Kasama ang mga ulat ni Europhia Anne Monforte

DAPAT MONG MALAMAN

  • Nagkasa ng ilang araw na kilos-protesta ang BAYAN TK bilang tugon sa ika-apat na SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
  • Sentro sa mga pagkilos ang mga hinaing ng iba’t ibang sektor sa rehiyon, tulad ng mga isyu sa agrikultura, kalikasan, at karapatan ng mga katutubo.

Hindi naging hadlang ang masamang panahon sa delegasyon ng Timog Katagalugan para itampok ang iba’t ibang isyung kinakaharap ng rehiyon sa LABAN Timog Katagalugan Caravan na sinimulan noong ika-25 ng Hulyo.

Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan – Timog Katagalugan (BAYAN-TK), isinagawa ang caravan bilang tugon sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ginanap ngayong araw, ika-28 ng Hulyo.

Bilang panimula, inilunsad ang mga serye ng kilos-protesta sa Kamaynilaan upang higit na bigyang-diin ang mga krisis pangkalikasang kinakaharap ng rehiyon. Sa pagkilos sa Mendiola, kinundena ni Blesilda Ordonio ng Kalikasan Timog Katagalugan (Kalikasan TK) ang mga “big-ticket project,” tulad ng mga proyektong reklamasyon, na binansagan niya bilang “sistematikong pandarambong na ginagawa ni Marcos Jr. at ng mga crony niya.”

Sinundan ito ng mga kilos-protesta sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sumentro sa pagtutol sa mga proyektong nakasisira sa kalikasan at pagbibigay ng sapat na kompensasyon sa mga mamamayang naapektuhan ng mga nagdaang serye ng pag-ulan at pagbaha.

Kuha ni Europhia Anne Monforte

Samantala, pinalakas din ng delegasyon ang kampanya sa karapatang pantao nang maitatag ang Defend Mindoro Network sa isang press conference na inilunsad sa Commission on Human Rights (CHR) noong ika-26 ng Hulyo. Pangunahing layunin nito na bigyang-diin ang pagtutol sa patuloy na pasismo at panggigiit sa mga Mindoreño, partikular na sa mga magsasaka, mangingisda, at katutubo.  

“Naitatanong ko sa sarili ko, ‘May gobyerno pa bang naaawa sa mga katutubo?’ Bakit ho ganito ang ginagawa sa amin?” hinaing ni Vivian Balanza, katutubong Mangyan na nagbahagi ng karanasan sa ginanap na press conference. “Kami ho ay hindi naman nanghihingi sa kanila, nagpapakabuhay po kami sa sariling lugar namin. ‘Yung mga ninuno namin, doon na po sila nangamatay, doon na po sila lahat.”

Kalagayan ng rehiyon

Upang palutangin ang kasalukuyang kondisyon ng mga batayang sektor sa rehiyon, idinaos din ng mga delegado mula sa iba’t ibang mga progresibong grupo ang State of the Region Address (SORA) Forum sa UP Film Institute, Quezon City, kahapon, ika-27 ng Hulyo. 

Kuha ni Europhia Anne Monforte

Inumpisahan ang programa sa isang Economic Situationer na pinangunahan ni Lucky Oraller, tagapagsalita ng BAYAN-TK, kung saan tinalakay ang matinding krisis sa kabuhayan at patuloy na pagkalugmok ng mga mamamayan sa kahirapan sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.

Binigyang-diin naman ni Tiffany Ruth Aceña mula sa Kalikasan TK ang umano’y kawalang-kibo ng administrasyon sa lumalalang krisis pangkalikasan, na aniya ay patunay ng kapabayaan ng estado sa likas-yaman ng bansa.

Samantala, inilahad ng tagapangulo ng Tambisan sa Sining – Southern Tagalog na si  Julius Bagoyo ang panggigipit sa mga kultural na manggagawa. Ayon sa kanya, patuloy na hinahadlangan ng kolonyal at burgis na impluwensiya ang pagyabong ng progresibong sining sa rehiyon.

Inilantad din ni Joecyn Waerness, coordinator ng Gabriela Laguna, ang patuloy na diskriminasyon at pananamantala sa kababaihan at ang panawagan para sa tunay na hustisya sa mga biktima ng iba’t ibang porma ng karahasan. 

Ibinahagi naman ni Nimuel Yangco, tagapagsalita ng Anakbayan Southern Tagalog, ang tumitinding problema ng komersyalisasyon ng edukasyon sa rehiyon, partikular sa UPLB, kung saan problema pa rin ang kakulangan ng slot, pondo, at ang patuloy na militarisasyon sa Unibersidad.

Sa usapin ng karapatang pantao, binigyang-diin ni Nimfa Lanzanas, paralegal mula sa Karapatan Southern Tagalog, ang patuloy na paglabag ng estado sa mga karapatang sibil. Itinampok niya ang patuloy na red-tagging at pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista at ordinaryong mamamayan sa rehiyon.

Bulok na sistema

Sa mismong araw ng SONA, binitbit ng delegasyon ang mga panawagan ng iba’t ibang sektor mula sa rehiyon. Pinalitaw nila sa kilos-protesta sa Old Capital Hall, Philcoa, Quezon City, ang tunay na lagay ng Timog Katagalugan bunsod ng patuloy na pananaig ng mga banyagang interes sa porma ng pamumuno ng kasalukuyang administrasyon.

Naging tampok din sa nasabing pagkilos ang pagsunog sa mga effigy na “ZomBBM” at “Sarananggal” na nagsilbing representasyon nina Marcos at Duterte bilang manipestasyon ng anila’y pagkabulok ng naghaharing sistema. 

Kuha ni Europhia Anne Monforte

Matapos ang programa, tumungo naman sa tapat ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang delegasyon, kasama ang mga magbubukid mula sa Gitnang Luzon, upang paingayin ang mga panawagan patungkol sa kawalan ng tunay na reporma sa lupa.

Nagwakas ang ikaapat na araw ng caravan ng mga rehiyonal na grupo sa pakikiisa sa mas malawak na SONA ng Bayan kasama ang iba pang mga pambansang organisasyon. 

Magpapatuloy pa ang mga kilos-protesta at iba pang programa sa Commission on Higher Education at Senado hanggang bukas, ika-29 ng Hulyo. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya