Kasama ang ulat nina Jian Martin Tenorio, Franz Llagas, Karylle Payas, Leonard Magadia, Luke Cerdenia, Mervin Delos Reyes, Dianne Barquilla, Chynna Chavez, Novah Ruiz, Kim Malaluan, Alexander Abas, Jayvee Mhar Viloria, Neil Gabrielle Calanog, Jana Cosico, Thea Capiña, Jhyanne Almenanza, at Reign Faith Arwen Bas
DAPAT MONG MALAMAN
- Isa sa 14 na resolusyong naipasa sa katatapos lamang na 59th Convention of the General Assembly of Student Councils (GASC) ay nakasentro sa pagtutol sa malawakang development aggression sa ilalim ng kasalukuyang rehimen.
- Kabilang ang mga lalawigan sa Timog Katagalugan sa mga lugar na higit na nakararanas ng patuloy na pagkasira dahil sa mga “development” project at pag-atake sa mga tagapangtanggol ng kalikasan.
Sumentro ang isa sa 14 na resolusyong naipasa sa ikalawang araw ng 59th Convention of the General Assembly of Student Councils (GASC) sa pagpapalakas ng kampanya kontra sa mga proyekto ng administrasyong Marcos-Duterte na nakakaapekto sa lagay ng kalikasan at mga komunidad.
Pinangunahan ang resolusyong ito ng UPLB College of Agriculture and Food Sciences Student Council (SC), UPLB College of Human Ecology SC, at UPLB College of Forestry and Natural Resources SC, katuwang ang UPLB College of Engineering and Agro-Industrial Technology SC at UP Visayas College of Fisheries and Ocean Sciences SC.
Sa isang bahagi ng resolusyon, pinagtuunang-pansin ang halaga ng kolektibong pagkondena sa environmental plunder at development aggression sa ilalim ng kasalukuyang rehimen.
Ayon sa resolusyon, “[the GASC shall] collectively and strongly condemn the Marcos-Duterte Regime and the existing bureaucratic-capitalist government for all forms of environmental exploitation, particularly those occurring in protected areas, ancestral domains, and ecologically sensitive region.”
Binigyang-diin din ng mga lider-estudyante sa resolution-building na hindi lamang kalikasan ang pinipinsala ng mga nasabing proyekto kundi pati ang kabuhayan, kultura, at pagkakakilanlan ng mga naninirahan sa mga apektadong lugar.
Ayon sa UP Baguio University Student Council, wala umanong saysay ang mga proyektong ito kung ”ang kapalit naman ay ang pagkasira ng kalikasan at pagkawala ng kabuhayan ng mga marginalized.”
Kabilang dito ang ilang mga planong imprastrakturang inilatag ng pamahalaan sa mga lalawigan ng Timog Katagalugan na mariing tinututulan ng iba’t ibang mga progresibo at lokal na samahan.
Iba’t ibang mapanirang proyekto sa Laguna
Matunog na isyu sa buong rehiyon ang mga mapanirang proyekto sa Laguna de Bay. Bunga nito, nagpahayag ng pagkabahala ang ilang residente at mga grupo ng mangingisda sa inaasahang pinsala na maidudulot ng mga ito.
Sa pahayag ng Save Laguna Lake Movement (SLLM), inaasahang humigit-kumulang 8,000 residente at mangingisda sa lalawigan ang maaapektuhan ng pinaplanong Floating Solar Farm sa Laguna de Bay.
Sa kaniyang pahayag, binanggit ni SLLM convenor Chris Baysa na tungkulin ng bagong kalihim ng Department of Environment and Natural Resources na si Raphael Lotilla na lubusang suriin ang proyekto, lalo na sa gitna ng mga maaaring epekto nito sa mga nasasakupan.
“There is widespread opposition from affected fishermen and residents to the imminent floating solar project that will cover traditional fishing grounds. The new DENR secretary should seriously consider the said project and thoroughly scrutinize its environmental impact statement,” paliwanag niya sa isang ulat ng INQUIRER.net.
Nagsimula ang pilot testing ng proyekto sa ilang bayan tulad ng Baras, Rizal, na kinikilala bilang pinakaunang floating solar farm sa bansa. Sinundan ito ng mga installation sa Cardona, Los Baños, at Bay. Ang 2,000 ektarya ng katubigan na gagamitin para sa proyekto ay tatama sa ilang bahagi ng Calamba, Cabuyao, Santa Rosa, Bay, at Victoria.
Bukod sa mga implikasyon nito sa kabuhayan ng mga mamamalakaya, ipinapakita rin ng isang pag-aaral na ang nasabing proyekto ay maaaring magdulot ng negatibong epekto sa kalikasan, tulad ng Anaerobic conditions sa tubig ng lawa at kemikal na polusyon mula sa pagtatayo ng imprastraktura.
Maaari din itong magdagdag ng mas maraming basura sa lawa sa sandaling masira ang mga solar panel, katulad ng nangyari sa inisyal na pagpapatupad nito sa San Antonio, Bay.
Dagdag pa rito, kasalukuyang ring gumugulong sa pangunguna ng Department of Public Works and Highways ang pagbuo ng Laguna Lakeshore Road Network (LLRN) na naglalayong pag-ugnayin ang mga lugar sa baybayin ng lawa.
Sa kabila ng pangako ng mga proyektong ito na paunlarin ang ekonomiya sa mga apektadong komunidad, hindi maalis ang pagkabahala ng ilang residente, lalo na ang mga maliliit na mangingisda sa lalawigan, sa mga maaaring maging epekto ng proyekto sa kanilang kabuhayan at sa kalikasan.
Kaliwa Dam, malawakang pagmimina, parehong banta sa Rizal
Ganito rin ang inaasahan sa mga komunidad sa kabundukan ng Sierra Madre sa Rizal. Ayon sa Metropolitan Waterworks Sewerage System, inaasahang lulubog ang maraming kabahayan sa ilang lugar sa Tanay, Rizal, kung maititirik ang Kaliwa Dam project na naglalayon umanong solusyunan ang malawakang problema ng bansa sa tubig, partikular na sa Kamaynilaan.
Kasama ring maaapektuhan ang mga likas-yaman sa bahagi ng lupang pagmamay-ari ng mga Dumagat-Remontado, isa sa mga katutubong grupong naninirahan sa lugar.
Noong nakaraang Abril ay inaprubahan ng National Economic and Development Authority Board ang dagdag na P3.1 bilyon sa kabuuang badyet para sa pagtatayo ng Kaliwa Dam na inaasahang gugulong hanggang 2026. Mula P12.2 bilyon ay tinatayang aabot sa P15.3 bilyon ang gagastahin ng administrasyon para sa proyekto.
Higit naman itong tinutulan ng Stop Kaliwa Dam Network at sinabing isinasawalang-bahala lalo nito ang mga isyung kalakip ng pagtatayo ng nasabing dam.
“Our forests, rivers, cultures, and lives are not for sale. We demand sustainable, community-centered solutions to Metro Manila’s water needs—not destructive projects that violate human rights and ancestral domain,” wika nila sa inilabas na pahayag.
Ayon naman kay Ramcy Astoveza ng Samahan ng mga Katutubong Agta/Dumagat at Remontado na Ipinagtatanggol ang Lupaing Ninuno (SAGIBIN-LN) sa parehong pahayag, nakadidismaya ang naging hakbang ng pangulo na pagdadagdag ng badyet sa Kaliwa Dam.
“Ang MWSS at China ay nagsisipagsaya, habang kami ay buong buhay na binibigay upang protektahan ang aming lupain at tribu,” aniya. Hiling din niya na ngayong taon, “bago sila makipagkasundo sa aming lupain, kausapin muna kami.”
Sunod-sunod na sunog sa Cavite
Simula 2024 naman, nagkaroon ng sunod-sunod na sunog sa iba’t ibang lugar sa Cavite, partikular na sa mga bahaging malapit sa baybayin. Para sa ilang progresibong grupo tulad ng PAMALAKAYA-Cavite, maituturong sanhi ng nasabing serye ng mga sunog ang mga operasyon sa lalawigan na may kinalaman sa reklamasyon at dredging.
Isa sa mga proyektong kabilang dito ang Bacoor Inner Island Reclamation and Development Project ng Frabelle Fishing Corporation na dating pinamunuan ng kasalukuyang kalihim ng Department of Agriculture na si Francisco Tiu Laurel Jr.
Ayon sa tala ng Bagong Alyansang Makabayan-Cavite, siyam na munisipalidad na kostal sa Cavite ang nakararanas ng epekto ng reklamasyon at mahigit 3,000 pamilya ang inaasahang ma-demolish ang tahanan bunsod ng walang tigil na reklamasyon sa mga nasabing komunidad.
Sa pahayag naman ni PAMALAKAYA-Cavite Secretary-General Aries Soledad, wala na silang mahuling isda simula noong nag-umpisa ang dredging sa kanilang lugar sa Bacoor, Cavite. Dagdag pa niya, sinira na umano ng mga nasabing proyekto ang kanilang mga karagatan at dalampasigan.
“At maging dito sa Bacoor, nag-dre-dredge talaga ang Frabelle Corporation. Wala rin silang binigay na compensation sa mga [apektadong] mangingisda sa kasalukuyan,” paliwanag niya sa isang ulat ng Philippine Collegian.
Mga pambobomba sa Mindoro
Samantala, noong Pebrero, nagkaroon ng serye ng mga pambobomba sa Mindoro na higit na nakapinsala sa mga katutubo sa lugar. Bunga nito, nagkasa ng fact-finding mission ang ilang human rights group upang alamin ang intensyon sa likod ng mga pagpapasabog.
Paniniwala ni Karapatan Secretary General Cristina Palabay sa panayam ng Bulatlat, ang tumitinding militarisasyon sa lugar ay maidurugtong sa yamang mineral na taglay nito—tinawag umanong “Mina de oro” ang Mindoro dahil sa pagkahitik nito sa iba’t ibang mineral resources.
Nito lamang Mayo, inalis ng Korte Suprema ang 25 taon na moratorium sa malawakang pagmimina sa Occidental Mindoro. Naipasa ang nasabing moratorium noong 2002 ngunit pinalawig pa hanggang 2027 noong 2022.
Gayunpaman, binigyang-diin ng ilang politiko sa Mindoro na hindi sila magpapatinag sa nasabing desisyon at pinanindigang walang lugar ang pagmimina sa probinsya.
Pagpapatahimik sa environmental activists
Kaakibat ng mga proyektong nabanggit ang patuloy na pagbabanta sa buhay ng mga tagapangtanggol ng kalikasan sa rehiyon.
Noong Hulyo 2023, matatandaang ilegal na inaresto ng mga elemento ng 85th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Atimonan, Quezon, ang environmental activists na sina Rowena “Owen” Dasig at Miguela “Ella” Peniero.
Ginawa ang nasabing pagdakip nang magsagawa ang dalawa ng field study upang alamin ang maaaring epekto ng mga power plant na planong itayo ng Atimonan One Energy Inc. sa komunidad ng mga mangingisda at magsasaka sa bayan. Dahil dito, kinasuhan ang dalawa ng illegal possession of firearms at explosives at pinaratangang kasapi ng New People’s Army.
Sa gitna ng patuloy na panawagan sa pagpapalaya sa dalawa, naging matunog muli ang pangalan ni Dasig noong nakaraang taon matapos siyang mawala noong mismong araw na nakatakda siyang palayain mula sa Lucena City District Jail.
Bagama’t natagpuan siyang ligtas makalipas ang dalawang buwan, binigyang-diin ng mga progresibong grupo ang kahalagahan ng patuloy na paglaban para sa environmental activists sa bansa.
Ayon sa isang Facebook post ng Free Owen and Ella Network noong Oktubre 2024, hindi pa sa paglitaw ni Dasig natatapos ang laban para sa mga bilanggong pulitikal at desaparecidos. “We must continue our collective struggle to free all political prisoners, protect environmental defenders, and hold those who abuse their power accountable for their actions,” panawagan nila. ■



