
Editoryal ng Tanglaw
Ang editoryal na ito ay isinulat ng aming Editorial Board na naglalayong ilahad ang opinyon ng pahayagan sa mga napapanahong isyu.
Hangga’t may mga peryodistang kinukulong at ginigipit dahil sa kanilang serbisyo publiko, ang selebrasyon ng malayang pamamahayag ay mananatiling isang huwad na pagpapanggap ng estado.
Bago pa man maitalaga ang ika-30 ng Agosto bilang National Press Freedom Day, magkakabit na ang mga braso ng masa at ng mga mamamahayag tungo sa iisang adhikain—ang pagtatanggol sa katotohanan at demokrasya. Ngunit, sa kabila ng legal na batayang kumikilala sa kahalagahan ng malayang pamamahayag, nananatili ang reyalidad na wala pang araw sa Pilipinas na tunay itong naging malaya.
Magmula pa noong mga panahon ng pananakop hanggang sa kasalukuyang rehimen, masigasig nang umiiral ang matapang at militanteng kasaysayan ng pamamahayag laban sa mga tanikalang naniniil sa lipunan. Kung babalikan, walang panahon na naging maaliwalas ang langit para sa ating mga peryodista.
Sa pag-usbong ng alternatibong midya, lumitaw ang porma ng pamamahayag na nakasandig sa interes ng mga marhinalisadong sektor. Nabigyang-buhay rin ang mas malawak na pagkilos ng sangkaestudyantehan sa bisa ng radikal na kamulatang nagmumula sa mga pahayagang pangkampus. Hindi lamang namulat ang masa na lumaban sa iba’t ibang tipo ng panggigipit, sumibol din ang kritikal na pakikibaka ng malawak na hanay ng kabataan.
Patunay rito ang naging mabigat na gampanin ng mga makasaysayang pormasyon ng mga mamamahayag, tulad ng College Editors’ Guild of the Philippines, at ang mga mapagpalayang pahayagan, kabilang na ang Philippine Collegian, UPLB Perspective, at iba pang mga pangkampus at alternatibong publikasyong tumangan sa responsibilidad ng pagiging mosquito press noong mga panahong tahasang kinitil ang kalayaan ng mga mamamayan, kagaya ng We Forum, Malaya, at Ang Bayan noong Batas Militar.
Hindi rin estranghero ang kasalukuyang henerasyon ng mga progresibong mamamahayag sa mga porma ng panunupil. Mahaba man ang kasaysayan ng pakikibaka at radikal na pagmumulat, nananatili pa rin ang maraming mga suliranin—sa midya, sa lipunang Pilipino, at sa iba pang bahagi ng daigdig—na may magkahalong bago at lumang mga hubog at taktika.
Mula sa Unibersidad hanggang sa kalakhan ng rehiyon, nananatili ang impunidad habang ginagawang sandata ng estado ang red-tagging at paniniktik laban sa mga progresibong tinig. Sa bisa nito, nagiging target ang mga mag-aaral, guro, at organisasyong nakikibaka at naninindigan. Nitong Agosto lamang, lumitaw muli ang mga ulat na nakatanggap ng intimidasyon ang ilang mga miyembro ng mga progresibong organisasyon sa Timog Katagalugan. Hindi ligtas sa ganitong tipo ng panunupil ang mga militanteng pahayagan.
Samantala, sa halip na palakasin ang kultura ng peryodismo sa pamantasan bilang panangga sa lumalalang pasismo at tagapagtaguyod sa karapatan ng sangkaestudyantehan, mas pinipili rin ng mga nasa poder ng kapangyarihan na kwestyunin ang karapatan ng mga publikasyon. Kamakailan lamang, nakatanggap ng pagbabanta ang Himati mula sa administrasyon ng UP Mindanao dahil sa naging pag-uulat nito sa naganap na breach sa Computerized Student Records System (CSRS). Giit nila sa kanilang pahayag, ang mga pananakot ng legal at administratibong pagpaparusa dahil lamang sa pag-uulat para sa kapakanan ng sangkaestudyantehan ay porma ng paglabag sa malayang pamamahayag.
Garapalan din ang panggigipit sa mga peryodista mula sa iba pang sulok ng daigdig. Noong nakaraan, na-disable ang Instagram account ng Bulatlat matapos nitong mag-ulat hinggil sa tumataas na antas ng Zionism sa isla ng Siargao. Samantala, nananatili rin ang pagpaslang ng mga pwersang militar ng Israel at Estados Unidos sa mga mamamahayag at mamamayan sa Gaza buhat ng nagpapatuloy na henosidyo.
Hindi malayo ang sitwasyon ng Pilipinas sa Palestine. Bilang biktima ng pasismo at imperyalismo, patuloy ang paglabag ng pamahalaan sa International Humanitarian Law sa isla ng Mindoro. Binabalot ng militarisasyon ang mga komunidad, pwersahang pinatatahimik ng estado ang mga mamamayan, sinasarado ang tarangkahan ng mga barangay mula sa mga humanitarian team, at nananaig ang takot sa mga baryo.
Higit sa lahat, nananatili ang isa sa mga simbolo ng panggigipit sa midya sa bansa: ang patuloy na pagkakapiit ni Frenchie Mae Cumpio sa kulungan. Malinaw ang ipinapakita nito: huwad ang hustisya at pahirap ang mga institusyong dapat nagtataguyod nito. Habang ginugunita natin ang araw na ito para sa malayang pamamahayag, kinakailangan nating kwestyunin kung bakit nasa selda pa rin ang isang boses na hangarin lamang ang pagsilbihan ang masa.
Tunay na magkakaiba ang mukha ng mga kasong ito—marahil sa konteksto at sa mga salarin—ngunit iisa ang reyalidad na nananaig: patuloy ang pasismo sa iba’t ibang posisyon ng kapangyarihan, at layon nitong burahin ang katotohanan upang ipagkait sa masa ang karapatan sa radikal na pagkamulat sa bisa ng militanteng pamamahayag.
Ngunit, sa kabila ng mga kaliwa’t kanang pag-atake at pagbabanta, nagpapatuloy ang militanteng tradisyon ng alternatibo at pangkampus na pamamahayag sapagkat ang mga krisis mismo ng lipunan ang nagluluwal sa palabang porma ng peryodismo.
Upang tunggaliin ang mga propagandang nagmumula sa estado, patuloy ang paglalahad ng campus press sa mga kaso ng human rights violation at red-tagging, development aggression, at sistematikong paniniil sa mga batayang sektor. Mula rito, hindi maikakaila ang kapangyarihan ng alternatibong midya bilang kritikal na espasyo sa pagsasapraktika ng makamasang porma ng pamamahayag, gaya ng mga teoryang itinuturo sa komunikasyong pangkaunlaran.
Mula sa mga batayang teorya ng development communication hanggang sa pagsasapraktika ng mga prinsipyo ng alternative media, kung saan parehong nakaangkla ang pamamahayag ng Tanglaw, litaw ang gampanin ng mga pahayagang pangkampus na manatiling mula at para sa masa. Para sa atin, hindi sumasapat ang hayagang pag-uulat ng mga nangyayari sa lipunan—ang pagpupunyagi para sa radikal na kamulatan ng sambayanan sa bisa ng progresibong pamamahayag ang nararapat na hakbang na makapagbabago sa kasalukuyang ayos ng lipunan upang mas makaangkop ito sa mga kahingian ng masa.
Kung babatay sa mahabang kasaysayan ng militanteng pamamahayag, malinaw ngayon ang hamon sa atin ng panahon: kinakailangan nating patuloy na magsulat at mag-ulat sa panig at piling ng masa upang bigyang-daan ang ating kolektibong paglaya sa lahat ng uri ng pananamantala. Ngayong ikaapat na National Press Freedom Day, idiniriin ng Tanglaw na hangga’t nariyan ang panunupil sa mga alagad ng midya at pagkakait sa karapatan ng sambayanan sa katotohanan, mananatili ang mahaba’t mapagpalayang digma para sa ganap na malayang pamamahayag.
Higit kailanman, kinakailangan ng bayan ang pagsibol ng bagong henerasyon ng kabataang mamamahayag—mga indibidwal na may tapang na kumilos at magpakilos, sigasig na lumabas sa tarangkahan ng paaralan at tumungo sa lipunan, at lakas upang maging bahagi ng kasaysayan ng malaya at mapagpalayang pamamahayag.
Sumama sa mga pahayagang pangkampus at alternatibong midya, paramihin ang mga publikasyong nagbibigkis sa sambayanan at sangkaestudyantehan, palawakin ang hanay ng mga progresibong mamamahayag, at sumulong tungo sa hinaharayang kinabukasan. ‘Pagkat tulad ng hayag na pagmamahal sa lipunang dumadaloy sa mga tinig sa lansangan, ang pagsusulat at pag-uulat ay isa ring porma ng pagtindig at paglaban. ■




You must be logged in to post a comment.