DAPAT MONG MALAMAN
- Mula sa apat na papaalis na miyembro ng lokal na konseho, bubuuin ang bagong-halal na CDC SC ng pitong lider-estudyanteng tutugon sa hamon ng panahon upang mas pagtibayin ang representasyon ng mga mag-aaral sa kolehiyo at unibersidad.
- Haharapin ng bagong CDC SC ang hamon na mas matahi ang dinamikong relasyon ng konseho sa sangkaestudyantehan at pamunuan ng Devcom.
Haharap ang mga bagong-halal na lider-estudyante ng CDC Student Council (CDC SC) sa mas pinaigting na hamon ng komunidad ng Devcom—pag-ibayuhin ang representasyon ng sangkaestudyantehan sa kolehiyo sa pamamagitan ng mas pinalakas na puwersa ng konseho.
Sa nagdaang Devcom Halalan 2025, nagtala ang CDC ng 51.01% voter turnout, ang ikalawa sa pinakamataas sa Unibersidad ngayong UPLB University Student Council – College Student Council (USC-CSC) Elections. Bahagyang tumaas ang datos na ito mula sa 48.2% noong nakaraang taon.
Pangungunahan ni CDC SC Chair-elect Shaine Andrea Jariel mula sa SAKBAYAN ang bagong hanay ng mga lider-estudyante ng kolehiyo para sa susunod na akademikong taon. Kapuwa mga kinatawan din mula sa alyansa ang bubuo sa bagong konseho ng Devcom: Erica Reigne Mundo, vice chair; Ivan Combate, CDC SC college representative to the USC; at councilors Johan Gabriel Peña, John Daniel Allones, Venice Dawn Bringino, at Guiller Martirez.
“Alam naman nating mabigat din ‘yung magiging trabaho pero ngayon ay napagdesisyunan, na-mind condition na talaga na tatanganin ‘yung ganitong kataas na posisyon,” paliwanag ni Jariel. “Dahil na rin doon, tinitingnan ko siya na malaki ‘yung pagbibigay ng tiwala nila sa akin, kaya dapat na magampanan talaga ‘yung gampanin ko sa pag-take up ng position na ito.”
Mula 2023, saksi ang komunidad ng Devcom sa patuloy na pagbibigay-serbisyo ni Jariel bilang isa sa mga kinatawan ng lokal na konseho sa iba’t ibang posisyon nito.
Konsehong mas malapit sa Devcommunity
Matatandaang naging kritikal na balakid sa nakaraang termino ng CDC SC ang mababang bilang ng mga lider-estudyanteng tumangan sa hamong maglingkod sa konseho. Sa mahigit sampung posisyong dapat na mapunan sa lokal na konseho, tanging apat na mag-aaral lamang ang nagsilbing kinatawan ng mahigit 800 populasyon ng estudyante sa kolehiyo.
Plano ni Jariel at ng kaniyang mga kasamahan na tutukan ang pagtatasa sa naging termino ng papaaalis na CDC SC, bagay na tinatanaw niyang malaking tulong sa mga layunin ng bagong pamunuan.
“Ang pinakaunang nasa isip ko noon talaga ay magkamayroon ng assessment sa past council kasi mahalaga talagang makita ‘yung naging thoughts ng students para mai-apply siya sa bagong term,” paliwanag niya.
Gayundin, nakikita itong daan ng bagong CDC SC upang mas mailapit ang konseho sa mga constituent nito. Isa ito sa mga pangunahing puntong binigyang-diin ng mga mag-aaral sa nakaraang miting de avance ng Devcom, paggiit sa kahalagahan ng mas pinalakas na samahan sa pagitan ng konseho at mga mag-aaral ng kolehiyo.
Pinaigting na pagseserbisyo
Hamon sa kasalukuyan sa mas mataas na bilang ng mga lider-estudyanteng mamumuno sa bagong konseho ng Devcom ang mas dinamikong relasyon nito sa sangkaestudyantehan at pamumunuan ng kolehiyo, habang patuloy na isinisulong ang kampanya ng mga nagdaang termino para sa tunay na representasyon nito sa pamunuan ng CDC.
“Nawa’y ang CDC SC ay patuloy na magslibi bilang tapat at matapang na representante ng mga estudyante sa pag-forward ng mga ating mga concerns and suggestions sa administration,” ani Mark Andrei Domingo, isang mag-aaral ng Devcom. ■



