DAPAT MONG MALAMAN
- Itinanghal bilang kauna-unahang EIC ng CEM student publication si Bianca Ysabel Rabe, mag-aaral ng BS Economics mula sa Batch 2021.
- Sa pagkakaroon ng punong patnugot ng pahayagan, naniniwala si Rabe na mas umaayos na ang sitwasyon ng kanilang pagtataguyod sa CEM student publication kumpara sa nakalipas na taon.
- Ayon kay Rabe, mahalaga ang CEM student publication upang iparating sa masa ang kahalagahan ng mga konseptong pang-ekonomiya sa totoong danas ng lipunan.
Mahigit isang taon na ang nakalipas nang huling siyasatin ng Tanglaw ang kalagayan ng isinusulong na pagbuo sa student publication ng College of Economics and Management (CEM). Sa naunang pagbabalita tungkol dito, hindi naging maganda ang takbo ng pagtataguyod ng kanilang pahayagan sapagkat tutol dito ang pamunuan ng kolehiyo dahil sa usapin ng pondo at, anila, mayroon naman nang university-wide student publication ang UPLB.
Ngunit nag-iba ang ihip ng hangin para sa CEM student publication ngayong taon nang hirangin bilang kauna-unahang editor in chief (EIC) nito si Bianca Ysabel Rabe, mag-aaral ng BS Economics mula sa Batch 2021, nitong ika-20 ng Marso.
Bagaman aminado si Rabe na naging malaking pagsubok ang naunang pagtutol ng CEM administration, naniniwala siyang isang malaking hakbang sa patuloy na pagsusulong ng pahayagan ang pagkakaroon nito ng isang punong patnugot.
“That (EIC selection) is a step closer to establishing the publication… Okay ‘yung kalagayan ngayon kasi nakapag-call na for staffers. We are a family of 20 and growing as of March 26,” kuwento ni Rabe sa panayam ng Tanglaw.
Nakaangkla ang proseso ng pagpili sa EIC ng CEM student publication sa porma ng UPLB Perspective, ang university-wide student publication ng UPLB, na siyang sinundan din ng Tanglaw at ng itinatatag na pahayagan ng College of Agriculture and Food Science (CAFS).
Nagkaroon ng editorial exam na binubuo ng apat na bahagi: pagsulat ng balita, pagsulat ng editoryal, layout and design, at editorial interview. Binubuo naman ang panel nina CEM Student Council Chair Joshua Vernon Atip, UPLB Perspective EIC Aira Angela Domingo, CDC Instructor Guien Eidrefson Garma, at UP Solidaridad Vice Chair for Luzon Lance Panlaqui.
Kahalagahan ng college pubs
Hindi na bago ang usapin kung kinakailangan nga ba talaga ang mga college-level na pahayagan sa loob ng Unibersidad gayong mayroon naman nang UPLB Perspective. Sa kasagsagan noon ng isyung kinahaharap ng CEM student publication, isinaad ni UP College of Media and Communication Associate Professor Danilo Arao na magkaiba ang dinamiko ng isang pangkolehiyong pahayagan sa university-wide publication.
Bagaman mayroon nang university-wide student publication ang UPLB, naniniwala pa rin si Rabe na mas mabilis matutugunan ang mga isyung nakaangkla sa bawat kolehiyo at mga sektor na nakapaloob dito kung mayroong sariling pahayagan ang mga ito.
“It’s always about relatability. University pubs across the system may not always get to cover all the niche interests of the colleges that fall under the university. Sa pag-establish natin ng mga publikasyon na pangkolehiyo, na-a-assert na rin natin ‘yung agency ng kolehiyo natin,” wika niya.
Dagdag pa niya, hindi nawawalan ng problemang pang-ekonomiya ang Pilipinas kung kaya’t mahalaga na magkaroon ng pahayagang tututok dito para sa mas matalas at komprehensibong pagbabalita. “Our calls for the improvement of our economic reality never really faded away.”
Para naman kay Marion Sicat, mag-aaral ng CEM, mahalaga ang pagkakaroon ng sariling college-level publication upang mahikayat ang mga iskolar ng bayan na makibahagi sa mga diskursong politikal bilang kanilang karapatan at responsibilidad.
“Kaya sa pamamagitan ng CEM publication, mas mauunawaan at maisisiwalat ang mga usaping pampulitika na may direktang epekto sa ating kabuhayan at karapatan sa lente ng mga mag-aaral na mismong nagdadalubhasa sa usaping pang-ekonomiya, pang-akademiko, at panlipunan. Higit pa sa kalayaan sa pamamahayag, nakikita ko ang CEM publication bilang isa sa mga institusyon na makikibahagi sa pagsulong sa mas progresibong pagmumulat sa Unibersidad,” ani Sicat.
Hinaharap ng CEM pub
Layunin ng CEM student publication na ihatid sa mga mambabasa ang mga konseptong itinuturo sa loob ng mga silid-aralan sa pamamagitan ng pagbibigay-konteksto at paglalapat ng mga ito sa totoong danas ng lipunan.
Bukod pa rito, nais ding ikonsolida ni Rabe ang iba’t ibang perspektiba ng sangkaestudyantehan ng kolehiyo at baliin ang “stereotypes” patungkol sa CEM.
Samantala, patuloy pa rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa CEM stakeholders, kabilang ang mga mag-aaral at pamunuan ng kolehiyo, para sa pagpaplano ng mga susunod na hakbang ng kanilang pahayagan.
“I’m afraid, of course, na siyempre magkakaroon ng administrative hurdles—nandiyan ‘yung paperwork, ‘yung black and whites natin, nandiyan ulit ‘yung usapin ng budget na lagi naman talagang masinsin kapag usapin na ng budget. So definitely there are things that scare me but not enough to overpower the excitement that we have right now to start a new publication,” saad ni Rabe.■



