DAPAT MONG MALAMAN

  • Dinagsa ng libu-libong tao ang katatapos lamang na Lov3Laban Pride PH Festival na ginanap sa UP Diliman, Quezon City.
  • Tangan sa protesta ang mga panawagang sentro sa pagpapasa ng SOGIESC Bill, paglaban kontra diskriminasyon, at environmental justice.

QUEZON CITY, NCR — Hindi alintana ang paiba-ibang panahon para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community at kanilang mga kaalyadong sektor na dumalo sa katatapos lamang na Lov3Laban sa Diliman Pride PH Festival 2025 nitong Sabado, Hunyo 28, sa UP Diliman.

Kwento ng senior high school student na si Nathaniel Ramo, 16, kahit na saglit lamang siyang nagtagal sa pagdiriwang na ito, naramdaman niya ang kahalagahan at sigla na dala ng iba’t ibang miyembro ng nasabing komunidad. 

“[Nakita ko na] mahalaga siya dahil dito naipapakita natin kung ano nga ba ang meron sa [LGBTQIA+ community],” aniya. “Naipapakita rin dito na lahat ng [miyembro ng LGBTQIA+] ay hindi masama… gusto lang nila ng suporta na galing sa’tin.”

Kabilang si Ramo sa libo-libong mga nakibahagi sa nasabing pride event na taunan nang ginagawa ng Quezon City mula pa noong 2022. Sa katunayan, kinikilala ito bilang pinakamalaking pride event sa Pilipinas at sa Southeast Asia, na ngayong taon ay may tinatayang 250,000 katao na dumalo.

Sa gitna ng ingay ng musika at kulay ng iba’t ibang mga kasuotan, tangan sa pagdiriwang ang pagpapatambol sa mga panawagan para sa pagkakapantay-pantay, paglaban sa diskriminasyon, at ang environmental justice na siyang idinagdag ngayong taon.

Para sa karapatan

Isa sa mga pinakasentrong kampanya sa pride event ay ang panawagang ipasa ang Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression and Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Bill sa Senado. 

Layon ng panukalang ito na bigyang pagkilala ang pantay na karapatan at oportunidad ng bawat tao pagdating sa serbisyo, trabaho, kalusugan, at hustisya nang walang pagtingin o diskriminasyon batay sa kanilang sexual orientation at gender identity. 

Ngayong taon ang ika-25 anibersaryo mula nang unang ihain ang SOGIESC Equality Bill sa Kamara, kaya para kay Rianne Dacanay, Inang Reyna ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) Kasarianlan, hindi dapat matapos ang pangangalampag sa mga mambabatas upang ipasa ito.

“We call for the immediate passage of the [SOGIESC] Equality Bill. How many more have to suffer or die before we are seen as equal under the law?” pagdidiin niya. “We also demand inclusive and safe schools for the people of diverse SOGIESC [because] schools should be sanctuaries, not spaces for discrimination.” 

Bukod dito, hindi rin pinalampas ni Dacanay ang paghingi ng hustisya para sa mga magkakahiwalay na kaso ng pagpaslang sa mga transwoman sa bansa, kabilang na sina Ali Macalintal mula General Santos City at Kierra Apostol ng Cagayan, na parehong nasawi ngayong buwan.

“We call for justice and protection for our trans siblings, especially as we mourn Ali Macalintal, Kierra Apostol, Shalani Dolina, and Ren Tampus. We demand accountability. We demand that the state stop treating our lives as disposable,” aniya.

Kuha ni Mervin Delos Reyes

Para sa kalikasan

Samantala, kakaiba rin ang naging atake ng Quezon City Pride Festival ngayong taon dahil sa pagsusulong nito ng kampanya para sa environmental justice. Sa isang pahayag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, sinabi niyang kaakibat ng pagsusulong ng pagkakapantay-pantay ang paglaban sa krisis ng climate change.

“Climate change affects the lives of our citizens, especially those in marginalized sectors, and it exacerbates existing inequalities in our communities,” saad ni Belmonte. “Through our Pride celebrations, we aim to empower LGBTQIA+ communities to become changemakers and to be at the forefront of our shared fight for equality, inclusivity, and climate justice.”

Kabilang sa mga naging hakbang dito ay ang pagbabawal sa paggamit ng single-use plastics sa nasabing event, kasabay ng panghihikayat sa mga dumalo na gumamit ng reusable ecobags at water tumblers. Bukod dito, ginawa ring digital ang registration para sa event upang makabawas sa pagdami ng basurang papel sa lugar.  

Para sa bayan

Naging matagumpay man ang pagdiriwang ngayong taon sa kabila ng pabugso-bugsong ulan, hindi doon natatapos ang paglaban para sa karapatan ng LGBTQIA+ community at iba pang sektor.

Kaya naman, umaasa ang college student na si Katrina Bartolay na sa darating na mga panahon ay mas magbubukas pa ang mga mata ng lipunan sa mga kampanyang ipinaglalaban sa mga ganitong klase ng protesta. 

“Pride is a protest, it’s an avenue to fight for our rights, fight for equality, and fight for a society that is inclusive and safe for everyone. Sana mapatupad ‘yung mga batas na isinusulong namin. Sana mas magkaroon ng effort mula sa mga nasa gobyerno na mapabuti ‘yung buhay, hindi lamang namin sa community, ngunit maging sa ating kababaihan, kabataan, at sa mga ordinaryong mamamayan,” aniya.

Muli namang nanawagan si Dacanay na hindi rin dapat makulong ang pride protests sa sektor ng LGBTQIA+ sapagkat ito rin ay tumatawid sa iba’t ibang sangay ng lipunan.

“Our dignity is tied to economic justice. A hungry, overworked, and exploited person cannot be free, whether they are queer or not. So as we march, rally, speak, or simply live loudly, let us remember, our pride is intersectional [and] our liberation is bound with one another’s,” aniya. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya