Kasama ang ulat ni Neil Gabrielle Calanog

DAPAT MONG MALAMAN

  • Matatagpuan ang Tropang Wasalak, isang grupo ng mga mangingisda na nagsusulong ng iba’t ibang adbokasiya, sa baybayin ng Barangay San Rafael III, Noveleta, Cavite.
  • Nabuo ang grupo mula sa simpleng katuwaan na ngayon ay sama-sama nang tumutulong sa iba pang mga mangingisda at pumoprotekta sa karagatan.

GENERAL TRIAS, Cavite — Sa lawak ng karagatan, hindi mo aakalaing dito makahahanap ng panibagong pamilya at tahanan. Gaano nga ba kalalim ang samahan kung nakaangkla ito sa ilalim ng katubigan?

Sa maliit na komunidad sa tabing dagat ng Barangay San Rafael III, Noveleta, Cavite nabuo ang Tropang Wasalak, isang samahan ng mga mangingisda na nagsusulong ng mga adbokasiya para sa karagatan at kapwa nila mga mamamalakaya. Binubuo sila ng 27 mga mangingisda.

Isa si Ace Santos, 34 taong gulang, sa mga aktibong miyembro ng organisasyon. Kuwento niya, taong 2021 nang mabuo ang Tropang Wasalak. Nagsimula lamang ito sa simpleng katuwaan dahil madalas na magkakasama sa inuman ang mga unang miyembro nito. Samakatuwid, nabuo ang Tropang Wasalak dahil sa alak.

“December [2021], doon nag-umpisa noong nag-inuman tapos [nagkayayaan] na bumuo sila ng [samahan]. Inuman lang kasi talaga ‘yon hanggang sa ngayon ay nag-iba, nagkaroon kami ng [samahan] na tumutulong ngayon,” wika ni Santos sa isang panayam.

Aniya, hindi na lamang simpleng katuwaan ang nabuo nilang samahan dahil nagkaroon sila ng mas malaking misyon sa karagatan at kapwa nila mga mangingisda. Dahil dito, nagsimula silang bumuo ng mga programa at proyekto.

Kalinisan sa karagatan

Tuwing Linggo ng hapon, nagtitipon-tipon ang mga miyembro ng Tropang Wasalak sa dalampasigan upang magsagawa ng coastal clean-up drive. Para sa kanila, mahalaga ang ganitong inisyatiba upang mapanatili ang kalinisan ng karagatan bilang kanilang pangunahing pinagkakakitaan.

Kuha ni Rhon Delos Santos Magayones para sa Tanglaw

“Para sa amin din naman kasi ‘yon. Ginagawa namin ‘yon para maging aware din ‘yung mga kababayan natin na masarap pala tignan kapag malinis,” saad ni Santos.

Ayon sa pag-aaral, may epekto sa kalusugan ng tao kapag nakakain sila ng mga lamang dagat na kontaminado ng microplastics mula sa mga basurang nasa karagatan na nanggaling din sa tao. Apektado rin nito ang reproduksyon ng mga isda sa ilalim ng karagatan. Sa huli, ang mga mangingisda ang magdurusa sa suliraning ito.

Kaya habang maaari pang masolusyonan ang problema ng polusyon sa karagatan, umaaksyon na ang Tropang Wasalak sa pamamagitan ng coastal clean-up drive isang beses sa isang linggo.

Dagdag pa ni Santos, nagiging mabuting ehemplo rin sila sa kabataan sa kanilang komunidad upang mas maging responsableng mamamayan. Sa pamamagitan ng programang ito, nahihikayat nila ang kabataan na makiisa sa kanilang kampanya para sa karagatan.

Kuha ni Rhon Delos Santos Magayones para sa Tanglaw

Agos ng pagtutulungan

Mula sa pagiging simpleng katuwaan, ang nabuong grupo ay nagkaroon din ng panibagong layunin na makatulong sa mga kapwa nila mangingisdang nangangailangan.

Ayon kay Santos, marami-rami na rin ang kanilang mga naabutan ng suportang pinansyal hindi lamang sa kanilang barangay kundi pati na rin sa mga karatig bayan sa Cavite. Ilan sa mga natutulungan nila ang mga taong nakaratay sa banig ng karamdaman, naaksidente, at nasunugan ng bahay, at nagbibigay rin sila ng abuloy sa mga pumanaw.

“Dumating kami sa puntong ganito na bigla na lang may lumapit sa amin na humihingi ng konting tulong panggastos sa pagbili ng mga gamot. Noong nakapagbigay na kami, doon na nag-umpisa ‘yung mga meeting… na-open ng iba na bakit hindi na lang natin ituloy ‘yung [pagkakaroon ng] pondo tapos kapag may nangangailangan, doon tayo bumawas,” wika niya.

Nagmumula sa sariling bulsa ng mga miyembro ng Tropang Wasalak ang mga salaping ginagamit nila sa kanilang mga programa. Nag-aambagan sila ng Php 50 kada linggo para sa pondo ng organisasyon ngunit minsan ay kailangan pa umano nilang magdagdag dahil hindi ito sumasapat sa dami ng nangangailangan ng tulong.

Sa kabila ng pagiging kapos din sa buhay, nananatili sila sa pagtulong sa kapwa.

“Masarap din naman sa pakiramdam… Kami, nagbibigay kami nang bukal kasi sabi nga namin mas maigi ‘yung magbigay ka kaysa ikaw ang bigyan… Kami rin ‘yung nagiging daan din, at masaya na nakakatulong din kahit papaano,” ani Santos.

Para kay Santos, maituturing niyang isang pamilya ang Tropang Wasalak. Buhay na buhay ang diwa ng bayanihan sa organisasyon dahil sa oras na mangailangan naman ang mga miyembro nito, hindi nag-aatubili ang bawat isa na umagapay.

“Sa mga bagay na maliliit, kapag may kailangan ka, [halimbawa] kailangan mo ng lamesa kasi mayroon kang bisita, bibigyan ka nilang lamesa… mga gamit kung kailangan mo. Kumbaga ay may suporta,” paliwanag niya.

Daluyong ng pag-asa

Samantala, bagaman marami silang natutulungan sa kanilang mga programa, hindi pa rin sila nakatatakas sa panghuhusga mula sa ibang tao dahil sa pinag-ugatan ng kanilang grupo.

“May ibang samahan din dito na naninira. Kumbaga sinasabi na ‘yang Tropang Wasalak ay inuman lang ang alam niyan. Kumbaga sa isip nila ay wala nang magagawa ‘yang mga ‘yan,” kuwento ni Santos.

“Kami, nasasaktan kami… Gusto nilang pabahuin ‘yung pangalan namin na Tropang Wasalak. Kumbaga gusto nilang pasamain sa mata ng ibang tao… Ngayon ‘yung mga naririnig namin, halos ‘di na namin pinapansin. Ine-enjoy na lang namin ‘yung buhay ngayon,” dagdag pa niya.

Idinadaing din ng ilang mga mangingisda sa Barangay San Rafael III, kabilang ang Tropang Wasalak, ang kakaunting bilang ng mga nahuhuling isda mula sa karagatan. Aniya, hindi tulad noon, tila naging mas mailap ang mga lamang dagat sa kanila ngayon.

Gayunpman, hindi siya nawawalan ng pag-asa. “Sa kapwa namin mangingisda, tuloy lang ang laban. Sabi nga, ang buhay naman ay talagang ganyan. Mayroong huli, mayroong wala. Hindi naman sa lahat ng pagkakataong paglaot ay pag-uwi eh may huli.”

Para sa Tropang Wasalak, kasing lalim ng karagatan ang kanilang nabuong samahan. Hampasin man sila ng malakas na alon ng buhay, tila hindi tataob ang bangkang kanilang sinasakyan dahil puno ito ng pagkakaisa at pagtutulungan. Sa pamamagitan ng sama-samang pagsasagwan, umaasa silang sa huli ay mararating din nila ang mas magandang kinabukasan.


Ang istoryang ito ay isinulat para sa kursong DEVC 125 noong First Semester AY. 2024 – 2025 ni Jayvee Mhar Viloria kasama si Neil Gabrielle Calanog sa patnubay ni Asst. Prof. Marifi Magsino. Si Viloria ay isa rin sa mga reporter ng Tanglaw samantalang si Calanog ang kasalukuyang OIC Photos Editor nito.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya