Isinulat ni Arianne Joy De Torres, Tanglaw Apprentice.
Tagumpay ang Samahan ng Kabataan para sa Bayan (SAKBAYAN) sa pagluluklok ng mga bagong lider-estudyante na maglilingkod sa sangkaestudyantehan ng Devcom at UPLB para sa taong pamunuan 2025-2026 sa nagdaang UPLB University Student Council – College Student Council (USC-CSC) Elections.
Inihalal bilang bagong College of Development Communication Student Council (CDC SC) chair ang dating councilor ng nasabing konseho na si Shaine Andrea Jariel. Makakatuwang niya naman sa gampanin ang kaniyang katambal mula rin sa SAKBAYAN na si Erica Reigne Mundo, na siyang nagwagi bilang vice chair.
Nakatakda namang maging college representative to the USC si Ivan Combate. Samantala, nasungkit nina Johan Gabriel Peña, John Daniel Allones, Venice Dawn Bringino, at Guiller Martirez ang mga puwesto sa pagkakonsehal.
Bukod kina Jariel at Martirez na kapwa mula Batch 2023 sa Unibersidad, pawang nagmula sa Batch 2024 ang lima sa pito na mga bagong nailuklok sa CDC SC.
Kasabay ng pananaig ng nasabing partido sa pangkolehiyong konseho, nakapasok din ang lahat ng patakbo ng SAKBAYAN sa USC, kasama na ang bagong halal na USC chair na si Geraldine Balingit. Makakabalikat niya sina Xyrelle Supremo bilang vice chair at sina Matthew Cruz, Ben-Gen Vergara, Josh Stephen Astillero, Jethro Joshel Rumbaoa, Jan Lebron Nabulneg, at J-per Santos bilang mga USC councilor.
Sa buong Unibersidad, ikalawa ang CDC sa mga kolehiyong may pinakamalaking naitalang voter turnout para sa nasabing eleksyon, na nakalikom ng 51.01% ng mga boto ng mag-aaral. Sinundan nito ang College of Veterinary Medicine (CVM) na siyang nakapagtala ng 52.72% voter turnout, 1.71% lamang na mas mataas mula sa CDC. ■



