taking the [volunteer] opportunity na. [I hope] They just keep on elevating the opportunities for other people. ‘Yung talaga ang biggest [goal] for me,” sagot ni Lagliva sa kung muli ba siyang mag-vo-volunteer para sa susunod na Olympics.
May pangarap din si Lagliva para sa Philippine sports upang mas mabigyang-pansin ito ng mga Pilipino at mas maging inklusibo ito.
“We should build a deep appreciation na lang in the sports and athletes that we are having. And apart from that is at least keep on contributing na lang rin to empower other people to join sports,” paliwanag ni Lagliva.
Iba-iba man ang pinagmulan ng mga atleta at volunteer sa Paris Olympics 2024 ay nagsilbi itong patunay na malaki ang papel ng sports sa pagpapaunlad ng pagkakaisa ng bawat bansa.
“We have different social factors that differentiate us, pero through sports, we were able to kind of unite and collaborate on how we can become better,” wika ni Lagliva. ■



