Isinulat ni Ali Cerdenia, Tanglaw Apprentice.


“Kung magdedeklara ng Batas Militar kinabukasan, saan namin kayo makikita?”

Tradisyon na sa Devcom ang tanong na ito para sa mga tumatakbo sa konseho. Araw-araw naman kasing lumilikha ng kasaysayan ang taumbayan, kung kaya’t nararapat lamang na malaman natin kung saan ang tunguhin ng ating mga susunod na lider-estudyante. Ngunit, para sa’kin, higit pa dapat sa pagsisiyasat na ito ang ating pagmumuni-muni kung saan natin makikita ang ating mga sarili matapos nating bumoto.

Pumasok ako sa Devcom na may isang munting hangarin: Ang masikhay na makapag-ambag sa kilusang estudyante sa pamamagitan ng aking panulat. Mamamahayag na kasi ako simula pa nu’ng hayskul. Malapit talaga ang aking puso sa pagbasa at pagsulat. Natatandaan ko pa kung paano ko maagang inaral ang materials namin sa DEVC 10, na sa una ay parang Ingles na bersyon ng Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino dahil sa pagtalakay nito sa hindi pantay na istruktura ng lipunan, pati na rin ‘yung libro ni Paulo Freire tungkol sa kritikal na kamalayan. Bagama’t bata pa lamang ako sa Unibersidad, hindi rin ako nagdalawang-isip na sumali sa isang alternatibong midya sa Timog Katagalugan sapagkat napagtanto kong repleksyon ito ng mga hangarin ng Devcom. 

Dumating siguro ‘yung animo’y pagbasag sa‘king mga inaasahan matapos ang ilang buwan kong pananahan sa Unibersidad. Napagtanto kong hindi pala perpekto ang Devcom, na bagama’t progresibo ang mga teoryang bumubuo rito, hindi ito ganap na tumatagos sa sangkaestudyantehan ng kolehiyo. Lapat ang reyalidad na ito sa naging Miting de Avance para sa CDC Student Council Elections 2025 noong Abril 28, kung saan muling nabuksan ang dati nang problema ng paghina ng tiwala ng mga mag-aaral sa konseho bilang kinatawan ng kanilang mga interes. Kung may mapupulot man mula sa mga partikular na isyung naiangat, katulad ng kakulangan ng representasyon ng mga mag-aaral ng Associate of Science in Development Communication sa kolehiyo, ito ay ang katotohanang malalim ang ugat ng patuloy na paghina ng antas ng partisipasyon at paglaki ng siwang sa representasyon.

Nakalulungkot man, bilib pa rin ako sa mga lider-estudyante ng Devcom na nagsusumikap pa ring tumangan sa hamong mapagpalayang makapagsilbi. Ngunit, naniniwala akong upang mas matuwid nilang magampanan ang kanilang mandato, hindi mapapantayan ang kahalagahan ng ating tiwala bilang mga estudyante. Sa huli, mula lamang sa tiwalang ito mapapanday ng konseho ang mas matibay nating partisipasyon, na kalauna’y magiging sandata para sa masusing kampanya. 

Tunay na mahirap bakahin ang paglabnaw ng diwa ng paglahok at pakikisangkot, kung kaya’t dapat igiit sa ating mga lider-estudyante ang kabigatan ng mas makabuluhang pagbutbot sa mga isyung kinakaharap ng mga mag-aaral na kanilang pinagsisilbihan sa loob at labas ng eleksyon—mula sa kampanya para sa pagiging bukas ng mga kandidato at pagwawasto sa mga kamalian, hanggang sa mga personal na disposisyon at mabibigat na gawaing pang-akademiko ng bawat estudyante. Dapat maikintal sa kanila ang kahingiang matahi ang ating mga personal na kondisyon sa mas malawak na mga isyu upang mahimok tayong lumahok.

Sa iba’t ibang mga pakikibakang dapat mas panindigan ng Devcommunity, tulad ng pagpapakilala sa Tanglaw bilang opisyal na pangkolehiyong pahayagan, nararapat lamang na tratuhing magkakambal ang pwersa ng ating representasyon at partisipasyon. Sino pa’t tayo rin naman ang palaging dehado sa pag-igting ng mga isyu, tulad ng militarisasyon at kakulangan sa slots dulot ng budget cuts. Kinakailangan naman talaga nating masiyasat kung ano ang landas na tatahakin ng mga susunod nating lider-estudyante habang umaandar ang kasaysayan. Ngunit, katulad nila, dapat ding tumugon tayo ayon sa ating mismong mga danas: lampas pa sa pagboto ang ating tungkulin na lumahok, makisangkot, at patuloy na makibaka. 

Sa ngayon, kahit pa pa’no, may turo pa rin naman ang Devcom sa‘kin na hindi nababasag: Ang kahalagahan ng kolektibong pagkilos. Kung kaya’t gusto kong lagumin ang piyesang ito sa isang simpleng imbitasyon: Matapos nating bumoto ng mga lider-estudyante na tunay na kakatawan sa‘tin, matapos ang ating paglalakad sa ilalim ng tirik na araw sa kampus, matapos ang ating mga klase, tanungin natin ang ating mga sarili: Dito na ba nagtatapos ang aking gampanin? 

Umaasa akong sa mga susunod na araw, magkikita-kita pa tayo—sa lansangan, sa tunay na teatro ng kasaysayan, nagbibigkisan at nagbubuklod kasama ang ating mga lider at kapwa iskolar ng bayan para sa ating mga karapatan.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya