Isinulat ni Chynna Chavez, Tanglaw Apprentice.


Saan nga ba nanggagaling ang kakaibang klaseng sakit sa tenga na halos buwan-buwan na nating tinitiis ngayong midterm elections?

Simula pa lamang ng taon ay may maririnig na tayong nakaririnding pangangampanya sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas. Enero pa lamang ay nauna nang kunin ng tumatakbong gobernador na si Lray Villafuerte sa Camarines Sur ang pagkakataong gumamit ng mga malalaswang pick-up line sa isang paaralan sa Nabua. Isa rin sa mga hindi makakalimutang pangangampanya ay ang tunog-latang “biro” ng ngayo’y disqualified na sa pagka-kongresista na si Atty. Ian Sia ng Pasig City. Ginawa niya ba namang campaign segment ang pagsasawalang-galang sa mga single mother. Sa dami ng mga kumakandidatong may sariling bersyon ng pambabastos sa kababaihan at pagiging regresibo, mahirap na isa-isahin ang lahat ng mga nasita ng Commission on Elections (COMELEC).

Pamilyar ang ganitong mga galawan at pananalita—mapang-api, mapang-abuso, at mapanghati.

‘Tila nabuhay muli ang legasiya at mga ninormalisa ni Rodrigo Duterte bilang dating pangulo ngayong eleksyon.

Siya ang nag-utos na barilin ang mga babaeng rebelde sa kanilang ari at naniniwalang hindi trabaho ng mga babae ang pagka-presidente. Hindi na rin mabilang ang mga nasensor sa kaniyang mga pahayag o talumpati sa national TV dahil sa manerismo niyang pagmumura at pagiging insensitibo. Ironic isipin na sa termino niya pa mismo naipasa ang Safe Spaces Act o “Bawal Bastos Law,” kung siya rin naman ang ilang beses gumamit ng salitang “rape” nang walang konsiderasyon.

Ayon kay Assistant Professor Rex Nepomuceno ng UP Diliman sa kaniyang journal article na Implikaturang Politikal ng Diskursong Pangmilitar ni Rodrigo Duterte, mararamdaman sa madalas na pagmumura, mga macho na pahayag sa kababaihan, sex, agresyon, at pagkalalaki ang machismong ugali at bokabularyo ni Duterte.

Matatagpuan ang implikasyon ng kaniyang machismo sa mga mabababaw niyang diskurso noong kaniyang termino, paano niya ilarawan at pagsalitaan ang kababaihan.

Positibong tinatanggap ng kaniyang mga tagasuporta ang mga pagpapatawa niyang may temang macho-pyudal dahil ang mismong estraktura ng biro ni Duterte ay malapit sa normal na karanasan ng masa. Nakadidismaya isipin na masyado nang normalisado ang iba’t ibang klase ng pambabastos kaya pagtawa na lang lagi ang ating reaksyon ukol sa mga ito.

Sumasalamin sa mga biro ng mga kumakandidatong ito at tawa ng mga tagasuporta nila ang tila paurong nating pag-unlad sa ganitong aspeto.

Alam ng mga politikong ito na nakaugat na sa Pilipinas ang sistemang patriyarkal na sumusuporta sa pang iinsulto sa kababaihan at minoridad kung kaya’t ginagamit nila ito para umani ng palakpak. Kung ganito kababaw ang pagtanaw ng mga kumakandidatong ito sa sektor ng kababaihan, hindi na ako magtataka kung mga bara-barang serbisyo at minadaling polisiya ang maiaambag nila.

May pagkakataon pa tayong itigil ang mga nakasanayan nating pagtangkilik sa mga lider na walang respeto at ginagawang katatawanan ang lahat.

Kilatisin natin nang maigi ang lahat ng mga kumakandidatong magiging kinatawan ng ating komunidad o sektor, mula sa kanilang track record hanggang sa paano sila magsalita sa publiko. Ugaliin nating maging kritikal sa mga maia–ambag nila para sa kapakanan ng iba’t ibang sektor na kanilang pamumunuan.

Piliin natin ang mga lider na may totoong adbokasiya para sa mga kinahaharap ng kababaihan at minoridad at aktibong tinatrabaho ang mga polisiyang makapagpapabuti para sa kanila.

Isinusulong ngayon ng Gabriela Women’s Party sa kamara ang “Bawal Bastos sa Eleksyon Bill” para hindi mapahintulutan mangampanya ang mga gumagamit ng diskriminatibong pananalita. Kahit ilang taon na nating napakinggan si Duterte magbitiw ng mga ganitong pahayag, hindi na dapat manatili o ibalik pa ang ugaling Duterte sa mga tatayong lider sa Pilipinas.

Huwag lamang takpan ang tenga. Simulan nating hindi tumawa sa mga biro nila. Bitbit ang panawagan nating tapusin ang diskriminasyon at pang-aapi, palitan natin ng tunog ng pangangalampag sa COMELEC ang ingay ng mga kumakandidatong bastos at paurong mag-isip.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya