DAPAT MONG MALAMAN
- Sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), binanatan ni Marcos ang mga tiwaling opisyal at kontratistang sangkot sa mga palpak na proyekto ng gobyerno—lalo na sa kontrobersyal na flood control projects.
- Hindi nabanggit sa SONA ang mga kritikal na isyu kabilang ang wage hike, e-gambling, usapin sa West Philippine Sea, at ang impeachment case ni VP Sara Duterte maging ang ICC arrest ng ama nito.
- Inilahad din ni Marcos ang ilang mga plano ng kaniyang administrasyon, kabilang na sa edukasyon sa kabila ng patuloy na pagkaranas ng budget cuts ng mga SUC.
Matapos tuligsain ni Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ang mga aniya’y “mapanamantalang indibidwal na nangungurakot sa mga proyekto” ng kaniyang administrasyon, nagpalakpakan ang mga mambabatas sa loob ng bulwagan—bagay na isang kabalintunaan para sa ilang mga manonood gayong ang mga pumalakpak ay maaaring sangkot din dito.
Bago matapos ang kaniyang talumpati, nagpahayag ng matinding pagkadismaya ang Pangulo sa higit 5,500 na flood control projects na kanyang ibinida sa kanyang ikatlong SONA noong nakaraang taon.
“Kitang-kita ko na maraming proyekto para [sa] flood control ang palpak at gumuho, at ‘yung iba ay guni-guni lang,” giit ni Marcos.
Kasunod ito ng mga batikos sa gobyerno kaugnay ng matinding pagbaha na dulot ng sunod-sunod na bagyo at hanging habagat nitong mga nakaraang linggo.
Sa gitna ng kontrobersya, nilinaw ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na tanging ang mga proyektong nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) ang dumaraan sa regular na proseso ng beripikasyon ng ahensya. Marami umano sa mga flood control project na isinusulong sa badyet ay isiningit lamang sa panahon ng bicameral deliberations nang walang konsultasyon o partisipasyon ng DPWH.
“’Yan po ang unang pagkakataon na makikita natin ang mga proyekto—kapag nailagay na sa GAA (General Appropriations Act),” ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan sa isang panayam sa DZMM.
Isiniwalat din ni Banoan na marami sa mga flood control project ay nabawasan ng pondo, dahilan upang bumaba ang kalidad ng mga ito.
Umabot na sa P980.25 bilyon ang kabuoang pondo ng DPWH para sa flood control mula 2023 hanggang 2025, o katumbas ng P326.75 bilyon kada taon. Nitong Disyembre 2024, nagdesisyon si Marcos na i-veto ang P16.72 bilyon mula sa flood control budget ng DPWH sa 2025, at iginiit na tanging ang mga proyektong nasa NEP lamang ang susuportahan.
Ang DPWH ang may ikalawang pinakamataas na pondo sa ilalim ng 2025 GAA na P1.007 trilyon, kasunod ng Department of Education na may P1.055 trilyon.
Kaugnay nito, nagbanta rin ang Pangulo sa kaniyang talumpati na pananagutin ang mga nasa likod ng mga palpak na proyekto. “Sa mga susunod na buwan, makakasuhan ang lahat ng mga lalabas na may sala mula sa imbestigasyon. Pati na ang mga kasabwat na kontratista sa buong bansa.”
Sa kabila ng masigabong palakpakan mula sa mga mambabatas buhat ng pahayag ng Pangulo, iba ang nakikitang anggulo rito ni Renato Reyes ng Bagong Alyansang Makabayan.
“In perhaps the most surreal moment of #SONA2025, Mr. Marcos castigated faulty, corruption-tainted flood control projects while receiving a standing ovation from lawmakers and officials likely responsible for the same faulty, corruption-tainted flood control projects,” argumento ni Reyes sa isang post sa X pagkatapos ng SONA.
Ganito rin ang naging sentimyento ng ilang mga user sa X na pinunto rin ang kasaysayan ng pamilya Marcos hinggil sa ill-gotten wealth nito.
Samantala, para naman sa ilang environmental groups tulad ng Greenpeace Philippines, hindi lamang limitado sa mga sinabi ni Marcos ang solusyon. Bago ang SONA, inasahan ng Greenpeace na pananagutin ng Pangulo ang malalaking kompanyang nagpapalala ng mga epekto ng climate crisis sa bansa—isang bagay na hindi nabanggit ni Marcos.
“Greenpeace believes that this should be a wake-up call for President Marcos Jr. to walk the talk on climate action and climate justice… Filipinos are suffering climate harms while the world’s biggest polluters—oil and gas companies that have profited from climate destruction—continue to rake in trillions of dollars yearly,” pahayag ni Greenpeace Philippines climate campaigner Jefferson Chua sa isang artikulo ng Greenpeace noong Hulyo 22.
Iginiit din ni Marcos ang pagpapanagot sa mga nangyayaring katiwalian sa ilalim ng Build Better More Project ng kaniyang administrasyon.
“Hindi natin papayagan at palalagpasin ang mga katiwalian sa pangangasiwa—ang kapalpakan sa pagdisenyo at pagkakagawa, ang mababang kalidad at marupok na materyales, ang pagkaantala ng proyekto, at ang kapabayaan sa tamang pagmaintina at pagkumpuni,” wika ni Marcos.
Sa kabilang banda, pinuna rin ng mga kritiko ang pagbabanta ng Pangulo sa mga tiwaling kawani ng pamahalaan gayong ang pamilya Marcos ay nahaharap din sa mga kaso ng pandarambong sa kaban ng bayan.
Patutsada sa mga Villar
Dagdag pa rito, pinatutsadahan din ng Pangulo ang mga joint venture ng ilang water districts na nagpapahirap sa mga konsyumer.
Bagaman wala siyang direktang binanggit na kompanya, napansin ng mga manonood ang pagbaling ng kamera kay Senator Camille Villar sa livestream ng SONA matapos ang patutsada.
Ang pamilya Villar ang nagmamay-ari ng PrimeWater Infrastructure Company na inulan ng milyon-milyong mga reklamo dahil sa palpak na serbisyo sa tubig. Si Villar ay isa sa mga kaalyadong Senador ni Marcos sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas noong nakaraang eleksyon.
Bukod sa isyu ng tubig, nanindigan din ang Pangulo na hindi niya palalampasin ang naging malawakang power outage sa Siquijor noong nakaraang buwan dahil sa breakdown ng ilang power generation units ng Siquijor Island Power Corporation (SIPCOR).
Sa isang press briefing noong ika-13 ng Hulyo, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na maglalabas ng show cause order ang Energy Regulatory Commission (ERC) upang panagutin ang SIPCOR.
Katulad ng PrimeWater, ang SIPCOR ay kompanya sa ilalim ng Prime Asset Ventures, Inc. (PAVI) na pag-aari ng pamilya Villar.
Mga plano sa agrikultura
Hindi rin pinalampas ni Marcos ang pagkakataon na ibida ang katuparan umano ng pangakong P20 na bigas sa kaniyang panunungkulan. “Napatunayan na natin na kaya na natin ang P20 sa bawat kilo ng bigas na hindi malulugi ang ating mga magsasaka. Kamakailan lamang ay matagumpay nating nailunsad ito sa Luzon, Visayas, at Mindanao.”
Sa kabila ng pagpupugay ng Pangulo sa tagumpay umanong proyekto, tinaliwas ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang kaniyang pahayag. Ayon sa KMP, nasa P44 o mas mataas pa kada kilo ang presyo ng bigas sa merkado sa ilalim ng kaniyang pamamahala.
“Palay production remains stagnant, while rice imports are expected to reach a record 5.4 million metric tons in 2025. Government spending on rice has ballonned from P7 billion to P32 billion annually,” paliwanag ng KMP sa isang Facebook post.
Pinasadahan din ng Pangulo sa talumpati ang pagpapabilis ng pamamahagi ng mga titulo ng lupa para sa mga benepisyaryo ng agrarian reform.
“Para sa susunod na salinlahi ng mga magsasaka, tiyak na magiging kanila na ang lupang sinasaka nila. Kasalukuyang pinabibilis ng DAR (Department of Agrarian Reform) ang pamamahagi ng mga Parcel Land Ownership Award at ng mga e-title, pati na ang mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA) bilang patunay na wala nang utang ang mga benepisyaryo ng agrarian reform,” paliwanag niya.
Ngunit ayon muli sa KMP, 68% ng mga CLOA ay simpleng paghahati-hati lamang ng mga kolektibong titulo sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling program at hindi bagong pamamahagi ng lupa.
“Only a small fraction of farmers have benefited from debt condonation under the New Agrarian Emancipation Act (NAEA); future amortizations remain,” dagdag ng KMP.
Ekonomiya at puwersang manggagawa
Umalma rin ang mga labor group sa hindi pagbanggit ni Marcos sa mga repormang isinusulong ng mga manggagawa, partikular na ang legislated wage hike na namatay kasabay ng pagwawakas ng 19th Congress.
“Workers keep on pressing for a legislated wage hike of P200 as well as the passage of the security of tenure bill, but to no avail. Katulad sa baha at bagyo, kailangan ang Presidente sa pagharap sa krisis na ito,” saad ng Partido Manggagawa sa isang panayam.
Ang panukalang batas para sa legislated wage hike ay halos pasado na sa 19th Congress. Nais ng Senado na P100 ang maging umento sa sahod ng mga minimum wage earner sa pribadong sektor habang P200 naman ang isinusulong na taas-sweldo ng Kamara, ngunit nabigo ang dalawang kapulungan na pag-isahin ang halaga bago matapos ang nakalipas na Kongreso.
Wala ring nabanggit ang Pangulo patungkol sa naging negosasyon niya kay United States President Donald Trump ukol sa taripang ipinataw ng Amerika sa Pilipinas kamakailan na direktang makaaapekto sa Philippine exports.
Ipinataw ng Estados Unidos ang 19% na taripa sa mga produkto ng Pilipinas na nagpapahina sa kakayahang makipagkompitensya ng mga pangunahing sektor ng bansa sa exports.
Bagama’t itinuring itong “significant achievement” ni Marcos, ang 1% nabawas mula sa 20% na orihinal na taripa ay tinutumbasan pa rin ng malaking buwis na ipapataw para sa mga Filipino exporters kumpara sa kapalit nitong “open market” para sa US.
Iba pang isyung hindi nabigyang-diin
Kapansin-pansin ding hindi nabanggit sa talumpati ng Pangulo ang usapin ng “online gambling” sa bansa.
Matatandaang sumentro ang kaniyang nakaraang SONA sa naging desisyon niyang ipagbawal ang Philippine offshore gaming operators (POGOs) sa bansa noong nakaraang taon. Sa kasalukuyan, wala pa ring inilalabas na posisyon ang Malacañang tungkol sa talamak na local online gambling sa bansa.
“Sayang, walang pagbanggit sa online gambling. ‘Yun din ‘yung isang hinainan ko ng resolution recently, containing at least a dozen provisions, kasama na ‘yung pag-ban ng koneksyon sa gitna ng mga online gambling platforms at mga e-wallets or super apps,” saad ni Senator Risa Hontiveros sa isang ambush interview matapos ang SONA.
Isa si Hontiveros sa mga nangunang senador sa pagtugis sa mga nasa likod ng kontrobersyal na POGO sa bansa noong nakaraang taon.
Isa pa sa mga isyung hindi napasadahan ni Marcos ang problemang kinahaharap ng bansa sa West Philippine Sea. Imbis na direktang tumugon, sinabi na lamang ng Pangulo na ang Pilipinas ay kaibigan ng lahat at hindi kaaway nino man.
Hindi rin naisama sa SONA ni Marcos ang kaniyang saloobin hinggil sa kasalukuyang lagay ng impeachment case ni Vice President Sara Duterte, na dati niyang kaalyado.
Nito lamang ika-25 ng Hulyo, nagdesisyon ang Supreme Court na ideklarang “unconstitutional” ang inihaing impeachment complaint ng Kamara laban kay Duterte. Anila, nilabag ng mga mambabatas ang one-year bar rule.
Mga pangako ni Marcos
Bukod sa pagtingin sa ilang mga isyu ng bansa, mas naging laman din ng SONA ngayong taon ang mahabang listahan ng mga bagong pangakong nais gawin ni Marcos sa nalalabing tatlong taon niya sa puwesto.
Mabubulaklak ang mga pangako ng Pangulo sa sektor ng edukasyon. Nakasentro sa pagpapatibay ng sektor ang repormang inilatag sa K-12 curriculum kasama ang pangakong sa susunod na mga taon, ang bawat isang pamilya ay magkakaroon na ng graduate sa kolehiyo o Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ayon pa kay Marcos, nakahanda na rin ang malaking pondo upang tustusan ang libreng edukasyon sa kolehiyo pati na rin ang mga subsidy at assistance sa mga nangangailangang estudyante.
Taliwas ito sa sunod-sunod na budget cuts na nararanasan ng mga state universities and colleges (SUCs) sa bansa kabilang ang UP System. Para sa taong ito, P14.48 bilyon ang tinapyas na pondo ng pamahalaan para sa mga pampublikong kolehiyo sa bansa.
Bukod dito, marami pang binitawang pangako si Marcos upang tugunan ang aniya’y mga kakulangan sa ilalim ng kaniyang pamamalakad. “Bigo at dismayado ang mga tao sa pamahalaan, lalo na sa pangunahing serbisyo. Ang leksyon ay simple: kailangan pa natin mas lalong galingan,” pag-amin niya.
Kaya naman, sa nalalabing tatlong taon ng panunungkulan ng Pangulo, nakataya ang kredibilidad ng administrasyon sa kakayahang tuparin ang mga ipinangako at panagutin ang mga aakusahang responsable sa katiwalian.
Habang lumalalim ang mga isyung panlipunan at pang-ekonomiya, nananatiling nakamasid ang publiko kung may kongkretong aksyon bang isusunod sa mga pahayag ng Pangulo—o kung mananatili lamang itong bahagi ng taunang retorika ng SONA. ■
Layunin ng pormang news analysis na gamitin ang kaalaman ng mga Tanglaw reporters upang ipaliwanag ang mga balita sa pamamagitan ng pagbibigay-konteksto, pagpapakahulugan, at obserbasyon.



