Kasama ang mga ulat nina Jian Martin Tenorio, Leonard Magadia, Franz Llagas, Karylle Payas, Mervin Delos Reyes, Novah Ruiz, Dianne Barquilla, Luke Cerdenia, Zy Nabiula, at Jia Almenanza
DAPAT MONG MALAMAN
- Kinilala ng mga miyembrong pahayagan ng UP Solidaridad ang mga tagumpay ng ilang kasaping college-wide publications sa unang araw ng UP Solidaridad Bi-Annual Congress (SoliCon).
- Sa kabila nito, lumutang ang mga problemang hanggang ngayon ay kinahaharap pa rin ng mga pahayagan ng UP System, kabilang ang hindi sapat na pondo, kawalan ng espasyo, at kakulangan sa tao.
Pinalakpakan ng mga miyembrong pahayagan ng UP Solidaridad ang mga nakamit na tagumpay ng ilang kasaping college-wide publications, kabilang ang Tinig ng Plaridel, Tanglaw, at The Staple, sa unang araw ng UP Solidaridad Bi-Annual Congress (SoliCon) ngayong Lunes, ika-4 ng Agosto, sa CDC Lecture Room, UPLB.
Sa publication reports ng mga miyembrong pahayagan, ibinida ng Tinig ng Plaridel ang pagkilala sa kanila ng UP Diliman College of Media and Communication bilang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng kanilang kolehiyo makalipas ang 45 na taon ng operasyon.
Ikinatuwa rin sa SoliCon ang pag-endorso ng pamunuan ng UPLB College of Development Communication sa Tanglaw bilang opisyal na pahayagan ng sangkaestudyantehan ng kolehiyo matapos ang tatlong taong pakikibaka para sa pagkilala rito.
Bagaman hindi pa opisyal, isang malaking tagumpay rin para sa UP Solidaridad ang pagkakabuo ng The Staple, ang pinakabagong college-wide publication ng UPLB College of Economics and Management.
Ayon kay Jian Martin Tenorio, Editor in Chief ng Tanglaw, patunay ang mga tagumpay na ito sa kahalagahan ng college publications sa UP System. “Based sa The Staple, nakita natin ‘yung engagement ng sangkaestudyantehan na talagang hinahanap nila tayo, inaasam nila na magkaroon ng ganitong mga publication sa kani-kanilang kolehiyo.”
“Kaya sana dito sa atin sa UP Solidaridad, magsilbi itong motivation sa atin na buhayin din natin ‘yung iba pang mga college publication… dahil mas powerful tayo ‘pag mas marami tayo,” giit pa ni Tenorio.
Sinuhayan ito ni Vera Criste, Editor in Chief ng UPLB Perspective. “Pag-ibayuhin pa po natin ang ating mga lakas para makapagbuo pa ng mas marami pang publikasyon sa loob ng UP System dahil sa panahon ngayon ay wala namang kwentong gasgas kaya ikwento na ang mga dapat ikwento.”
Kulang pa rin ang pondo
Sa kabila ng mga tagumpay na ito, nananatili pa rin ang mga hamong idinadaing ng mga miyembrong pahayagan na maging noong mga nakaraang SoliCon ay lumutang na.
Hindi pa rin nagwawakas ang suliranin sa pondo ng mga pangkampus na pahayagan, lalo na ang mga pangkolehiyong publikasyon na kasisimula pa lamang tulad ng Tanglaw at The Staple.
Dahil sa hindi sapat na pondo ng Tanglaw, naapektuhan nito ang paglilimbag ng mga kopya para sa kanilang taunang Devcom Halalan coverage kung kaya’t limitado lamang ang bilang ng print edition ngayong taon.
Sa report ni Tenorio, inilahad niya na matapos ang college-level endorsement, wala na sa saklaw ng CDC administration ang usapin ng pondo para sa Tanglaw. Ito ay kinakailangan umanong ilakad sa pamunuan ng Unibersidad.
Bagaman isa sa mga pinakamatagal na pahayagan sa UP System ang Tinig ng Plaridel, naghihingalo na rin ang hawak nilang salapi para sa kanilang operasyon, ayon kay Christian Chua, outgoing editor in chief.
“Kami pong editors and staffers nagso-shoulder ng expenses for our internal coverages and activities,” saad ni Chua.
Napipilitan na rin ang ibang student publications tulad ng Medikritiko na magsagawa ng solicitation sa mga mag-aaral upang matustusan ang kanilang operasyon.
Samantala, nahihirapan pa rin ang ilang student publications, tulad ng Pagbutlak at Frontliner, na makakuha ng pondo mula sa kanilang mga administrasyon kahit na may nakalaan para sa kanila dahil sa mga burukratikong proseso.
Nananatili namang walang pondo mula sa kanilang mga pamunuan ang UP Vista, Lanog, The Cursor, at Public Herald.
Malinaw para sa mga miyembrong pahayagan ng UP Solidaridad ang mabigat na epekto ng kawalan ng pondo sa pagpapatuloy ng kani-kanilang mga operasyon. Anila, nahihirapan silang magsagawa ng on-ground coverages, makapaglathala ng print issues, at panatilihin ang kanilang websites dahil hindi sapat ang hawak nilang salapi.
Iba pang mga hamon
Maraming pahayagan din ang idinadaing ang kawalan at kakulangan ng espasyo upang makapagtrabaho. Ganito ang naging ulat ng Frontliner na nakikihati sa opisina ng kanilang University Student Council, Tinig ng Plaridel na tanging editorial board lamang nila ang kasya sa opisina, UP Vista at Pagbutlak na kapwa hindi conducive ang office, at kalakhan ng mga kasapi ng UP Solidaridad na walang mga opisina.
Marami rin sa mga pahayagan ang walang sapat na kagamitan kung kaya’t apektado rin ang kanilang mga operasyon.
Bukod pa rito, nahihirapan din ang ilang mga namumuno sa mga pahayagan na hamigin pa ang kanilang ibang mga miyembro na maging aktibo sa pagtatrabaho para sa publikasyon.
Ang ilan ding student publications ay humaharap sa kakulangan ng tao dahil karamihan sa kanilang mga dating miyembro ay nakapagtapos na ng kolehiyo.
Samantala, nagsimula na rin ngayong araw ang resolution-building kung saan binubutbot ng mga student publication ang iba’t ibang resolusyong inihahain upang tugunan ang mga suliraning kinahaharap ng mga pahayagan sa UP System, na siyang magpapatuloy hanggang sa huling araw ng SoliCon sa Miyerkules, ika-6 ng Agosto.



