
Editoryal ng Tanglaw
Ang editoryal na ito ay isinulat ng aming Editorial Board na naglalayong ilahad ang opinyon ng pahayagan sa mga napapanahong isyu.
Sa pakikipagtunggali ng nagkakaisang pwersa ng mga mamamayan sa sistemang patuloy na nanggigipit sa kalayaan at kumokontra sa kaunlarang batay sa mga karapatan, tutuwang ang Tanglaw bitbit ang mas mabigat na gampanin mula sa isang mas pinatibay na pundasyon.
Noong ika-23 ng Hunyo, 2025, nakamit ng Tanglaw ang pagkilala mula sa kolehiyo bilang opisyal na student publication ng UPLB College of Development Communication—isang matamis na tagumpay na may kaakibat na mabigat na responsibilidad at paalalang hindi rito nagtatapos ang laban.
Hindi lingid sa kaalaman ng mga mag-aaral ng Devcom na dumanas ng samot-saring pagsubok ang Tanglaw bago makarating sa puntong ito. Maaalalang pansamantalang nagtigil-operasyon ang pahayagan upang higit na paglaanan ng oras at enerhiya ang mga kinakailangang proseso para sa pagkamit ng endorsement, kabilang na ang pagpapasagot ng reperendo sa buong sangkaestudyantehan ng kolehiyo.
Ngunit, dala-dala ang determinasyong maglingkod sa Devcom at mga komunidad sa pamamagitan ng pamamahayag na nakaangkla sa mga prinsipyo ng komunikasyong pangkaunlaran, nagawang maigpawan ng Tanglaw ang maraming pagsubok hanggang sa marating ang kasalukuyang tagumpay nito.
Ang matinding hamon ngayon ay ang higit na pagpapaigting ng mapanagumpay na diwang ito sa harap ng patuloy na pag-apak ng estado sa kalayaang pang-akademiko at pamamahayag, pamamasista ng mga militar sa kanayunan, at pag-iral ng mga suliraning pang-ekonomiyang nagpapahirap sa mga batayang sektor.
Mula sa mga pasakit na ito, tatanganin ng Tanglaw ang gampaning maging mas radikal, mapanuri, at mapagmatyag.
Kaakibat nito ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang mga alyansa at kampanya sa loob at labas ng pamantasan, pagpapatibay sa mga teoretikal at administratibong pundasyon ng pahayagan, paglalathala ng mga progresibong istorya tungkol sa mga komunidad ng Timog Katagalugan, at higit sa lahat, ang patuloy na panghahamig sa mga mambabasa bilang tugon sa humihinang pakikisangkot ng sangkaestudyantehan.
Bagaman may kahirapan pa rin sa pananalapi sapagkat ilalakad pa sa Board of Regents ang pondo ng pahayagan, bitbit naman ng Tanglaw ang lakas upang patuloy na paandarin ang mga operasyon nito at mas paunlarin ang sakop ng mga kwentong inilalathala nito.
Tinatanaw ng mga namumuno sa Tanglaw ang higit na pagsisikap upang makalubog pa sa mga komunidad sapagkat sa ganitong tipo ng pamamahayag lamang hindi mahihiwalay ang pahayagan sa tunay na kondisyon ng kanilang pinaglilingkurang masa. Tututukan din ng pahayagan ang pagkakaroon ng mas marami pang mga gawaing pang-edukasyon upang mas mapaigting ang kritikal na pagtingin nito sa lipunan, partikular sa mga estruktura ng kapangyarihan.
Bilang isang katalista ng katotohanan at komentaryo, mas padadalasin din ng Tanglaw ang paglalathala ng mga istoryang magbibigay-diin sa “Devcom worldview”—ang pagtanaw sa mga isyu lampas pa sa tarangkahan ng kolehiyo hanggang sa mga probinsya ng rehiyon. Kaalinsabay rin nito ang mga piyesang editoryal na kakatawan sa tindig ng pahayagan sa iba’t ibang mga isyu.
Mas magpapaunlad din ang Tanglaw sa pamamagitan ng mas matatag na pakikipag-ugnayan at pagsandig sa mga kapwa nito publikasyon sa UP System. Tanggap naman ng batang pahayagan na marami pang mga aral na kinakailangang matutuhan sa ibang mga publikasyon, lalo pa’t araw-araw nitong nakikita ang hamon na umangkop sa nagbabagong hubog ng midya at pakikibaka.
Lampas pa rito, bilang kauna-unahang pangkolehiyong pahayagan sa UPLB, adhikain din ng Tanglaw na magsilbing gabay sa mga umuusbong na publikasyon mula sa iba’t ibang mga kolehiyo, tulad ng The Staple ng College of Economics and Management. Kakambal ng suportang ito ang mithiing mas mapayabong pa ang kultura ng alternatibong midya sa Unibersidad at buong rehiyon.
Upang masikhay na maisulong ang mga hakbanging ito, patuloy na kinikilala ng Tanglaw ang mandato nitong manatiling nakasandig sa interes ng mga estudyante at batayang sektor ng lipunan. Ang pagkiling ng pahayagan ay palaging nasa panig ng mga inaapi bilang pagtugon sa responsibilidad ng isang alternatibong midya—ang magsilbing sentro ng mga naratibong naglalantad sa tunay na danas ng masa.
Higit pa sa pagkilala ang pinapangarap ng Tanglaw—patuloy itong magsisikap upang matupad ang pangakong makapagpamulat at makapagpakilos ng mga mambabasa na tuluyang magbibigay-anyo sa pwersang wawasak sa tanikalang naniniil sa lipunan. Sa dulo, anumang pagsubok ang harapin, mananatiling mula at para sa masa ang Tanglaw. ■




You must be logged in to post a comment.