Kasama ang ulat nina Franz Llagas, Karylle Payas, Leonard Magadia, Luke Cerdenia, Mervin Delos Reyes, Dianne Barquilla, Chynna Chavez, Juliana Anishka Cassandra, Kim Malaluan, Alexander Abas, Arianne De Torres, Jayvee Mhar Viloria, Europhia Anne, CJ Pine, Angela Eunice Umandap, at Reign Faith Arwen Bas


DAPAT MONG MALAMAN

  • Sa gitna ng deliberasyon para sa ika-42 Student Regent (SR) ng UP System, umusbong ang diskurso hinggil sa isyu ng “abstain” at ang hindi nagkakaisang tindig ng mga konseho ng UP System hinggil dito.
  • Ayon sa UPD College of Home Economics Student Council, hindi nila itinuturing na kanilang first nominee sa pagka-SR ang bagong hirang na si Ron Dexter Clemente dahil sa kanilang magkaibang tindig sa isyung ito.
  • Lumutang din ang ilang mga alegasyon laban kay Clemente na nag-udyok sa UPLB University Student Council na manindigang mananatili ang kanilang pagbabantay sa kauupo lamang na rehente.

Sa naganap na pagpili kay Student Regent (SR) Ron Dexter Clemente mula sa UP Diliman (UPD) noong ika-59 na Convention of the General Assembly of Student Councils (GASC), umusbong ang mga usaping labis na nagpapakita sa kahalagahang makialam ng sangkaestudyantehan sa mga isyung umiinog sa student representation at mga lider-estudyante.

Isa sa mga lumutang na isyu sa kasagsagan ng deliberasyon para sa ika-42 SR sa Electrical Engineering Auditorium, UPLB, ang usapin ukol sa “abstain” sa mga eleksyon para sa mga student council ng pamantasan.

Ito ay matapos maghain ng manipestasyon ang UPD College of Home Economics Student Council (UPD CHE SC) na nagpapahayag ng hindi pag-endorso kay Clemente bilang first nominee sapagkat hindi umano tugma ang kanilang tindig sa ilang mga isyu, partikular na sa “abstain.”

Ilang oras bago ang deliberasyon ng mga konseho, nagtanong ang UPLB College of Development Communication (CDC) SC kay Clemente hinggil sa isyu ng mga nag-a-”abstain” imbes na bumoboto sa mga tumatakbong lider-estudyante. 

Tanong ng UPLB CDC SC, “bilang candidate ng konseho na nabigo rin ng abstain, paano ka nito nahubog bilang lider-estudyante?” Matatandaang sa ginanap na special elections sa UPD noong Oktubre 2024 ay nalamangan ng “abstain” sa pagka-vice chairperson si Clemente.

Tugon ni Clemente, ang “abstain” ay demokratiko ngunit ito raw ay sumusupil sa genuine student representation. Hindi rin umano dapat kinikilala ang “abstain” vote, sapagkat kinakailangan ang mga representante ng sangkaestudyantehan para sa mga usapin sa pamantasan.

Sa nauna namang tanong ng UP Tacloban SC hinggil sa gampanin ng Office of the Student Regent (OSR) sa pag-abante sa genuine student representation ay nanindigan si Clemente na “hindi kailanman dapat itong kunin ng estado mula sa atin at lalong lalo pa ngayon na humaharap tayo sa napakalaking isyu ng Marcos-Duterte at US imperialism.”

Ganito rin ang naging tindig ni UPLB SR nominee Renzo Ivan Puntanar na sinabing ang “abstain” ay hindi dapat ituring na kandidato bilang tugon sa katanungan ng UP Manila (UPM) College of Public Health SC hinggil dito. Samantala, naniniwala naman si UPM SR nominee Alec Xavier Miranda na kinakailangan ng malawakang pagkilatis sa mga panuntunan ng student council elections sa pamantasan.

Hinaing ng UPD CHE SC

Ang naging manipestasyon ng UPD CHE SC ay nag-udyok sa mga konseho upang linawin ang naging deliberasyon ng UPD sa kasagsagan ng pagpili ng susunod na SR noong araw na iyon. Ayon sa Codified Rules of Student Regent Selection (CRSRS), “consensus-building” ang higit na pinaiiral sa systemwide na pagpili ng SR imbes na “division of the house.” 

Nagtaka ang UPD Extension Program in Pampanga and Olongapo SC kung bakit hindi napadaan ang hinaing ng UPD CHE SC sa isinagawang diskusyon ng mga konseho ng UPD habang nagdedeliberasyon ang mga konseho noong GASC.

Tugon ng UPD CHE SC, naganap daw ang caucus ng mga konseho ng UPD bago ang question and answer portion sa GASC, kung saan mas nakilala umano nila ang mga nominado.

Giit naman ng UPD USC, nagkaroon daw ng deliberasyon bago ang GASC kung saan nagkasundo ang mga konseho ng UPD na i-endorso si Clemente. Nagtakda rin daw sila ng panahon upang maghain ng mga hinaing ang kanilang constituents hinggil sa napiling nominado ngunit anila’y walang nagsampa ng protesta rito.

Sa kabila nito, naging malinaw ang paninindigan ng UPD CHE SC hinggil sa isyu ng “abstain” sapagkat mayroon daw kakayahan ang mga botanteng siyasatin ang mga kwalipikasyon ng mga tumatakbo sa konseho.

Dagdag pa ng UPD CHE SC, mayroon daw karapatan ang mga mag-aaral na igiit ang anila’y mas maayos na representasyon kapag nakita nilang walang kakayahan na humawak ng posisyon ang isang kandidato.

Sa kabilang banda, binigyang-diin naman ng mga konseho mula sa ilang constituent units na ang abstain ay hindi dapat ituring na kandidato sapagkat hindi raw maaaring matiyak ang mga rason ng mga estudyante sa likod nito.

Ibinahagi rin ng UP Mindanao USC ang kanilang karanasan sa pagtanggal ng “abstain” sa kanilang halalan na nagbunga umano ng full slate ng mga kandidato sa kanilang konseho.

Sa huli ay muling kinumpirma ng mga konseho ng UPD na dumaan umano sa wastong proseso ang kanilang paghirang kay Clemente bilang SR nominee batay sa CRSRS.

Bagaman sinuhayan ito ng UPD CHE SC, nanindigan sila na nananatili ang kanilang pagtingin sa isyu ng “abstain” kasabay ang pangakong babantayan nila ang SR sa pagtangan ng mga kampanya ng kanilang kolehiyo. Nilinaw rin mismo ng UPD CHE SC sa isang mensahe sa Tanglaw na hindi pa rin si Clemente ang kanilang first nominee.

Pagbabantay sa mga alegasyon

Pagkatapos naman ng isyu sa student representation ay naghain ng katanungan ang UPLB USC kay Clemente hinggil sa mga alegasyon ng bullying at mistreatment sa mga manininda sa UPD.

Pinabulaanan ni Clemente ang mga alegasyong ito na aniya’y “hugot sa hangin” at “walang katotohanan na binabanggit matagal na.”

“Bilang isa sa mga possible na mapili bilang Student Regent, buo pa rin po ang aking katatagan na ihain ang aking sarili sa lahat ng student councils, sa lahat ng mga iskolar ng bayan, kung sakaling may mga ganitong concerns ay handa po tayong humarap sa 60,000 man iyan na estudyante ng UP…,” pagbibigay-diin ni Clemente.

Pagkatapos nito ay napagkasunduan ng mga konseho ng UPLB na wala silang sapat na ebidensya at hurisdiksyon hinggil sa mga nabanggit na paratang.

Kalauna’y pumasa sa lupon ang mosyon upang hirangin si Clemente bilang Student Regent at sina Puntanar at Miranda bilang ikalawa at ikatlong nominado.

Kasunod naman nito ay inirehistro ng UPLB USC ang kanilang paninindigan laban sa anumang uri ng pang-aabuso kasabay ng pangakong pagbabantay kay Clemente bilang SR.

“…Ang UPLB ay magbabantay sa lahat ng developments na mangyayari sa mga alegasyon na naipaabot sa amin. Itaga po ninyo sa Barangay Batong Malake na ang UPLB student councils ang unang unang ra-rally-hin si Dex Clemente sa Opisina ng Student Regent kung mapatunayan na siya ay may pananagutan sa lahat ng alegasyong naibato ngayong gabi,” giit ni UPLB USC Chair Wes Balingit sa ngalan ng lahat ng mga konseho ng UPLB.

Kahalagahan ng student participation 

Matapos ang 16 na oras na tanungan at deliberasyon, pormal nang nagbigay ng mensahe si Clemente bilang bagong-hirang na ika-42 SR sa mga delegado ng GASC.

“Ngayon po, maipapangako natin sa 60,000 plus mga iskolar ng bayan na tuloy-tuloy ang paglilingkod natin sa sangkaestudyantehan. Tuloy-tuloy tayong huhugot ng lakas sa mga iskolar ng bayan upang hindi lamang magsulong ng mga kampanya kundi magtagumpay ng mga ito,” pangako ni Clemente.

Bilang pangwakas naman sa tatlong araw na kumbensyon, nagpaabot din ang noo’y outgoing na SR Francesca Duran ng mensaheng laman-laman ang kaniyang mga napagtanto sa kaniyang termino bilang SR.

“Malinaw ang vision ko bilang rehente na ang lakas ng rehente ng mag-aaral ay nagmumula sa mag-aaral, hindi sa rehente. Walang saysay ang pagiging rehente ng mag-aaral kung hindi ito sumasalig sa lakas ng iskolar ng bayan,” paglalahad ni Duran.

Sa huli, lumabas sa mahabang proseso ng pagpili ng SR, ang nag-iisang representante ng sangkaestudyantehan ng UP System sa UP Board of Regents, na ang bigat ng mga deliberasyon at desisyon na isinagawa ng mga konseho ay tumatagos sa labas ng bulwagan patungo sa mga mag-aaral at sa kanilang responsibilidad na higit na makialam at makisangkot dito. ■

Layunin ng pormang news analysis na gamitin ang kaalaman ng mga Tanglaw reporters upang ipaliwanag ang mga balita sa pamamagitan ng pagbibigay-konteksto, pagpapakahulugan, at obserbasyon.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya