Umigpaw


Hindi pa nagsisimula ang SONA, pero tila malinaw na kung saan patungo ang ihip ng talumpati ni Marcos Jr: palayo sa pananagutan at papunta sa paninisi sa mamamayan.

Sa ikaapat na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., panibagong entablado muli ang matutunghayan sa Batasan. Naroon ang camera, korona ng retorika, at hilera ng mga pulitikong nakabihis ng mga pangakong paulit-ulit. Ngunit, sa mga lansangan, may isa pang bulwagan: masikip, maingay, walang teleprompter, pero laging may espasyo na nagpapakita ng tunay nating estado.

Kung tatahakin mo ito, masasaksihan mo ang paulit-ulit na paninikil sa simbolikong protesta ng taumbayan. Hindi na ito bago, lalo na ang pangmamata ng mga awtoridad sa pagsusunog ng mga effigy—isang makasaysayang paraan ng paglaban at pagbibigay-tinig sa galit at pagkadismaya ng masa. Isang sining ng protesta na ginagamit ng mga mamamayan upang ilantad ang mukha ng panlilinlang. Ngunit ngayon, ito’y muling kinukwestyon at sinusupil. Taun-taon, iisa ang palusot: “Nakasisira ito sa kalikasan.”

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre, nalalabag umano ng pagsusunog ng effigy ang environmental law at ang sinumang magsasagawa nito sa araw ng SONA nang walang permit ay aarestuhin. Ngunit, tila malabnaw ang pinanghuhugutan ni Torre. Sapagkat kung kapakanan ng kalikasan ang tunay na inaalala, bakit hindi mas ituon ang pansin sa tunay na lumalabag at sumisira sa mga lupain at komunidad, gaya na lang ng konstruksyon ng Kaliwa Dam sa Sierra Madre; militarisadong pag-atake at aerial strafing sa mga Mangyan sa Oriental Mindoro; panggigipit sa mga katutubo sa Palawan; at, higit sa lahat, ang patuloy na pan-re-redtag, biglaang paglaho, at pagpatay sa mga environmental defender. Malinaw na ito ang nagpapatunay ng sistemikong paglabag sa kalikasan at karapatan. Nakikita ito ng lahat ngunit ipinagsasawalang bahala ng estadong tunay na may sala.  

Ang pagsusunog ng effigy ay pahayag na ang bayan ay hindi pipi. Isa itong sigaw sa anyo ng apoy—hindi upang manira ng kalikasan, kundi upang sindihan ang pagkamulat. At kung may sinusunog mang larawan, mas higit itong nagpapakita ng paglalahad kaysa pagwasak. 

Nangangalahati na sa termino si Marcos Jr., ngunit nananatiling propaganda ang sinasabing “Bagong Pilipinas.” Kamakailan lang ay humarap ang ating bayan sa pila-pilang bagyo at pinsala. Patuloy na lumulubog sa baha ang ating bansa sa kabila ng bilyon-bilyong pondo para sa mga flood control project. At imbes na alamin at bigyang solusyon ang ugat ng krisis, ang sagot ng Pangulo ay simpleng: “mag-adapt na lang.

Ngayong SONA, huwag tayong magkunwari na may progreso. Ang tunay na hamon sa Pangulo ay hindi kung gaano kahusay ang pagkakasulat ng talumpati, hindi kung papaano ibibida ang pansariling tagumpay, kundi kung may tapang ba siyang managot. Kung may dangal ba siyang magsabing: “Dito ako nagkulang, ito ang kailangang gawin, at ako ang mananagot.” Sapagkat kung puro pagbabalatkayo na naman ang ating maririnig, mas lalo lang mag-aalab ang damdamin ng mga mamamayan.

Kaya kung isa ka sa mga hindi naniniwala sa layunin ng protesta, hinihikayat pa rin kitang lumabas at tumungo kung nasaan sila. Maaaring dito mo malaman kung ano ang pagkakaiba ng panawagan at panunupil, kung ano ang krimen sa hindi.

Hindi kasalanan ang magsindi ng apoy kung ito’y nagsisilbing ilaw para sa katotohanan. Sama-sama nating sunugin ang mga kasinungalingan, lalo na ang huwad na imahe ng kasalukuyang administrasyon. Kung hindi kayang ilarawan sa SONA ang tunay na estado ng bansa, ang masa ang maglalarawan. Ang masa ang magtatala. Ang masa ang magpapakilos. Sapagkat nasa tinig ng masa ang tunay na estado ng ating bayan. ■

MGA LARAWAN / EUROPHIA ANNE, ANAKBAYAN, BAYAN TK • DISENYO NI DIANNE BARQUILLA


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya