Isinulat ni Angelleanne Marfa, Tanglaw Apprentice.


Ilang dekada na ang nakalipas, hindi na mabilang ang mga karatulang itinaas at mga mobilisasyong ipinaglaban. Hanggang ngayong Mayo Uno 2025, sa ika-123 Pandaigdigang Araw ng Paggawa, ay mas lumalala at nananatiling nakapiit sa paghihirap ang milyon-milyong manggagawa sa ating bansa. 

Tuwing sasapit ang Mayo Uno, ang salitang “pahinga” ang unang sumasagi sa isip ko. Noon, akala ko ay ito ang araw at pagkakataon ng lahat para huminto muna sa mabilisan at nakapapagod na buhay sa pagkayod. Ngunit, mali pala ako. Dahil sa likod ng pag-aakalang ito’y araw ng pagpapahinga ay ang reyalidad na walang kapahingahan para sa mga uring manggagawa, dala ng patuloy nilang pakikipagsapalaran sa kalbaryong kanilang hinaharap sa araw-araw. Ang paggunita sa Mayo Uno ay pagkilala at pagpapahalaga sa bawat manggagawa. Subalit sa halip na magpahinga, makikita silang nagtitipon sa lansangan, nagsusumiklab sa pakikipaglaban at pagbalikwas sa mapang-abusong sistema ng pamamahala.

Ang mga manggagawang Pilipino ang pundasyon ng ating lipunan. Walang ekonomiya kung wala sila. Gayunpaman, sa patuloy na pagtaas ng bilihin, nakadidismaya sapagkat nananatiling salat ang uring manggagawa bunsod ng ‘di-makatarungang sahod na pumapalakpak lamang sa PHP 425 hanggang PHP 560 sa CALABARZON, at PHP 608 hanggang PHP 645 sa NCR, batay sa ulat ng Department of Labor and Employment. Kung babalikan ang nakaraan, noong una pa lamang na ipinagdiwang ang Araw ng mga Manggagawa noong 1903, ipinaglalaban na ang patas at nakabubuhay na sahod at ligtas at makataong kondisyon sa pagtatrabaho.

Sa kasalukuyan, humaharap ang ating mga uring manggagawa sa matinding mga balakid sa usaping karapatan. Matatandaang noong nakaraang buwan ay sumiklab ang malawakang welga ng mga manggagawa sa Nexperia Philippines Inc. Makasaysayan ang kuwentong ito bilang ito ay isa sa pinakamalaking welga sa nakalipas na mga dekada dulot ng mahabang panahong pagtitiis mula sa kapitalistang yinuyurakan ang kanilang karapatan at pagbabalewala sa mga hinaing sa napakababang pasahod, pagsisante sa mga manggagawa, at pagtutol sa mga pag-atake sa kanilang karapatan sa pag-uunyon. 

Sa katunayan,  sa ulat ng 2024 Human Rights Watch, kasama ang mga lider ng uring manggagawa sa patuloy na nabibiktima ng red-tagging, kabilang na ang danas ng mga manggagawa sa panggigipit tuwing may mobilisasyon. Ipinapakita lang nito na kulang ang pagpapatibay sa mga batas at ang Labor Code na siyang dapat na nagbibigay-garantiya sa karapatan ng bawat manggagawa.  

Si Crisanto “Ka Anto” Evangelista, ay isang dakilang lider-manggagawa noon na nanguna sa militanteng kilusang paggawa upang isulong ang adhikain na makalaya laban sa mapagsamantalang kapitalistang naghahari sa bansa. Para sa kaniya, kasama sa tungkulin ng mga manggagawa ang manguna sa pagsusumikap na hamunin ang sistema, at tuldukan ang monopolyo ng mga elitista sa pulitika at ekonomiya sa ngalan ng masang anakpawis. 

Ngayong Mayo Uno, madali lang sabihin ang salitang “salamat” para sa mga manggagawa, ngunit hindi dapat hanggang dito lang ang ating magawa. Mas kailangan ang pangangalampag sa mga ahensyang nangangasiwa sa mga manggagawa. Tayo ay tumindig at makiisa sa laban upang itaguyod ang mga panawagan para sa isang makataong kondisyon sa pagtatrabaho. Sa gitna ng matinding inflation ngayon sa ating bansa, hindi ang mga barya-baryang taas-pasahod ang kailangan ng ating mga manggagawa kundi ang isang nakabubuhay na hanapbuhay. 

Kaya naman, ikaw na mambabasa, nalalapit na ang Midterm Elections 2025. Pagkakataon natin ito upang pumili ng mga uupo sa Senado na may tunay na pakialam, iyong diringgin at ipaglalaban ang mga karapatan ng hanay ng mga uring manggagawa. Ihalal natin ang mga tunay na galing sa masa. Sapagkat sa huli, mananatiling kapos ang pagkayod kung hindi papalitan ang estadong mas sumasandig sa interes ng mga dayuhan at naglalakihang kumpanya. At mas lalong walang halaga ang pagbibigay-pugay kung walang pagkilos upang mapabuti ang kalagayan ng bawat manggagawang Pilipino.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya