Ano nga bang itsura ng buhay kolehiyo? 

Alas-kwatro na ng madaling araw at naglalakad ako pauwi galing sa apartment ng kaibigan ko matapos ‘kong tumambay nang dalawang araw para mag-aral. Borderline nag-pa-palpitate at nag-pa-panic attack ako bunsod ng matapang na kape’t pagkahumaling sa thesis kong nilalamutak ang maliit kong utak. Ito ‘yung mga araw na gusto kong humipak ng Marlboro Black at umiyak habang pinag-iisipan ang mga desisyon ko sa buhay.

Pangatlong thesis proposal ko na ‘to. Hindi naman ako pumalya sa mga nauna, at sapat naman ang pagkakagawa ko sa mga ito, pero ambisyosang bakla ako’t maraming gustong gawin sa buhay. Noong nag-DEVC 195 ako, tinanggap naman agad ng adviser ko ang inisyal kong proposal—binigyan niya pa nga ako ng mga landas na maaari kong tahakin, pero ako itong mapili’t nagpalit ng paksa. Nang matapos ko ito para sa DEVC 200A, wala namang nakitang problema ang panel ko sa gusto kong tahakin, ngunit may natanaw akong mas maganda pang maaaring gawin bilang makabago ito at wala pang mas’yadong nakapagsasagawa ng pag-aaral. Hulaan niyo kung anong ginawa ko—s’yempre, nagpalit na naman!

Kaya ito ako ngayon—nababaliw, natataranta, nagmamaktol. Madaling araw na, pero gising na gising pa rin ang diwa ko’t hindi matahimik ang isipang nababagabag.

Maglilimang taon na ko sa Devcom ngayong academic year; isa akong batch ’21 na pumasok sa Unibersidad sa kalagitnaan ng pandemya. Marami-rami na rin akong naranasan sa loob ng mga taon ko bilang mag-aaral ng pamantasan—’di ko na mabilang ang dami ng lalaking iniyakan ko, ang mga incomplete na nakumpleto, ang mga nilagok na serbesa, at marami pang iba.

Sigurado ako na ikaw na nagbabasa nito ngayon ay pumasok ng UP na may suot-suot pang rose-colored glasses; lahat ng bagay sa mata mo ay puno ng kulay, at mismong ikaw ay tila nagbabadyang apoy sa liwanag at siglang iyong ipinapakita. 

Panigurado, sa mga mata mo ay ang Devcom ang sagot sa lahat ng sakit ng lipunan—na tila kaya natin pasanin ang lahat ng hinaing ng taumbayan. Well, may point naman, bilang sinusubukan nating iangkla ang ating mga pinag-aaralan at ginagawa sa Devcom sa mga pangangailangan ng mga komunidad na ating pinaglilingkuran. Siguro, ang unang hakbang para dito ay kilatisin ang mga kontradiksyong buhat ng neoliberal na sistemang umiiral sa ating kurikulum na siyang nakabatay sa kahingian ng merkado. 

Gayundin, sa mga darating na panahon, maraming hahamon sa pasensya’t kapasidad mo. Minsan, magugulat ka nalang i-di-dissolve na pala ‘yung DEVC 20 mo, na kahit sabihin pa ng propesor mo na okay lang kahit sa coffee shop nalang kayo magklase, hindi pa rin papayagan ng kolehiyo ito at palilipatin kayo sa kursong tatama sa isa niyo pang in-enlist. Ending, ipapa-drop sa inyo ‘yung tinatamaang kurso upang mas mauna ang majors mo, ta’s ‘yung mga plano mo na manatili lang sa pamantasan sa loob ng apat na taon ay masisira dahil delayed ka na. 

Punto lang naman, beh, ay expect the unexpected. Alam mo naman na ‘to siguro dahil cliché na rin siyang pakinggan, pero hindi lahat ng plano sa buhay ay natutupad—may mga bagay talaga na wala na tayong kontrol at dapat ipagsabahala na lang sa ating numero unong tagasalo ng mga problema sa buhay: si Batman. Nu’ng freshie ako, ang dami-dami kong kuda na kesyo hindi ako magpapa-delay para makumpleto na ang lifelong goal ng mga magulang kong makapagtapos kaming tatlo. O, heto ako, basang-basa sa ulan—maglilimang taon na. Hindi ko naman din kasalanan kung bakit—wala namang may gustong ma-diagnose ng depresyon at panic disorder, at higit sa lahat, hindi ko ginustong magkaroon ng pandemya. 

Sa mga araw na punong-puno ka na’t handa nang sumuko, ang tanging bubuhay sa’yo sa mga araw na nakakulong ka na sa apat na sulok ng dormitoryo mong amoy kulob bunsod ng hindi mo pagligo ay ang mga pangarap mong silang magtutulak sa’yo tungo sa destinasyong matagal mo nang inaasam. Maraming beses na ‘kong pinagtanggol niyan; siguro naman sapat nang pruweba kung gaano ako kapagod at burnt out sa pagsasagawa ng aking thesis. May mga yugto nalang din talaga sa buhay mo na may mga makikilala kang akala mo’y siya na, pero non-committal pala siya’t mahal pa ang kaniyang ex-boyfriend. Rebound ka lang pala’t ginagamit niya para madama ang mga bagay na dating nagpasaya sa kaniya. 

Kaya sa mga araw na nandirito ka sa UP at sa CDC, ang pinakamasasabi ko lang ay ‘wag na ‘wag mong kalilimutan ang mga bagay na nagdala sa’yo rito. Ang mga nais mong ipaglaban, ang mga adbokasiya mo sa buhay, ang mga nais mong matupad, ang mga taong nagtulak sa’yo—’yan ang panlaban mo sa bawat hamon na haharapin mo sa pagsisimula ng buhay mo sa pamantasan. 

Wala naman na tayong ibang panangga. Dahil para sa mga gaya kong nangangarap, ang tanging nagpapabangon lang sa atin tuwing umaga ay ang kagustuhang mabago ang mundong mapang-api. ■

Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya