Nagpapanibagong-hubog
Sablay season na muli.
Nitong mga nakaraang linggo pa lumilitaw sa newsfeed ko ‘yung status updates ng mga kakilala kong nagsisipagtapos na. Kadalasan, may nakalakip sa umpisang “Long post ahead,” kasunod ‘yung pagsasalaysay ng kani-kanilang mga karanasan sa ilang taong pananahan sa pamantasan—mula sa mga pagsubok at aral, hanggang sa tinatanaw na kinabukasan.
Sa holistikong pagtingin, bagaman kolektibong danas ng mga iskolar ng bayan ang pahirap na mga kondisyon sa ilalim ng neoliberal na sistema ng edukasyon, kailangang kilalaning magkakaiba ang pagtanggap dito.
Gayunpaman, may isang bagay talagang palaging bumabagabag sa’kin tuwing panahon ng pagtatapos, partikular mula noong magwakas ang lockdown. Bakit kaya, tuwing maraming gumagradweyt na may pagkilala o Latin honors, imbes na bigyan ng pagbati buhat ng kanilang tagumpay, palaging napupunta ang usapan sa “grade inflation?”
Una kong narinig ‘yung termino noong mabasa ko ‘yung isang artikulo sa Rappler. Sabi ro’n, “Let’s discuss grade inflation.” Ang argumento ng manunulat, kinakailangang maging maingat sa grade inflation sapagkat pinalalabnaw nito ang kahalagahan ng mga grado bilang hudyat ng kahusayan at merito.
Mula noong taong 2022, kung saan umabot sa 305 ang summa cum laude sa UP Diliman, hanggang sa kasalukuyan na mayroong 2,369 graduates na may Latin honors, paulit-ulit nang ginagawang salarin ang grade inflation.
Sa tawag palang–grade inflation–nakalulungkot na agad ang nakakabit na suhestyon. Malinaw agad na ang pagtanggap sa konseptong ito ay isang pag-amin na merkado ang mga paaralan at grado ang panibagong bersyon ng caste system ‘pagkat isa itong mekanismong nagsisilbing sistema ng pag-oorganisa sa mga mag-aaral—mula sa mga mabibigyan ng pagkakataong magtrabaho nang may dangal, hanggang sa mga magiging aliping ‘di makatatanggap ng nakabubuhay na sahod.
Ang mas malala pa rito, kahit ang administrasyon ng UP ay nagsasagawa na rin ng review sa pamantayan para sa Latin honors buhat ng bilang ng mga nakatanggap ng pagkilala ngayong taon. Ang ganitong maniobra, bukod sa isang malaking insulto sa mga estudyanteng nagsakripisyo ng dugo’t pawis upang makapagtapos, ay manipestasyon ng reyalidad na nakaangkla pa rin sa neoliberal na mga pananaw ang mga estruktura ng kapangyarihang namumuno sa pamantasan.
Maraming mga dahilan upang pangatwiranan ang pagtaas ng bilang ng mga Latin honor graduates. Pero, sa umpisa pa lang, wala namang punto ang pagkukumpara ng bilang ng mga nagsisipagtapos na may pagkilala noon sa ngayon sapagkat nagbabago ang konteksto ng lipunan at hindi ito basta-bastang nasasalamin ng mga numero.
Unang una sa lahat, produkto ng K-12 program ang mga gradweyt ngayon. Bagaman maraming pagkukulang ang programang ito, ‘di tulad ng dati, mayroong karagdagang dalawang taon ng pagkatuto ang mga mag-aaral na nagsipagtapos ngayon. Nagkaroon din sila ng pagkakataong aralin ang gusto nilang tahakin bago magkolehiyo noong senior high.
Magkaiba na rin ang paraan ng pagtuturo ngayon—halo na ito ng nakasanayang online learning noong pandemya at pagtuturo sa loob ng klasrum. Malinaw na ang gabay para sa mga awtput at proyekto. Sa kada klase, may silabus agad na maaaring pagbatayan. ‘Di pa kabilang dito ang dami ng online at offline resources na, bagaman ‘di pa bukas para sa lahat, ay kayang abutin ng mga estudyante sa UP.
Libre na ang tuition ngayon, ‘di tulad ng dati na kasama sa pinoproblema ng malaking bilang ng mga mag-aaral ang pambayad sa matrikula. Bagaman malaki pa rin ang mga gastusin, tiyak na mayroong naging paggaan matapos mapasa ang batas para sa libreng edukasyon—isang tagumpay na pinagbuhusan ng oras at enerhiya ng kilusang kabataan noon.
Higit sa lahat, unti-unti na ring pinauunlad ang pag-intindi sa kahalagahan ng kalusugan, lalo sa aspeto ng mental health. Bagaman ‘di pa sumasapat para sa iba, mayroon na ring mga pagsisikap na maging mas bukas sa hinaing at personal na mga problema ng mga estudyante ang mga guro.
Tulad ng nabasa kong obserbasyon ng isang progresibong propesor mula sa UP Diliman, malinaw ngayon na patuloy ang pagsisikap ng mga nasa kapangyarihan upang patatagin ang neoliberal na pundasyon ng edukasyon, partikular sa bisa ng Quality Assurance (QA) at Outcomes-Based Curriculum (OBC)—mga mekanismong naglalayong gawing mas handa ang mga estudyante sa pagpasok sa mga industriya. Buhat ng mga ganitong porma ng paniniil sa mapagpalayang edukasyon, mas lumalakas ang panawagang panatilihin ang ating tindig sa interes ng sangkaestudyantehan, ‘di sa kagustuhan ng merkado.
Kung mismong UP ang tatalima sa paniniwalang kinakailangang rebyuhin ang pamantayan para sa Latin honors sapagkat bumababa na ang kalidad ng mga nagsisipagtapos, na kalauna’y nagiging kwestyon sa kakayahan nila sa lakas-paggawa, ano pa’t tinatawag tayong balwarte ng kritikal na pag-iisip? Ano pa’t sinasabi nating nararapat na mapagpalaya ang edukasyon?
Kung sabagay, ‘di na rin nakakagulat ang naging pasya ng UP admin ngayon, lalo pa’t lumabas na rin noon ang hangarin nilang baguhin ang UP curriculum upang bawasan ang General Education (GE) courses ng mga mag-aaral. Palagi itong paalala na kung hindi nag-aanak ng kritikal na pag-iisip ang isang pamantasan, hindi ito institusyong pang-edukasyon bagkus ay isang pabrika.
Sa pagtingin ko, kahit pa pa’no, mayroon pa rin namang natumbok na punto ang mga grade inflation alarmist—tama naman sila sa bahaging kinakailangang tingnan kung nararapat pa rin ba ang sistema ng pagmamarka. Ngunit, imbes na kwestyunin natin kung bakit mayroong grade inflation o bakit lumalabnaw ang kapangyarihan ng mga gradong kumatawan sa kakayahan ng isang estudyante, hindi ba’t dapat nating kilatasin kung bakit numero pa rin ang ginagamit na sukatan?
‘Pagkat sa mapagpalaya’t progresibong edukasyon na hangarin ang tunay na pagsibol ng mulat na kabataan, mga henerasyon na may pake sa lipunan, ang numero ay isang malabo’t walang lalim na representasyong ‘di kayang sumalamin sa tunay na husay, pagsisikap, at kakayahan ng mga mag-aaral.
Totoo, kinakailangan nating manghinayang at magalit sa lumalalang krisis sa edukasyon. Bagaman nabanggit ko kanina ang iba’t ibang pag-unlad sa konteksto ng pamantasan ngayon, ‘di naman lingid sa ating kaalamang nananatili pa rin ang maraming mga problema lampas pa sa tarangkahan ng UP—kakulangan sa mga pang-estudyanteng espasyo at kagamitan, agawan ng units, budget cuts, komersalisasyon, militarisasyon, at isang kurikulum na ‘di pa rin ganap na tumutugon sa kahingian ng naghihikahos na lipunan.
Sa kabila ng lahat ng ito, gagap kong mahalaga pa ring lumayo sa diskursong nagbubunton ng sisi sa mga nagsisipagtapos at sa kanilang pagkilala. Walang tunay na pagbabago sa edukasyon na masisilang sa paulit-ulit na paggigiit na mayroong grade inflation.
Isang mapait na reyalidad ang kahirapan sa edukasyon, ngunit hindi ito rason upang balewalain ang matamis na tagumpay ng mga iskolar ng bayan. Ang nararapat na ibigay sa mga nagsisipagtapos, may Latin honors man o wala, ay isang pagbati sapagkat nakalampas sila sa maraming mga personal at kolektibong pakikibaka.
Para sa mga nagsisipagtapos, matapos yakapin ang tagumpay na kayo lang ang tunay na makaiintindi, nawa’y sabay-sabay ninyong bibitbitin ang inyong mapanagumpay na diwa patungo sa mga komunidad tangan ang hangaring magserbisyo sa bayan.
Sa mga susunod na araw, kapag nakatupi na ang mga barong at Filipiniana, matapos ang labis na kagalakan mula sa pagsablay, kapag natanggap na ang katotohanan ng pagtatapos, at matapos pasalamatan ang lahat ng mga pagbati, lagi’t laging hamon sa mga iskolar ng bayan ang pagsalubong sa lipunang patuloy na sinisiil ng mapang-aping sistema. ■



