Isinulat ni Emernagil Constantino, Tanglaw Apprentice.


Tuwing eleksyon, muling lumulutang ang nakapanlulumong reyalidad: marami sa atin ang bumoboto hindi batay sa prinsipyo o track record, kundi sa kung sino ang mas kaunti ang kasalanan. Tinanggap na natin ang mas maliit na anyo ng katiwalian, diskriminasyon, at pananahimik bilang katanggap-tanggap bunsod ng kawalan ng tiwala.

Ang ganitong mentalidad ay pinalalala ng isang digital na kapaligirang kontrolado rin ng mga may kapangyarihan. Ayon sa ISEAS-Yusof Ishak Institute, ang tinatawag na “digital autocratisation” ay tumutukoy sa paggamit ng social media, trolls, at disinformation upang manipulahin ang pampublikong diskurso at pahinain ang demokratikong pagpili. Sa ilalim nito, unti-unti tayong sinasanay ng sistema na tanggapin ang kasinungalingan bilang totoo, at ang kasamaan bilang katanggap-tanggap. Dahil dito, lumalakas ang loob ng mga hindi karapat-dapat na kandidato habang nililimitahan ang espasyo para sa mga alternatibo.

Nagiging batayan ng boto ang pangalan, kasikatan, at retorika. Hindi na pinagbabasehan ang plataporma at tunay na prinsipyo ng kandidato. Muling namamayagpag ang mga political dynasty sa 2025 national and local midterm elections, kaya’t lalong hindi nabibigyan ng sapat na espasyo ang mga kandidatong panibago.

Sa isang sistemang patuloy na kontrolado ng iilang pamilya, ang pagpipilian ay madalas nauuwi sa parehong klase ng lider, kaya’t ginagawang coping mechanism ang pagboto sa “lesser evil.”

Gayunpaman, ito ay hindi taktikal; ito ay pagsuko. Sa tuwing pumipili ng kandidato dahil siya ay “hindi kasing sama,” hinahayaan nating manatili sa puwesto ang mga taong hindi karapat-dapat. Maraming Pilipino ang bumabalik sa ganitong mentalidad dahil sa kawalan ng alternatibo. Ngunit, malinaw sa datos na ito ay sistematikong problema. Halos 70% ng mga lokal na kandidato sa 2022 elections ay mula sa political dynasties. Hindi ito kakulangan sa pagpipilian—ito ay tahasang pagmomonopolisa sa kapangyarihan.

May mga pagsisikap naman mula sa ilang sektor para hikayatin ang mas matalinong pagboto. Isa na rito ang LASER Test ng Dilaab Foundation at Caritas Philippines, na siyang sumusuri sa mga kandidato. Bagama’t kapuri-puri, kailangan din nating kilalanin na ang accessibility sa ganitong impormasyon ay hindi pantay-pantay. Hindi lahat ay may access sa edukasyong pampulitikal, at ang exposure sa kandidatong may integridad ay madalas natatabunan ng ingay sa social media. Hindi lang ito simpleng kakulangan ng kaalaman ng botante, kundi bahagi rin ng sistemikong hadlang sa mas mataas na antas ng pagpili.

Bukod dito, maraming botante ang nadadala ng takot at pagod. Ang “lesser evil” ay madalas na tinatanggap bilang self-defense mechanism. Sa isang sistemang paulit-ulit na bigo, nauubos ang tiwala. Ngunit, hindi ito usapin ng kakulangan sa prinsipyo, kundi produkto ng matagal nang kabiguang sistemiko. Gayunpaman, hindi dapat gawing dahilan ang takot o pagod. Ang solusyon ay hindi ang patuloy na pagpili ng mas maliit na problema—kundi ang pagtanggi sa parehong sistemang patuloy na bumibigo sa atin.

Maging ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ay mariing tumutol sa ganitong pag-iisip. Ayon sa kanila, ang pagboto sa “lesser evil” ay nananatiling pagboto sa kasamaan. Kung walang karapat-dapat, hindi obligadong pumili mula sa mga hindi nararapat. Ang hindi pagboto bilang anyo ng protesta ay isang lehitimong paninindigan.

Hindi rin dapat palampasin ang pagdami ng mga kandidatong may “Dark Triad” traits—narcissism, Machiavellianism, at psychopathy.

Ang mga kandidatong ito ay mahusay magmanipula sa branding at pag-eksena bilang “relatable,” ngunit sa likod nito ay baluktot na pamumuno. Halimbawa nito ay si Rodrigo Duterte: mahusay sa paggamit ng media, may imahe ng pagiging makamasa, ngunit ipinamalas ang lideratong mapanupil, mapanira sa institusyon, at salungat sa demokratikong prinsipyo.

Hindi pwedeng ganito na lang palagi. Ang tunay na pagbabago ay hindi lang nanggagaling sa kandidatong bago, kundi sa botanteng mulat. Kung patuloy tayong papayag sa pamimili ng “lesser evil,” patuloy tayong babalik sa kaparehong sistema. Hindi natin kailangang mamili sa pagitan ng dalawang mali, may karapatan tayong pumanig sa tama.

Ilang araw bago ang 2025 midterm elections, panahon nang huminto sa pagsuporta sa mga kandidatong kurakot. Ang boto ay hindi lang karapatan; ito ay pananagutan. Panahon na para iangat ang antas ng politika sa pamamagitan ng paggiit ng transparency, platform-based na diskurso, at suporta sa mga grassroots na kandidatong may integridad.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya