DAPAT MONG MALAMAN
- Sa Nawawala XXV, isang sining laboratoryo ng Umalohokan, Inc., tampok ang sampung orihinal na awitin hinggil sa iba’t ibang isyung panlipunan na magkakaiba man ang anyo, iisa ang laging natatapakan: ang mga dehado at nasa laylayan.
- Ilan sa binigyang-tuon sa pagtatanghal ang mga panawagan para sa malinis na halalan, dekalidad at libreng edukasyon, tunay na reporma sa lupa, kaligtasan ng mga lider-estudyante, at makataong pagtrato at makatarungang pasahod para sa mga manggagawa.
Sa lilim ng gabing madilim at sa haplos ng malamig na simoy ng hangin, isang banal na pagtitipon ang sumibol—hindi sa katedral kundi sa paaralan. Hindi rosaryo ang pinadausdos sa mga daliri kundi mga instrumento, upang itampok ang mga panawagan para sa tunay na pagbabago. Ganiyan isinabuhay ang Nawawala XXV: Honor Thy Masses, isang konsiyertong bayan ng Umalohokan, Inc., noong ika-29 ng Mayo.
Sentro dito ang sampung orihinal na piyesa—sa porma ng tula at mga awitin—tungkol sa kolektibong danas ng lipunan. Sa halip na mga dasal, ang sigaw ng sambayanang uhaw sa katarungan ang naging panalangin. At ang mga awit ay hindi Ama Namin o Ave Maria kundi mga himig ng dalamhati at pakikibaka.
Dito, ang mga ilaw ay hindi sa mga santo nakatutok, kundi sa taumbayan—silang pasan-pasan ang bigat ng isang sistemang laging pumapabor sa mga naghaharing-uri.
“Bawat kanta, bawat piyesa, bagama’t maikli, ay napakalaman, siksik sa konteksto ng lipunan, at hitik sa mga aral mula sa masa,” wika ni Geraldine “Wes” Balingit, kasalukuyang UPLB University Student Council (USC) Chair at kasapi ng Umalohokan, Inc.
“Ang usapin ng simbahan at ng rebolusyon ay hindi malayo sa isa’t isa,” aniya pa. Kaakibat nito ang pagdidiin na ang mga grupong relihiyoso at pangmasang organisasyon sa Pilipinas, gaano man sila magkakaiba sa pananaw at pamamaraan, ay pinagbubuklod ng iisang layon: ang pagtahak sa landas ng kabutihan na hindi para sa iilan kundi para sa nakararami.
Ang korona ay puno pa rin ng tinik
Hindi lahat ng sagradong daan ay patungo sa simbahan. Minsan, ito ay nasa lansangan—gaya ng naging prusisyon ng Protesta de Mayo, ang unang yugto ng Nawawala XXV bago ang mga kumpisal-pagtatanghal. Sa bawat hakbang, pasan ng mga reyna ang mga koronang puno ng tinik—mga isyu sa lipunan na kailangang bunutin upang mailigtas ang sambayanan.
Pinangunahan ito ni Reina Contra Daya, na bakas sa puting kasuotan ang mantsa ng nadungisang halalan. Dala niya ang balotang dapat ay sisidlan ng tiket tungo sa magandang kinabukasan, ngunit ngayon ay nilulumot dahil sa bulok na sistema.
Simbolo si Reina Contra Daya ng panawagang hanggang ang halalan ay hindi sing-linis ng mantel sa altar, magpapatuloy ang pakikibaka ng masa.
Kasunod niya si Reina Neoliberal de Edukasyon, kaisa ng mga estudyanteng piniling tumindig upang ipaglaban ang kanilang karapatang matuto. Marami mang bagong silid-aralan, nananatiling walang puwang para sa mga mag-aaral na walang pambayad na nais lamang mahubog at mamulat. Dahil dito, napipilitan ang kanilang pamilya na tiisin ang pagod at gutom para makabili ng mga modyul na dapat sana ay libre.
Bilin din ng ating mga magulang na “magsunog ng kilay” para makamit ang tagumpay. Ngunit sa unti-unting pagbura ng reading at wellness break sa mga UP campus, hindi na lamang kilay ang nauupos, kundi pati ang sigla ng sangkaestudyantehan. Bawal huminga, bawal magpahinga. Kaya tuloy ang panawagan ng Reina: “Review Academic Calendar Now!”
Bitbit ng Reina ang tindig ng maraming estudyante. Hanggang ang edukasyon ay hindi makabayan, siyentipiko, at makamasa, magpapatuloy ang pagliyab ng kaniyang galit, gaya ng apoy ng sandamakmak na mga kandila sa dambana.

Kasama rin nila si Reina Pas Y Hustisya, tangan ang timbangan ng katarungang hindi kailanman ay naging pantay. Sa bansang ito, kapag ikaw ay mayaman, madali nang takpan ang iyong mga kasalanan. Sila ang may kapangyarihang ipasa ang sisi sa mga nasa laylayan—kayang-kayang tapakan ang mga walang kalaban-laban.
Hanggang ang batas ay may sinasamba at kinikilingan, hindi siya titigil sa kaniyang mga ipinaglalaban.
Father, mangungumpisal po sana ako
Pagkatapos ng prusisyon ay nagkaroon ng kumpisalang bayan. Sa pagkakataong ito, katarungan din ang hiling at hindi lamang kapatawaran. Para ito sa mga tinig na pilit sinusupil at mga katotohanang hinahayaang ilibing sa limot.
Sa pagsisimula nito, hudyat ang maraming tanong ng isang anak tungo sa kaniyang ina: “Mama, tanaw mo ba na sa bawat pag-angat mo ng kamay sa pagsamba, kasabay nito ang pagtaas ng kamao ko tuwing bumabati ng, ‘Mapagpalayang araw, mga kasama’?”
Iyan ang iniwang katanungan ng piyesang Christa Dinggin Mo Ako, isa sa naging sampung estasyon ng kumpisal-pagtatanghal.
Gaya rin ito ng taimtim na hiling sa awiting Liwayway, mula sa isang anak na umaasang muling mayakap ang pamilya at makauwi sa ligtas na tahanang matagal nang ipinagkait dahil sa pangamba at karahasan.

Hindi pa rin nawawala ang bantang nakaamba sa kaligtasan ng mga lider-estudyante dahil sa walang habas na red-tagging at terror-tagging. Kasunod nito ang pagsulong ng mga panawagang “Hands Off Student Activists” at “Uphold Safe Haven Resolution” dahil batid ng palabas na hindi kasalanan ang manindigan at ialay ang lakas para makamtan ang hustisya.
“Panginoon, tatanggapin Niyo ba ako kung nakataas ang aking kamao?” Hindi raw ito pagtalikod sa pananampalataya kundi pagyakap sa mismong mga aral ni Hesus—na mahalin ang mga kapatid at makiisa sa masa, silang pinili Niyang pag-alayan ng buhay at huling hininga.
Kung paunahan sa impyerno, San Pedro, unahin niyo na ‘to
Maging ang mga nayong dati ay tahimik at payapa, ngayon ay binahiran na ng kasakiman ng mayayaman. Iyan ang hinagpis sa kantang San Pedro.
Napalitan ng mga putok ng baril ang mga huni ng mga ibon tuwing umaga. At kung dati ay ulan ang bumubuhos para buhayin ang kanilang pananim, ngayon ay mga bala na ang pumapatak—kumikitil ng buhay at ng pag-asa dahil sa pag-aligid ng mga militar.
Paano mararating ng mga pesante at katutubo ang kaginhawaan kung sapilitang inaagaw ang kanilang kabuhayan at tinutumbasan ng dahas ang kanilang pagtaliwas? “Ngayon, Padre, sabihin mo sa akin, sino ang may sala? Sino ang salarin kung kinukuha nila ang likas na amin?” Isa itong pagsamo na isulong ang tunay na reporma sa lupa at putulin ang pananamantala ng mga gahaman.
Ganiyan din ang lagay sa mga pabrika. “Parang nag-alay ka ng kaluluwa. Wala ka na ngang tulog, wala pang pahinga.”
Habang ang mga boss ay kampanteng nakaupo sa trono—puro utos, panay pagpapayaman, kapalit ay ang pagkalugmok at pagdurusa ng mga manggagawa. Iyan ang kalbaryong inilantad sa awiting Boss Anuba. Maliit pa rin ang kanilang kita kaya kumakalam ang mga sikmura. Baon sa utang, walang pambayad sa kuryente at tubig. Hindi kayang mag-ipon kahit maka-ilang overtime pa. Bawal magpahinga, dahil kapag tumigil ay lalong magugutom ang pamilya.
Ang tanging sagot sa kahirapan? Pagbalikwas. Hanggang walang kumikilos, mananatiling impyerno ang lipunan sa ilalim ng mapang-aping sistema.
Iligtas Mo kami sa gapos ng patriyarka
Isa pang nilalapastangan ay ang katawan ng kababaihan na dapat sana ay banal na templo. Karaniwang hindi na ito sinasamba kundi pinagsamantalahan, nililimot ang dangal kapalit ng pagnanasa. Sa mundong pinapatakbo ng patriyarka, ang itinurong lunas para sa kanila ay hindi pagmamahal o pagkalinga, kundi ang nakapapasong himas mula sa kapwa.
“Haplusin mo ako ng iyong awa,” daing sa kantang Haplos. Ngunit matagal nang nawala ang awa at napalitan na ng kalaswaan.
Sa awiting ito, ibinabahagi ang mensahe na ang ating lipunan ay nilason ng isang sistemang nagturo na ang halaga ng kababaihan ay nakasalalay sa kanilang mga katawan—na dapat ay ialay nito ang sarili sa mga lalaking hawak ang kapangyarihan, silang karaniwang itinuturing na Diyos sa tahanan at sa mas malawak na lipunan.
Ngunit hindi lang dito nabubuhay ang patriyarka, kundi pati sa init ng mga baril—na tila bang ang pagiging isang lalaki ay nasusukat sa tikas at tapang, sa kakayahang pumatay.

Iyan ang mensahe ng kantang Kumpisal ni SPO1. Dahil hanggang ngayon, nananatiling tuta ng estado ang mga pulis. Sila ay sunud-sunuran sa mga patakarang ang tanging alam ay dahas. Kahit walang malinaw na ebidensiya, basta may maipag-initan at maabot ang kota, pagbira agad ang tugon.
Mula 2016, tinatayang nasa 12,000 hanggang 30,000 ang pinaslang sa War on Drugs ng administrasyong Duterte—kaliwa’t kanan at lantaran. Karamihan sa mga biktimang ito ay mula sa hanay ng mga mahihirap.
Ang pananampalataya at panata ay para sa sanlibutan
Patuloy na itinuturo ng simbahan ang kabutihan at ang pagkakaroon ng awa—ngunit sa bayang binabalot na ng dugo, saan naroroon ang pagmamahal sa taumbayan na isa sa pinakabanal na anyo ng pananampalataya?
Sa tahanang pinatatatag ng mga relihiyosong paniniwala, hinuhubog ang puso at tapang ng mga kapamilya mula pagkabata—gaya sa kantang Bulalakaw, kung saan ang isang apo ay tumindig para sa sambayanan, baon ang lakas mula sa kaniyang pinagmulan. Maagang itinuro sa kanila na ang mga aral na ito ay hindi lamang dapat maging gabay para sa personal na kabutihan, kundi upang magsilbing ilaw sa daan ng pagkilos at paninindigan—para sa masa at panlipunang katarungan.
Mula sa pagmamahal na ito sumibol ang tapang na paglingkuran ang sanlibutan. Tulad ng panatang inukit sa awiting Liham, “Sa aking paglisan, lakas mo’y akin pa ring panghuhugutan.” Ang piniling landas ay hindi man madali, ngunit ito ang daang patungo sa katarungan, na siyang magbibigay pugay sa mga panatang iniwan ng mga mahal sa buhay.
Krus na pinapasan nang sama-sama: Sining, lipunan, at ang Nawawala
“With Nawawala, what happened was, eleksyon sa campus, eleksyon sa bansa…We thought na it is not appropriate to just focus on one sector when it affects the entire community, so we decided na multisectoral ‘yung magiging topic,” wika ni Meg Guiang, na nagsilbing production manager ng pagtatanghal.
“Kapag ginagamit natin ‘yung sining sa pagpapahayag ng mga ganiyang isyu, mas madali siyang maintindihan ng mga normal na mamamayan… Kumbaga, dinadaan siya sa sayaw, sa kanta, na mas ma-e-enjoy ng tao, pero at the same time, may matutuhan sila from them,” ani Angel Carel, isa naman sa mga direktor.
“If science feeds the body, then art feeds the soul… Kaya, amidst social crisis na ganito, na nararanasan natin dito sa Pilipinas and even around the world, art keeps people living,” dagdag pa ni Guiang.
Kasabay ng mga ito ang panawagan para sa sapat at maayos na student at art spaces sa mga unibersidad nang lalong mamayagpag ang talento ng mga artista ng bayan at ang kanilang sining na mapagpalaya.
Sa lipunang hinahayaang pasanin ng mamamayan ang bigat ng krus ng pagpapakasakit, hindi na sapat ang dasal. Ang nararapat na krusada ay ang sama-samang pagkilos at pag-oorganisa sa masa, buhat ang hamong bakahin ang maraming sakit sa lipunan.
Ang Nawawala XXV ay hindi lamang pagtatanghal. Isa itong anyo ng pakikibaka. At kahit tapos na ang konsiyertong bayan, hindi roon nagwawakas ang paninindigan.
Mananatiling buhay ang kanilang mga sulatin, mga awitin, at pag-indak hanggang ang mga nasa laylayan ay mapalaya mula sa mga mapang-api.
Ang Tanglaw ay opisyal na partner ng Umalohokan, Inc.




You must be logged in to post a comment.