DAPAT MONG MALAMAN

  • Naging matunog na isyu sa kahabaan ng #UPLBElex2025 ang mga anonymous post na umaatake sa iba’t ibang mga lider-estudyante na kumakandidato para sa UPLB USC-CSC elections ngayong taon.
  • Pinaalingawngaw ng mga isyu na ito ang panawagan sa higit na pangangailangan upang magkaisa sa panahon ng tiyak na hamon ng pamumuno.
  • Kinundena naman ng SAKBAYAN UPLB at UPLB OVCSA ang pag-atake kamakailan kay USC Chair Geraldine Balingit kasabay ang paggigiit sa karapatan ng mga mag-aaral para sa ligtas, kritikal, at mapagpalaya na pamumuno.

Matapos ang ilang linggong kampanyang nabahiran ng mga anonymous na atake at pambabatikos online, naging sentimental ang paghihintay ng SAKBAYAN para sa resulta ng 2025 University Student Council – College Student Council (USC-CSC) elections.

Matatandaang noong kasagsagan ng campaign period ay umusbong ang ilang mga anonymous post sa social media hinggil sa bagong halal na UPLB USC Chair Geraldine Balingit at sa iba pang mga kandidato para sa konseho.

Isa ito sa mga isyung tinalakay noong Tapatan 2025: UPLB Campus Forum kung saan lumutang ang kahalagahan ng accountability sa gitna ng anonymity sapagkat kakikitaan ang ilang mga anonymous post ng red-tagging at hate speech laban sa mga kandidato.

“Hindi naman talaga siya maiiwasan sa bawat eleksyon na dumadating. Ang usapin na lang din siguro dito ay ‘yung genuine na interest ng SAKBAYAN na siyempre natin na tumakbo para sa genuine calls, which is for students and for the people,” ani Balingit sa panayam sa Tanglaw.

Sa gitna ng ganitong klaseng politikal na klima sa loob at maging sa labas ng pamantasan, pagbubuklod ng mga konseho at mag-aaral ang panawagan ni Balingit.

“Now more than ever ay kailangan nating magbuklod-buklod.,, Pagtulung-tulungan nating mapagtagumpayan ‘yung mga kampanya natin para sa masigasig na edukasyon at mas ligtas na pamantasan. Ito naman ay two way, at asahan niyong makikita niyo kami kahit saan, kahit kailan ngayong magsisimula na ang termino,” pahayag ni Balingit.

Mga hakbangin

Bukod sa pangangailangan ng pagkakaisa, inilatag din ng USC chair-elect ang mga magiging hakbangin ng konseho para masigurong marinig ang mga hinaing ng sangkaestudyantehan.

“Alam ko na hindi dito natatapos ‘yung mga ganitong kritisismo. Ang number one goal na lang siguro natin sa mga ganitong usapin ay mag-create ng avenue at ng healthy platform para makapag-lobby ‘yung sangkaestudyantehan ng mga ganitong klaseng concern at para ma-work out natin siya throughout the term,” saad ni Balingit.

Ayon kay Balingit, mas ang mga konseho na rin daw mismo ang lalapit sa sangkaestudyantehan dahil sa kaunting padalo sa ilang mga pulong tulad ng Council of Student Leaders (CSL).

“Kaya, ang solusyon do’n ay USC naman o ang student councils naman natin ang maglakad papunta sa kanila kung iyon ang mas makadadali at mas makakakabig sa ating mga estudyante,” ani Balingit.

Pagbubuklod ng mga konseho

Bukod sa mga hinaing sa mga tumatakbong kandidato, lumutang din ang mga anonymous post na tila nagpapahiwatig na mayroong mga internal na tunggalian sa pagitan ng mga konseho, bagay na unang bibigyang pansin umano ni Balingit.

“Kailangan siguro ‘yun ang number one agenda ng paparating na term na buklurin ulit ang ASCA [All Student Councils Assembly] at i-remind na mayroon tayong greater purpose sa pagkakaupo. Para din mas maging solido ang coordination natin sa isa’t isa na for sure ay mag-ma-manifest sa mga administrative dialogues and table battle negotiations,” pahayag niya.

Bukod dito, paiigtingin din umano ni Balingit ang pagiging aktibo ng SAKBAYAN sa Unibersidad labas sa eleksyon sa pamamagigtan ng pagpapatibay ng koneksyon ng alyansa sa mga kasaping organisasyon nito.

Lampas pa sa halalan

Subalit, hindi pa rin natatapos sa panahon ng halalan ang pang-aatake sa mga kandidato, partikular na kay Balingit.

Ayon sa pahayag ng SAKBAYAN sa kanilang Facebook page, nakatanggap ng mensahe ang bagong halal na USC chair sa kaniyang personal na Facebook account na pinararatangan siyang kasapi ng CPP-NPA.

Mariin itong kinundena ng SAKBAYAN bilang anila’y “sistematikong paninira sa mga progresibong hanay sa UPLB” at sa kredibilidad at mga panawagan ng mga kandidato.

Naglabas din ng pahayag ang UPLB Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (OVCSA) upang kundenahin ang pang-aatake kay Balingit at igiit ang mga karapatan ng mga mag-aaral para sa ligtas, kritikal, at empowered na pamumuno.

“To label student leaders and organizations as enemies of the state for their critical stance and progressive views is a dangerous practice that has no place in an academic institution that upholds freedom of thought, expression, and association,” pahayag ng OVCSA. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya