Isinulat ni Leonard Z. Magadia, Tanglaw Apprentice.


DAPAT MONG MALAMAN

  • Tinalakay sa Tapatan 2025: UPLB Campus Forum ang mga isyung may kinalaman sa students’ welfare. 
  • Nanawagan ang mga kandidato sa mga estudyante na idaan ang kanilang mga hinaing sa konseho at sa pamamagitan ng mga kaukulang proseso. 
  • Naimungkahi ng mga partido na susi ang pagpapataas ng student participation sa UPLB University Student Council – College Student Council Elections upang maipaabot ang hinaing ng sangkaestudyantehan sa pamunuan.

Ipinatambol ng mga partidong tumatakbo sa UPLB Student Council – College Student Council (USC-CSC) Elections ang panawagan para mas pagtibayin ang koordinasyon sa pagitan ng administrasyon at sangkaestudyantehan sa ginanap na Tapatan 2025: UPLB Campus Forum sa Student Union Building Molawin Hall, ika-22 ng Abril. 

Nagharap-harap sa pagtitipong inorganisa ng UPLB Perspective ang mga kandidato mula sa ADLAW CEM, CEAT Alliance for Student Empowerment (CEASE), Samahan ng Kabataan para sa Bayan (SAKBAYAN), at Veterinary Medical Students’ Alliance (VMSA).

Sumentro ang usapan sa mga isyung kinahaharap ng mga estudyante hindi lamang sa loob ng unibersidad pati na rin sa buong UP System. Kabilang sa mga binigyang-diin sa diskusyon ang pagpigil sa kalayaang magpahayag ng sangkaestudyantehan, mababang partisipasyon ng mga estudyante sa eleksyon, hindi pagsuspinde ng klase sa gitna ng mataas na heat index, at iba pang mga isyu. 

Kaugnay nito, nanindigan ang mga partido na mahalaga ang pakikisangkot ng lahat ng estudyante sa darating na eleksyon upang magkaroon sila ng mga kinatawang magpapaabot ng kanilang mga hinaing sa administrasyon. 

Plataporma para sa mga hinaing 

Ayon kay Eddy Francine Diesta, kumakandidatong Vice Chairperson ng College of Engineering and Agro-industrial Technology Student Council (CEAT SC) mula sa CEASE, mahalagang masiguro na pinagkakatiwalaan ng sangkaestudyantehan ang konseho nang sa gayon ay magkaroon sila ng malalapitan upang ipahayag ang kanilang mga saloobin sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga grievance form at malawakang konsultasyon. 

Ito’y matapos maging sentro ng diskusyon ang isyu ng “anonymity” sa pagbabahagi ng mga hinaing at isyu sa mga online platform. Matatandaang naging mainit na usapin ang mga post sa isang online page na direktang tinutumbok ang mga isyung kinasasangkutan ng ilang estudyante sa Unibersidad. 

Dagdag pa ni Diesta, isang halimbawa dito ay ang freedom wall sa Facebook na ginagamit ng mga estudyante upang maipahayag ang kanilang mga hinaing. Sa kabila nito, nagagamit din ang nasabing page para sa mga negatibong gawain katulad ng red-tagging at cyberbullying. 

Dagdag naman ng ADLAW CEM ang usapin ng “accountability” patungkol sa nasabing paksa. “Ang kalayaan sa malayang pagpapahayag ay may kalakip na accountability…  Hindi porket may kalayaan tayo ay gagamitin na ito upang ikulong ang iba sa negatibong konotasyon,” giit ni Lara Jamea Castro, tumatakbong College of Economics and Management (CEM) SC Councilor. 

Sa forum, mariin ding kinundena ng apat na partido ang nangyaring pagbomba ng tubig ng UPLB Security and Safety Office sa chalk art na iginuhit sa Carabao Park kaugnay ng komemorasyon ng International Women’s Month noong Marso 20. 

Nagkaisa ang apat na partido na ito’y isang anyo umano ng pagtapak sa malayang pamamahayag ng mga estudyante sa kanilang panawagan tungo sa pantay na pagtingin ng lipunan sa kababaihan.

“Ang kailangan talaga nating gawin ay makausap ang admin kung bakit nila tayo binibigyan ng hadlang sa ating freedom of expression na mapahayag natin ang ating mga hinaing. Kailangan nating makausap talaga ang admin at maging consultative tayo sa kanila upang isulong ang safe spaces pati na rin ang art spaces para sa ating mga artista,” pahayag ni Hillary Jane Amar, kumakandidatong College of Veterinary Medicine (CVM) SC College Representative to the USC mula VMSA. 

Mababang voter turnout

Sa pagpapatuloy ng forum, muling nabuksan ang usapin sa mababang voter turnout ng bawat kolehiyo noong mga nagdaang USC-CSC elections. 

Matatandaang noong nakalipas na taon, kapansin-pansin ang pagnipis ng hanay ng mga konseho sa UPLB, kabilang dito ang College of Development Communication (CDC) SC, kung saan apat na kandidato lamang ang tumakbo para sa 13 nakalaan na puwesto. 

Para sa VMSA, mahalagang maipaunawa ang kahalagahan ng mga student council upang magkaroon ng representasyon ang sangkaestudyantehan sa mga desisyon ng administrasyon. 

“Mahalagang ipaintindi sa kanila na ang student representatives katulad ng student council ang kauna-unahang naglalapit ng mga concerns ng student body. Kung kulang-kulang ang isang konseho o kulang-kulang ang partisipasyon ng mga kabataan sa isang kolehiyo, paano natin mas maipatatambol ‘yung kampanya na mayroon tayo?” pahayag ni John Paul Tamayo, kumakandidatong CVM SC Chairperson. 

Koordinasyon sa administrasyon  

Naitanong din sa mga partido kung paano mailalapit ng konseho sa administrasyon ang mga problemang kinahaharap ng mga estudyante tungkol sa pagpapalit ng modality ng mga klase dulot ng mga climate-related issue katulad ng tumataas na heat index, partikular na sa mga naninirahan sa UP dorms. 

Pahayag ni Xyrelle Supremo, kumakandidatong USC Vice Chairperson mula sa SAKBAYAN, ang mga ganitong problema ay maaaring matugunan sa pamamagitan ng short-term at long-term interventions. 

Kasama sa long-term interventions ang paghingi ng isang komprehensibong plano mula sa administrasyon kasabay nang maayos at tuloy-tuloy na koordinasyon sa local government unit ng Los Baños. Kasama naman sa mga short-term na resolusyon ang pagpapanawagan sa academic leniency, kung saan nakapaloob ang apela para sa deadline extensions at attendance leniency. 

Napasadahan din sa panawagan ang mga hakbang na inaasahang maipatambol ng konseho tungo sa mas inklusibong edukasyon. Isa rito ang pagbibigay ng mas aksesibleng pasilidad para tugunan ang mga pangangailangan ng mga persons with disability (PWDs).

“Sisimulan po natin ulit ito palagi sa konsultasyon sa sektor na dapat ay nangangailangan ng tulong, which are the PWDs. Dapat ay alam natin kung ano ba ang direktang pangangailangan ng sektor na ito para madali natin itong mai-lo-lobby sa administration na dapat ay mag-provide ng maayos na facilities for them,” muling saad ni Tamayo. 

Binuksan din ang usapin tungkol sa registration system. Naibahagi ng tumatakbong USC Chairperson ng SAKBAYAN na si Geraldine Balingit na marapat lamang na tutukan ang administrasyon sa kanilang budget allocation sa mga registration concerns. 

“Uusigin natin ang administrasyon na maging transparent sa budget na ilalaan sa registration concerns ng ating mga mag-aaral… Nais nating makialam hindi lamang sa usapin ng registration, nais nating makibutbot at makialam sa usapin ng budget allocation ng pamantasan nang sa gayon ay magawa nating maging transparent sa ating mga constituent at hindi maisangkalan ang kung sino man sa mga problemang kinahaharap ng pamantasan,” giit ni Balingit. 

Pagpapaigting ng relasyon ng sangkaestudyantehan at administrasyon

Bago matapos ang forum, muling nanawagan ang apat na partido sa pakikibahagi ng mga estudyante sa darating na eleksyon upang mas mapagtibay at mailapit ang lahat ng mga hinaing at isyu sa administrasyon sa pamamagitan nang maayos na konsultasyon at panawagan. 

“Hindi lang po dapat natatapos sa pagiging consultative body ang students, dahil tayo dapat ay nakikisangkot sa pagbuo ng mga polisiya sa loob ng administrasyon. Kaya dapat ay patuloy nating iginigiit ang pagkakaroon ng student representative sa management o executive committee ng bawat colleges dahil ito ay nararapat,” giit ni Tamayo. 

Inihayag naman ng SAKBAYAN ang suhestiyon na ilapit ang konseho sa sangkaestudyantehan sa pamamagitan ng on-ground efforts at harapang mga konsultasyon. 

“Ibabalik po ng SAKBAYAN ang kultura ng on-ground efforts na kung saan hindi tayo magpapakasapat sa online… Ipagpapatuloy po natin ang pag-oorganisa ng mga events tulad na lamang ng TAPATAN upang maging avenue ito ng students upang maipahayag ang kanilang mga suhestiyon o katanungan sa konseho,” saad ni Shaine Andrea Winna Jariel, kumakandidato bilang CDC SC Chairperson.

Bukas, 7 p.m., ika-29 ng Abril, ay muling maghaharap-harap ang mga kumakandidato sa UPLB USC para sa gaganaping miting de avance upang mapakinggan ng sangkaestudyantehan ang mga platapormang kanilang inihanda para sa susunod sa termino. ■

Layunin ng pormang news analysis na gamitin ang kaalaman ng mga Tanglaw reporters upang ipaliwanag ang mga balita sa pamamagitan ng pagbibigay-konteksto, pagpapakahulugan, at obserbasyon.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya