Isinulat ni Leonard Z. Magadia, Tanglaw Apprentice.
DAPAT MONG MALAMAN
- Inaprubahan na ng University of the Philippines Board of Regents (UP BOR) ang salary increase para sa Student Assistantship and Graduate Assistantship (SAGA) program noong ika-21 ng Abril.
- Bukod sa pagtaas ng salary rates sa unang semestre ng A.Y. 2025-2026, ilang mga probisyon pa ang isinusulong na ipatupad ng OSG upang mas patatagin ang programa.
- Kabilang sa mga probisyong nais ipatupad ay ang pagpapahintulot sa new freshmen na makapag-apply sa SAGA program.
Halos dalawang buwan matapos aprubahan ng University of the Philippines Board of Regents (UP BOR) ang pagtaas ng salary rates para sa Student Assistantship and Graduate Assistantship (SAGA) program, patuloy ang plano ng Office of Scholarships and Grants (OSG) na isulong ang iba pang mga pagbabago para gawing mas inklusibo ang programa.
Matatandaang tumaas ang hourly salary rate ng mga student assistant (SA) mula P60 hanggang P81 (35% increase). Sa mga graduate assistant (GA) naman na kumukuha ng master’s degree, tumaas ang salary rate mula P100 hanggang P145 (45% increase), habang P140 hanggang P210 (50% increase) naman ang itinaas para sa mga kumukuha ng doctorate degree.
Ang pagtaas na ito ay magiging epektibo sa unang semestre ng A.Y. 2025-2026 at ibinase sa Salary Standardization Law (SSL), na isinasaalang-alang ang kontribusyon ng mga SA at GA bilang bahagi ng workforce.
“Nakatulong sa’kin ang SAGA program sa pamamagitan ng pagkakaroon ng work experience na related sa career na gusto ko. Masaya ako na tataas na ang salary rates dahil kahit papaano ay madadagdagan ang panggastos. However, medyo matagal bago nagawan ng paraan dahil it could have been sooner,” pahayag ni Gabriel Dolot, SA sa UPLB Office of Public Relations (OPR) na ngayon ay Media and Communication Office (MCO) na.
Pagsusulong ng iba pang probisyon sa SAGA
Ayon kay Dr. Ariel L. Babierra, UPLB OSG Director, taong 2021 pa lamang ay isinusulong na nila ni OSG-SAGA Coordinator Mark Kevin L. Movillion ang pagtaas ng mga rate sa SAGA. Bukod pa rito, isinaalang-alang din ng OSG ang iba pang mga posibleng probisyon para sa programa mula pa noong 2022.
“Back in 2022, UPLB already proposed several other changes regarding the SAGA program, part of that is the salary increase. However, there are other changes, requests, and provisions that we are trying to also update to reflect what is the current environment for the students.”
Kasama sa mga pagbabagong nais ipatulad ng OSG ay ang pagpapahintulot sa new freshmen students na mag-apply sa SAGA program.
“Like ‘yung new freshmen, they cannot be an SA, they can only start by the second semester. So we are trying to request if that can be changed, perhaps at a reduced number of hours. Kasi ang idea naman is if you are a new student, you should be able to adjust first in the university, kaya nga lang, gusto namin, baka pwedeng i-allow pa rin sila, because some students are in need even at their first semester,” paliwanag ni Babierra.
Bukod pa rito, tinitingnan din ng OSG ang iba pang mga patakaran na nakapaloob sa programa kabilang ang mga araw ng pagtatrabaho ng mga SA.
“‘Yun ding about sa mga off-hours or probably ‘yung when the students are allowed to work, there are very strict rules that we want to be updated…like during cancellation of classes, automatically, hindi na rin pwedeng mag-SA,” dagdag pa ni Babierra.
Implikasyon ng budget cuts
Kaugnay ng pagbabago, binigyang-diin din ng OSG ang mga posibleng epekto ng sunod-sunod na budget cuts sa state universities and colleges (SUCs) kabilang ang buong UP System.
“At present, for each semester, nag-a-allot ang university ng at least P35 million for the SA and SUPSA [Special University Performers’ Student Assistantship] program. We are expecting na mag-shoot up ang budget, and that is the part we are trying to, in a way, mitigate…. because the funds for the SAGA Program is also from university funds,” pahayag ni Babierra.
Sa kabila nito, sinisiguro pa rin ng OSG na magiging maayos ang proseso ng pagtanggap ng mga magiging aplikante ng SAGA program sa susunod na semestre lalo pa’t inaasahang mas dadami ang bilang ng mga estudyanteng magiging interesado rito.
Paliwanag ng OSG, ang kanilang pagtanggap ng mga aplikante para sa SAGA program ay nakabase sa bilang ng oras na kailangan ng iba’t ibang opisina sa unibersidad, kung kaya’t walang gaanong limitasyon kung ilan ang mga estudyanteng nais mag-apply, bagkus ay kung ilan lamang ang bilang ng oras na hinihingi ng bawat opisina.
“The idea is to have more, but there is also limited space in the university offices. Like in our office, we have seen the SAs are working here in the conference room, but our office is really small,” dagdag ni Babierra.
Ipinagpapatuloy rin ng OSG ang pakikipag-ugnayan sa administrasyon ng UPLB at iba pang opisina sa unibersidad para sa tuloy-tuloy na suporta sa pagpapalawig ng SAGA program.
“As much as possible, if there’s an opportunity for them to work inside the campus, we prefer that. Because we think it is safer inside the campus as compared to working somewhere else. And with the recent increase in the hourly rate, I guess it is more inviting as compared to outside work,” saad muli ni Babierra. ■
Ang istoryang ito ay isinulat para sa kursong DEVC 20 ngayong Second Semester AY. 2024 – 2025 ni Leonard Z. Magadia sa patnubay ni Mr. Bonz Magsambol. Si Magadia ay isa rin sa mga apprentice ng Tanglaw.



