DAPAT MONG MALAMAN
- Ipinanawagan ng mga manggagawa at iba’t ibang sektor sa ginanap na mobilisasyon sa Calamba City ang tunay na demokratikong pagbabago, pagtatapos sa kontraktwalisasyon, P1,200 na nakabubuhay na sahod, at pagprotekta sa karapatan ng mga unyon.
- Dumalo sa programa ang mga kandidato mula MAKABAYAN Coalition, mga party-list group, at labor unions na binigyang-diin ang kahalagahan ng representasyon ng masa sa Kongreso.
- Tinalakay rin ang mga lokal na isyu tulad ng displacement dahil sa mga proyekto sa Laguna, panggigipit ng NTF-ELCAC, at panawagan para sa kalayaan ng mga bilanggong pulitikal, na sinundan ng simbolikong pagsisira ng effigy bilang protesta.
Mahigit isang linggo bago ang halalan, ipinatambol ng mga manggagawa at iba’t ibang sektor ng lipunan ang kani-kanilang panawagan para sa isang tunay na makamasa at demokratikong pagbabago kahapon, ika-1 ng Mayo, sa isang mobilisasyon na taunang ginaganap sa Crossing, Calamba City, Laguna, bilang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa.
Sentro sa mga panawagan sa programa ang pagsusulong ng karapatan ng mga manggagawa, pagwawakas sa kontraktwalisasyon, pagsasabatas ng P1,200 na nakabubuhay na sahod, at pagtigil sa pandarahas sa mga unyon.
Kasama sa mga dumalo at naging tagapag-salita ang mga kumakandidato sa pagkasenador mula sa MAKABAYAN Coalition, mga representante ng party-list groups, labor unions, at mga pangmasang organisasyon na nagbigay-diin sa kahalagahan ng sector representation sa Kongreso upang maihatid ang mga hinaing ng mga manggagawa at iba pang batayang sektor.
“Taong bayan naman po ang ating iluklok sa Kongreso… Huwag na po tayong magpalinlang sa matatamis na salita ng ibang mga kandidatong huwad na pinepresenta sa ating mga kapwa mamamayan,” ani tagapagsalita ng Anakbayan Timog Katagalugan na si Nimuel Yangco.
Kabilang din sa mga itinampok sa naging pagkilos ang ilan sa mga isyung rehiyonal, gaya ng umiigting na militarisasyon sa Quezon, napipintong displacement ng ilang komunidad na tatamaan ng mga proyekto sa Laguna, at pagprotekta sa kalikasan at ancestral domain ng Dumagat-Remontado sa harap ng Kanan at Kaliwa Dam sa Quezon at Rizal.
“Sinusuyod ng mga ahente ng NTF-ELCAC [National Task Force to End Local Communist Armed Conflict] ang mga komunidad, eskwelahan, at pagawaan para mandahas, manakot, at maghasik ng mga maling propaganda laban sa gumigiit at nakikibaka para sa demokratikong karapatan,” ani Mags Camoral, tagapagsalita ng Defend Workers Southern Tagalog at pang-anim na nominado ng Bayan Muna party-list. “Target ng panunupil [ang mga] sektor at organisasyon ng manggagawa, magsasaka, estudyante, kababaihan, at maging ang taong simbahan.”
Samantala, nagtapos naman ang programa sa pagsisira ng effigy na tangan ang mga mukha nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Pangalawang Pangulong Sara Duterte, dating pangulong Rodrigo Duterte, US President Donald Trump, at Chinese President Xi Jinping, kasunod ng kultural na pagtatanghal ng Kulturang Ugnayan ng Manggagawa at Uring Anakpawis sa Timog Katagalugan (KUMASA-TK) at Umalohokan, Inc. ■



