Pag-alpas


Sa mga panahong kinakabahan ang mga naghihikahos na Pilipino sa bawat pagpatak ng tubig mula sa kani-kanilang mga bubong at kung paano sila makakasakay papuntang eskwelahan o opisina habang may mga rumaragasang bagyo, hindi sila matutulungan ng mga mapang-asar o “relatable” na post ng mga kawani ng gobyerno.  

Nitong mga nakaraang araw, umani ng halo-halong reaksyon ang mga post nina Gobernador Sol Aragones ng Laguna at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sapagkat imbes na direkta at klarong impormasyon hinggil sa kalamidad ang kanilang ibinabahagi sa publiko, mas inuuna pa nilang maging witty sa pamamagitan ng kwelang emojis at pang-aasar sa “abangers.”

Ang mga pasikat na maniobra nina Aragones at Remulla ay isang insulto sa tunay na pangangailangan ng masang kanilang dapat pinagsisilbihan, lalo pa’t may kaakibat na bigat ang paglalahad ng datos at impormasyon tungkol sa mga sakunang kinakaharap ng ating bulnerableng bansa. Matatandaan pang noong ika-22 ng Hulyo, pinahintulutan ng Malacañang ang DILG, na hawak ni Remulla, na mag-anunsyo ng work at class suspensions.

Ibig sabihin, pasan na ngayon ng DILG ang responsibilidad na pahintuin ang takbo ng mga paaralan, opisina, at trabaho na may malaking epekto sa pag-aaral, seguridad, at pagkaing mahahanda sa mesa. Sa gayon, inaasahan na maging propesyonal, sensitibo, at may pagmamadali ang mga taong may bitbit ng ganitong kapangyarihan, tulad nina Remulla.  

Sa halip na sundin ang kahingiang ito, sa ilang posts ng DILG, maraming pagkakataon at oras ang sinayang ng ahensya dahil sa pagbibigay-prayoridad nila sa pagpapatawa. Kitang kita kung paanong tila pinaglalaruan lamang nila ang kaba at pangangailangan ng mga mamamayang umaasa sa impormasyong baon nila.

Ang mas nakagagalit pa rito, nang sitahin ng netizens si Remulla, nakatanggap lamang ng mababaw na pahayag ang taumbayan. Aniya, “pasensya na, pero hindi na ako magbabago ng ugali.” 

Kasabay nito, lumitaw rin ang post ng E-Ayuda ni Lem Faustino, alkalde ng Calumpit, Bulacan, kung saan tila walang kamalayan sa danas ng mga mamamayan ang kanyang paraan ng pamimigay ng ayuda—isang contest na may takdang deadline at may mechanics na kailangang isiwalat ang personal na impormasyon. Tila nagkaroon bigla ng deadline ang pagtanggap ng tulong. Naging paligsahan ang pagtamo sa karapatang makabangon.

May ugali ang mga pulitiko na gamitin ang mga trending o patok na salita, manerismo, at kilos upang mas tumunog at sumikat ang pangalan nila sa publiko, na kahit sa pagtugon at pag-aanunsyo ng kasalukuyang lagay ng panahon at kalamidad, hahaluan pa nila ito ng sarili nilang branding—tila isang hamak na oportunidad para magtanghal. 

Mas isinasaalang-alang pa nila kung anong panibagong content ang mas makapagbibigay ng mas mataas na engagements, sa paraan man ng pag-oorganisa ng contest o paggamit ng nakakatawang linyahan. Sa ganitong pakulo, natatabunan ng mga likes at tawa ng mga tagasuporta nila ang tunay na mensahe: na sa laylayan, may mga mamamayan nang nalulubog o mga tahanang natatanggalan ng bubong. Hindi napagdidiinan ang reyalidad na may sakuna at krisis. Walang klaridad kung sino ang p’wedeng tawagan at saan p’wedeng tumakbo.

Naalala ko tuloy na sa Devcom, pinag-aaralan mabuti ang semiotika—ang teorya na nag-aanalisa ng bawat simbolo at kung paano nabibigyan ng kahulugan ang mga ito. Sa konteksto ng mga sakuna, tinuro sa amin na may malaking gampanin ang mga tanda tulad ng flood warning o rainfall warning icons at kung ano ang mga kailangang bigyang-diin na mga salita o termino, para sa kaligtasan at kung paano kikilos ang mga makababasa nito. 

Sa ganitong lohika, malinaw na may pinsala ang iresponsableng paggamit ng social media sa pagbabalita at pagtugon sa sakuna. Sa mga kinikilos ni Aragones, isang alumna ng Devcom, nakapagtataka kung bakit hindi niya nagagamit ang mga dati niyang inaral sa ganitong mga sitwasyon.  

Laging may motibong pinanggagalingan ang paggamit ng ating mga lider ng iba’t ibang paraan ng pagbabahagi ng impormasyon. Pansin ito sa mas litaw nilang mga mukha sa mga litrato ng relief operations, paulit-ulit na nakasulat na personal slogans, at walang hanggang papuri sa kung gaano ka-”resilient” ang mga Pilipino. Minsan, sa halip na maglabas ng mga anunsyong nagmumungkahi ng agarang pagkilos, inuuna pa nilang magparinig sa kapwa nila mga politiko.

Kung ang pagtingin ng mga lider natin sa malakas na hangin at pag-ulan ay hamak na content, hindi rin magiging seryoso ang pagtugon ng mga tao rito. Habang tumataas ang numero ng engagements nila, kasabay rin nito ang pagdami ng mga nagluluksa. Sa ganitong tipo ng pambabastos sa danas ng masa, kahingian sa atin ang pagkwestyon at pagkilatis sa motibo ng ating mga lider.

Walang saysay ang makukulay na mga pubmat, peace sign emojis, at malalaking islogan kung hindi naman naiintindihan ng masa ang warnings o kung nasaang tropical cyclone category na ang lalawigan nila. Sa pagbabahagi ng impormasyon hinggil sa kalamidad at mga sakuna, klarong walang lugar ang komedya.

Matagal na tayong sinisiil ng krisis sa impormasyon, ngunit sa nasasaksihan natin ngayon, mas lalo tayong pinagkakaitan ng mga responsableng taong dapat nangunguna sa pagtugon sa problemang ito.

Hamon sa atin ang mga kalagayang ito: kinakailangan nating patuloy na kumilos at bumoses para sa pangmatagalang solusyon, bagsakan man nila tayo ng mabababaw na mga pangako. Kwestyunin natin kung may naitutulong ba ang bawat proyektong nakatapal ang kanilang pagmumukha. Kilatisin natin kung hanggang saang lalim ng baha ang kaya nilang suungin para makita ang tunay na ugat ng mga problema. Higit sa lahat, kolektibo nating baguhin ang sistemang nagbubulag-bulagan sa ating mga hinaing. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya