Isinulat ni Leonard Z. Magadia, Tanglaw Apprentice.
DAPAT MONG MALAMAN
- Dinaluhan ang Senatorial Forum ng 10 senatorial candidate mula sa MAKABAYAN Coalition at isang kandidato mula sa Bunyog (Pagkakaisa) Party-list.
- Tinalakay sa forum ang iba’t ibang problemang kinahaharap ng bansa dahil sa anila’y monopolisasyon ng kapangyarihan sa pamahalaan.
- Ipinatambol din ang gampanin ng kabataan upang maghalal ng mga kandidatong magrerepresenta sa mga batayang sektor.
“Taumbayan naman sa Senado.”
‘Yan ang panawagan ng MAKABAYAN Coalition at Bunyog (Pagkakaisa) Party-list senatorial candidates sa kanilang opening statement sa ginanap na 2025 UPLB Senatorial Forum sa Student Union Amphitheater, Lunes, ika-5 ng Mayo.
Dumalo sa forum ang 10 na senatorial candidates mula sa 11-member MAKABAYAN slate na sina Jerome Adonis, Alyn Andamo, Ronnel Arambulo, Arlene Brosas, France Castro, Mimi Doringo, Mody Floranda, Amirah Lidasan, at Danilo Ramos bitbit ang kani-kanilang mga panawagan para sa mga batayang sektor. Nagbahagi rin ng kaniyang mga plataporma si David D’Angelo ng Bunyog Party-list.
Bilang panimula, binigyan ang mga senatorial candidate ng isa’t kalahating minuto upang ipakilala ang kanilang sarili at ang mga adbokasiyang kanilang ikinakampanya para sa paparating sa National Midterm Elections.
Sa kaniyang pagpapakilala, ibinahagi ni Andamo ang hangarin niyang matamasa ang pampublikong karapatan para sa kalusugan. “Hirap na hirap ang ating mga pasyente at ang ating mga kababayan lalong-lalo na sa ating kanayunan na namamatay na lang nang hindi nakakakita ng nurse o doktor man lang,” saad niya.
Kapakanan naman ng kabataan at kababaihan ang naging sentro ng panawagan ni Brosas, habang tunay na reporma sa pangisdaan at sakahan naman ang sigaw nina Arambulo at Ramos.
“Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban. Pagkain sa bawat mesa, abot-kaya. Alam n’yo po, napakahalaga ng papel n’yo, ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa ay pag-unlad ng mga kabataan,” pahayag ni Ramos.
Kaugnay nito, ibinahagi ni D’Angelo ang kaniyang adbokasiyang nagsusulong sa pangangalaga ng kalikasan, partikular na sa mga lupang sakahan. “Naubusan na po ako ng buhok, sinisira pa rin ang kalikasan. Ang agrikultura ay hindi pa rin tinututukan, ni-re-reclaim ang mga lupa. Papatayin po tayo ng gobyernong ito, papatayin po tayo ng krisis sa klima,” pahayag niya.
Sa kabilang dako, mariin namang tinutulan nina Castro at Casiño ang katiwalian at monopolisasyon ng kapangyarihan sa pamahalaan. “Ako po ay tumatakbo sa Senado dahil ayaw ko na magkaroon ng magkakapatid na tatlong Tulfo, dalawang Villar, at dalawang Cayetano sa Senado. Wakasan na po natin ang paghahari ng political dynasty,” giit ni Casiño.
Ipinatambol din nina Adonis, Floranda, at Lidasan ang kahalagahan ng representasyon ng minoryang sektor sa senado, kabilang ang mga drayber, manggagawa, mangingisda, magsasaka, at katutubo.
“‘Wag n’yo ring iboto ‘yung nagpapakilalang sila raw ay mga kabilang sa pambansang minorya pero tagapagtaguyod ng NTF-ELCAC [National Task Force to End Local Communist Armed Conflict], ng red tagging, ng paninira sa mga kababayan ninyong mga lumalaban,” wika ni Lidasan.
Panghuli, kapakanan at karapatan naman ng mga minorya’t maralita laban sa kapitalistang sistema ng estado ang panawagan ni Doringo.
“Ayaw ko na ang mga kumunidad ng mga kapwa maralita ay kamkamin ng mga Villar. Ayaw ko na ang kabuhayan ng mga manininda ay agawin ng kung ano-ano pang mga malalaking mga kumpanya’t mga mall. Gusto natin ang isang lipunang para sa ating lahat,” pahayag niya.
Bukod sa mga batayang sektor, natalakay rin sa forum ang mga usaping may kinalaman sa militarisasyon, krisis sa edukasyon, pribatisasyon ng mga pangunahing serbisyo, at iba pang maiinit na isyung kinahaharap ng bansa.
Samantala, sa kabila ng iba’t ibang diskusyon sa naging programa, hindi rin pinalampas ng mga senatoriables na bigyang-diin ang papel ng kabataan sa darating na eleksyon. Bilang pagtatapos, hinikayat nila ang mga ito na bumoto sa darating na ika-12 ng Mayo upang mas maipatambol pa ang anila’y representasyon ng mga minoryang sektor sa Senado.
“Ang panawagan po namin sa mga kabataan, maagang pumunta sa mga presinto o voting precinct sa Mayo 12… magpunyagi, sumulong, at magtagumpay,” sigaw ni Arambulo. ■



