Silakbo


Sa Gaza, ang tunog ng kamera at mikropono ay kadalasang sinusundan ng putok ng baril at dagundong ng bomba. Sa mga lugar kung saan ang bawat pabatid ay maaaring maging huli mong ulat, ang mga mamamahayag ay hindi lamang tagapagsalaysay ng kasaysayan kundi sila mismo ay posteng nakatindig laban sa pagbura ng katotohanan.

Noong ika-10 ng Agosto, isang targeted airstrike ng Israel ang tumama sa media tent sa labas ng Al-Shifa Hospital sa Gaza City. Ayon sa ulat, nasawi ang pitong tao, kabilang na sina Anas al-Sharif, Mohammed Qreiqeh, at mga cameramen na sina Ibrahim Zaher, Mohammed Noufal, at Moamen Aliwa—apat sa kanila ay staff ng Al Jazeera at kabilang din ang ilang freelance media workers.

Para sa mga matagal nang sumusubaybay sa digmaan, pamilyar na ang mukha ni al-Sharif. Sa edad na 28, isa siya sa mga nagbibigay-tinig mula sa Gaza—nag-uulat sa gitna ng pagguho habang suot ang kanyang press vest na madalas nababalot ng alikabok at abo. Sa kanyang X account (dating Twitter), iniwan ni al-Sharif ang isang mahabang mensahe na kanyang hiniling na ipaskil sakaling siya’y mamatay sa gitna ng digmaan. 

“If these words reach you, know that Israel has succeeded in killing me and silencing my voice. First, peace be upon you and Allah’s mercy and blessings,” saad ng isang bahagi nito.

Sa isang pahayag, kinondena ng Al Jazeera Media Network ang pagpaslang bilang isang “premeditated assassination”—isang sadya at hayagang pag-atake laban sa kalayaan ng pamamahayag—at nanawagan para sa pananagutan.

Ayon sa Israeli Defense Forces (IDF), si al-Sharif umano ay lider ng isang yunit ng Hamas na nagbabalak ng pag-atake ngunit wala silang inilabas na konkretong ebidensya sa paratang na ito. Mariing itinanggi ito ng Al Jazeera, pati ng mga grupo gaya ng Committee to Protect Journalists (CPJ) at Reporters Without Borders. Kinondena rin ng United Nations (UN) Special Rapporteurs ang pagpatay sa mga mamamahayag sa Gaza. Nanawagan sila ng imbestigasyon at iginiit na ang naging pag-atake ay malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law.

Malinaw rito na wala nang ligtas na lugar para sa mga mamamahayag sa Gaza; mula Oktubre 2023, ayon sa International Federation of Journalists (IFJ), hindi bababa sa 180 mamamahayag at media worker ang napatay—ang pinakamataas na bilang sa kasaysayan ng modernong digmaan—at ayon sa Geneva Conventions, ang sadyang pag-target sa kanila ay isang war crime.

Hindi lang sa Gaza may ganito

Baka sabihin ng ilan, “Malayo ‘yan sa atin.” Pero kung titignan natin nang mabuti, hindi rin tayo nalalayo sa ganitong usapin.

Noong Abril 2025, sa Kalibo, Aklan, binaril at pinatay si Juan “Johnny” Dayang, 89 anyos, beteranong publisher, at dating mayor. Tatlong bala ang kumitil sa kanyang buhay habang nanonood lang siya ng TV sa sala ng kanyang bahay. Sa loob ng mga dekada, tinindigan niya ang paniniwala na ang pamamahayag ay dapat nagsisilbing bantay laban sa pang-aabuso ng kapangyarihan.

Ngunit hindi natatapos sa mga bala ang banta. Hanggang ngayon, nakakulong si Frenchie Mae Cumpio, isang 24 anyos na mamamahayag mula Tacloban City, na matagal nang aktibo sa pagbabalita tungkol sa karapatang pantao at militarisasyon sa Eastern Visayas. Inaresto siya noong Pebrero 2020 sa kasong may kinalaman sa umano’y illegal possession of firearms at financing terrorism—mga kasong mariing itinanggi niya at tinawag ng Reporters Without Borders na “fabricated case designed to convict.” Sa loob ng higit limang taon sa kulungan, hindi pa rin natatapos ang paglilitis kay Cumpio—malinaw na indikasyon kung paano ginagamit ang legal na sistema bilang sandata upang gipitin at patahimikin ang mga kritikal na tinig.

Ilan lamang ito sa mga kaso na nagpapatunay na mapanganib ang trabaho ng isang peryodista sa bansa. Pero malinaw dito ang mensahe: kahit gaano ka katagal sa industriya, kahit gaano kalaki ang ambag mo sa lipunan, puwede ka pa ring gawing target kung ang mga sinasabi mo ay hindi komportable sa iilan. At mas nakakatakot pa rito, ang ganitong pag-atake ay nagpapadala ng lamig sa likod ng iba pang mamamahayag.

Ang ganitong climate of fear ay isang reyalidad na araw-araw gumigising sa mga mamamahayag ng Gaza. Doon, madalas bomba ang gamit para patahimikin ang midya; dito sa Pinas, karaniwan ay bala, kaso sa korte, pangre-red-tag at pangha-harass. Ang press freedom para sa mga mamamahayag ng Pilipinas at Palestina ay hindi lamang isang prinsipyong ipinaglalaban—ito ay literal na usapin ng buhay at kamatayan. 

Hindi lamang ito laban ng mga Palestinong mamamahayag. Sa bawat peryodistang pinapatay, humihina ang kapasidad ng mundo na makarinig ng mga kwento mula mismo sa mga apektado ng panunupil at okupasyon. Ang pagkawala nina al-Sharif ay hindi lamang personal na trahedya para sa kanyang pamilya at mga kasamahan, isa rin itong kawalan para sa pandaigdigang lipunan na umaasa sa kanyang mga ulat upang maintindihan ang kalagayan sa Gaza.

Kapag walang mamamahayag, mas madali para sa mga makapangyarihan na magdikta kung ano ang totoo. At kapag hinayaan nating mangyari ito sa Gaza, sa Pilipinas, o kahit saan pa, tayo mismo ang nawawalan. Sa ating panahon, kung saan mabilis kumalat ang misinformation at propaganda, higit na kritikal ang presensya ng mga independent journalist sa conflict zones. Ang kanilang mga mata at boses ang nagiging tulay ng katotohanan—tulay na unti-unting ginigiba ng karahasan.

Ang tungkulin ng publiko

Marami sa atin, lalo na sa labas ng Palestina, ang maaaring makaramdam ng kawalan ng magagawa sa harap ng ganitong mga balita. Ngunit, may mga paraan upang tumindig. Sa digital na panahon, ang pagbabahagi ng verified reports, pag-follow at pagsuporta sa credible journalists, at ang pagbibigay-diin sa mga human rights issues sa ating sariling mga komunidad ay mga konkretong hakbang. Kaalinsabay din nito ang pagsali sa mga mobilisasyon at iba pang porma ng pakikibaka laban sa patuloy na henosidyo ng Israel.

Ngayon, nasa atin ang responsibilidad na huwag hayaang mabaon sa ingay ng ibang balita ang nangyayari sa mga matatapang na mamamahayag. Hindi sapat na magbigay lamang ng pakikiramay. Kailangang maging mas malinaw ang ating panawagan para sa hustisya—sa mga korte, sa mga internasyonal na institusyon, at sa opinyong pampubliko. Huwag nating hayaang maging numero lang sa estadistika ang mga mamamahayag na pinaslang. Ang bawat pangalan ay may kwento, at bawat kwento ay may boses na kailangang patuloy na marinig.

Hindi natin mababago mag-isa ang kapalaran ng Gaza, ngunit maaari nating pigilan ang katahimikan na siyang ninanais ng mga pumapatay sa mga mamamahayag. Minsan, ang katahimikan ay kaalyado ng pang-aabuso at ang ingay ng mga mamamayan ay sandata laban dito.

Ayon nga sa isang kasabihan: “You can kill the messenger, but you can’t kill the message.” Sa kaso nina al-Sharif, hindi na ito kasabihan lamang dahil ito ay literal na aral. Pinatahimik man ang kanilang boses, mananatili naman ang kanilang mga salita sa atin.

Sa panahong itinuturing ang katotohanan bilang isa sa mga biktima ng digmaan, tungkulin nating ipagpatuloy ang mga kuwentong ipinaglaban at ikinamatay nila—hindi lamang habang mainit pa ang balita, kundi maging sa mga panahong nililimot na ito ng mundo.

Ang kanyang huling mensahe ay nagsisilbing testamento hindi lamang ng personal na tapang, kundi ng kabuuang halaga ng peryodismo bilang tungkulin sa lipunan. Sa bawat pagtatangkang burahin ang kwento, mas lalong lumalalim ang pangangailangang isalaysay ito. Sa kanyang huling mensahe, malinaw ang panawagan ni al-Sharif: huwag kalimutan ang Gaza, at huwag kalimutan ang kanyang tinig. Ipinagpatuloy niya ang pag-uulat hanggang sa huling sandali, sa kabila ng malinaw na panganib sa kanyang buhay.

Kung binabasa mo ito ngayon, ibig sabihin, hindi tuluyang natahimik si al-Sharif. Ang kanyang tinig ay dumarating sa iyo, sa kabila ng pagtatangkang burahin ito. Nasa iyo na ngayon ang desisyon: pananahimik ba ang magiging sagot mo, o gagamitin mo ang kalayaang mayroon ka para palawakin ang boses na iyon?

Ang pribilehiyo ng distansya ay hindi dapat maging dahilan ng pagwawalang-bahala. Bomba man o bala, harassment man o kaso, hindi kayang patayin ang katotohanan hangga’t may mga taong handang tumindig at magsalita. At gaya ng ipinakita ni al-Sharif, may mga boses na mas pinipiling mamatay sa pag-uulat kaysa mabuhay sa katahimikan.

Sa Gaza man o sa Pilipinas, walang antas ng karahasan ang kayang tumagpas sa katotohanan—basta’t may mga taong kagaya mo na pipiliing marinig at iparinig ito.

Sapagkat ang alaala, sa gitna ng katahimikan, ay isa ring anyo ng paglaban.■

MGA LARAWAN / MARIUS CRISTAN PADER, ALEXANDER ABAS • DISENYO NI CJ PINE


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya