DAPAT MONG MALAMAN

  • Nito lamang ika-30 ng Hunyo ay pinarangalan si Marcus Liam Saladino ng Seal of Excellence in Leadership ng OVCSA.
  • Inihayag ni Saladino ang kanyang mga karanasan sa pamumuno sa loob at labas ng pamantasan na naghantong sa kung sino siya ngayon bilang isang lider-estudyante.

Minsan ka na rin bang natakot sa commitment

Labas sa usapin ng pag-ibig, marami tayong pwedeng maging konteksto sa commitment—pag-oo sa gimik ng magkakaibigan, pagpresenta na gawin ang PowerPoint para sa isang group presentation, o ‘di kaya naman, ‘yung maging active sa Strava araw-araw (malaking commitment iyon!). Pero ano ba ‘yung commitment na kinatatakutan ng ilan sa ating mga iskolar ng bayan ngayon?

Madalas, ito ay ang pagiging isang lider. 

Ganito inilahad ni Marcus Liam Saladino, isang magtatapos na estudyante ng CDC, ang kanyang mga simulain bilang isang aniya’y “normal na UP student.” Ngunit, hindi niya naiwasan ang tawag ng tungkulin. Hanggang sa siya ay napasubok, natuto, at naglaon ay napagtantong “handang-handa nang mag-commit.” 

Ang parangal 

Sa 65th founding anniversary ng Office of the Vice Chancellor for Student Activities (OVCSA) noong ika-30 ng Hunyo, pinarangalan ang mga piling estudyante na naging nominado at nanalo para sa UPLB Natatanging Iskolar ng Bayan (UNIK) at UPLB Natatanging Organisasyon (UNO).

Isa si Saladino sa mga estudyanteng naparangalan ng Seal of Excellence in Leadership, at siya rin ay nominado para sa pagiging 2025 UNIK. 

Ilan sa mga kinakailangang isumite para sa pagkanominado ay ang CV, portfolio, at mga pirmadong form mula sa ilang mga propesor ng pamantasan. Kwento ni Saladino, ilang araw bago ang deadline sa pagsumite ng nominasyon ay hinikayat daw siya ng kanyang mga orgmate na magbakasakali sa nabanggit na awards. Halos isang linggo lamang daw ito naasikaso ni Saladino, at isang araw bago ang deadline niya naisumite sa Office of Student Activities (OSA) ang mga kahingian.

Matapos ang ilang linggong pag-aantay, lumabas na ang balitang naparangalan siya sa naturang kategorya. Tuwa at pasasalamat ang nadama ni Saladino noong nalaman niya ito.

“Pero right at that moment, alam mo ‘yung nag-flashback lahat, kung saan ako nagsimula at kung paano ako nahantong dito,” banggit ni Saladino. 

Ang simula ng lahat: “Sige, tara!” 

Para kay Saladino, isa sa mga nagtulak sa kaniya upang buong lakas na mamuno ay ang pagtatapos ng pandemya at pagbabalik ng face-to-face classes sa Unibersidad. 

“My friends and I were eating [sa loob ng dorm], when kinatok kami ng mga members ng [UPLB] ADA [Alliance of Dormitory Associations] para mag-join ng isang meeting sa MRH [Men’s Residence Hall]. By that time, nagkaroon ng open elections para sa officers ng MRH. Nag-request ‘yung tropa ko no’n, sabi niya, ‘pre, nominate kita, pa-birthday mo na sa’kin,’ na tumakbo kaming magtotropa as officers. And sabi ko, ‘sige na nga!’” kwento ni Saladino. 

Nang maitalaga silang magkakaibigan sa kani-kanilang mga posisyon, humarap na rin sila sa mga tunay na hamon para sa mga nararapat nilang paglingkuran. 

“Our administration became furious to change the living conditions of the residents,” saad ni Saladino.

Inuna raw nila ang pagbubuo ng identidad ng MRH sa pamamagitan ng pagpapakilala sa social media, kung saan kinukwento ang tunay na kalagayan at mga update sa mga nangyayari sa loob ng dormitoryo. Sa kanilang termino rin daw nabuo ang kumite para sa pamamahala ng pondo para sa dormitoryo. Kwento niya, mula sa masinop na pag-iipon at pag-iisip ng mga estratehiya at proyekto, nakamit nila ang maraming mga bagay. 

“Nakabili tayo ng dalawang ref [at] ng apat na electric fan na nilagay sa mga common spaces ng Men’s Dorm. Ang MRH din ang kauna-unahang dorm na naglunsad ng sports fest after the pandemic, Christmas party para sa mga residente, [at] mga pakain during hell week,” ani Saladino. 

“Nakabili rin ng washing machines, at naipakiusap sa ADA na bawat unit ay mayroong wifi. [Nagkaroon din ng] renovation ng kitchen though our dormitory manager. At mayroon ding mga nag-donate—ref, microwave, stove—iyon ‘yung mga pinriotize namin that time, kasi iyan ang mga needs namin as dormers,” dagdag pa niya.

Lumipas ang termino niya sa pagkapresidente, nahalal muli si Saladino bilang opisyal. Dumaan ang mga panahon, marami rin daw na pagsubok ang kanilang mga nakaharap na sa tingin niya ay tunay na sumubok sa katatagan niya bilang isang lider. Una na raw sa listahan ay kapag may mga bagyo. Natuto raw sila kung paano mangasiwa ng relief goods lalo na noong bagyong Kristine na halos walang tindahang bukas at stranded ang maraming residente ng MRH. Noong mga panahong din daw iyon ay nagsama-sama na rin ang mga officer mula sa iba’t ibang dormitoryo para tuluyang matugunan ang parehong mga pangangailangan ng kani- kanilang mga residente. 

“Be prepared talaga to give your all, dahil ito rin naman talaga ang purpose natin bilang isang lider, maglingkod para sa nasasakupan… sa bayan,” giit ni Saladino. 

Bilang isang development communicator-in-training 

Marami ring mga organisasyon at programang nasalihan si Saladino sa kanyang lakbayin sa pamantasan. 

Una na rito ang pagiging resident member ng UP Community Broadcasters’ Society. Naging news staffer din siya ng Tanglaw noong taong 2021. Siya rin ang associate producer ng programa ng Radyo DZLB na “Ready To Serve: LGUs Para sa Bayan.” Marami rin siyang natanggap na mga parangal at imbitasyon para maging tagapagsalita’t tagapagturo sa maraming mga pagdiriwang sa pamantasan.  

Bukod sa kanyang pagiging isang lider para sa mga kapwa niya mag-aaral, sa labas ng pamantasan ay buhay na buhay rin ang kanyang panatang maglingkod para sa bayan. 

Nagsisilbi si Saladino bilang kagawad ng Sangguniang Kabataan ng Tiniente Tiago, General Mariano Alvarez, Cavite. Dito raw ay marami siyang nailatag na mga proyekto na lapat sa mga prinsipyo at mga pagsasapraktika ng mga aralin ng pagiging isang estudyante ng Devcom. 

“Hindi ko choice noon ang Devcom. Hindi ko pa kilala ang Devcom noon. Iba ‘yung napasahan ko dati [na course sa UP], malayo sa strand ko [na Humanities and Social Sciences]. Mahabang kwento, proseso, at pakikipag-deal with my co-constituents noon… And then eventually, nakapasok na ako sa CDC—wala akong kaalam alam ano ito. Pero nung na-take ko na ang DEVC 10 at DEVC 11… ito ang naging backbone ko para sa mga program at projects namin along the way,“ banggit ni Saladino. 

Saad pa niya’y malaking tulong daw ang mga aralin pagdating sa paggawa at pamamahala ng graphics, audio-visual materials, pag-uulat, at, higit sa lahat, ang pakikipagtalakayan sa iba’t ibang komunidad, lalo na’t kapag mayroong mga fieldwork. 

“Ginagamit natin ‘yung communicative event as a transformation process. We see them, from different ages, different walks of life, not as mere benefactors of the projects and programs we make. But we see them as active partners for change,” dagdag pa niya. 

Bilang isang iskolar ng bayan

Ngayong sa-Sablay na si Saladino, ang kaniyang pagiging lider ang isa sa mga hindi niya maliliimutan na karanasan sa kanyang mga pinagdaanan bilang isang estudyante ng Unibersidad. Kung noon daw ay takot na takot siyang tumangan ng malalaking gampanin, tulad ng pagiging isang lider, ngayon ay magtatapos siya ng pag-aaral na buong-buo ang lakas, diwa, at paninindigan na hanggang sa paglabas ng pamantasan, patuloy ang kanyang paglilingkod sa bayan. 

“Being a leader, parang isa iyang picture frame. The leader is not the one in the frame. The leader is the one who holds the camera, at ang kinukunan niya [ay] ang mga constituents nito na naroroon sa kuwadrado na iyon,” paghahalintulad ni Saladino. 

Malaking gampanin din daw sa kanyang karanasan bilang isang estudyante ang mantra ng UP. Hinubog daw ng mantrang ito kung sino siya ngayon at kung ano ang prinsipyo’t dangal na bitbit niya sa pamumuno. 

“Sometimes, we’re lost, we don’t know the direction we need to take. But, remember to prioritize honor na may katapatan, integridad, accountability, at transparency na pinaglilingkuran mo sila nang tunay, hindi niloloko, hindi dinadaya, kundi bukal ang iyong paglilingkod sa kanila. At, syempre, excellence, kung saan kapag maglilingkod ka hindi pwedeng ‘pwede na,’ kundi dapat [ay] ibigay mo ang all mo. Kahit na pagod ka na, look kung gaano ka na kalayo, magpatuloy ka, at ibigay mo ang best mo… [A]t bilang iskolar ng bayan, panata natin sa pamantasan na paglingkuran ang bayan,” dagdag pa niya. 

Sa darating na ika-19 ng Hulyo ay tuluyan nang magtatapos ng BS Development Communication si Saladino nang may titulong magna cum laude. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya