Nagpapanibagong-hubog


Walang makapipigil sa kolektibong galit ng sambayanan—sapagkat sa bawat putik at pulang pintang nagmamarka sa mga tarangkahan ng kapangyarihan, sumisibol hindi ang karahasan kundi ang pag-angkin ng katarungan ng bayan. 

Matagal nang nagtitiis ang masa. Mula pa noong panahon ng pananakop hanggang sa pagtatapos ng diktadura at sa mga sumunod na administrasyon, hindi nawawala ang mga sakit ng lipunan na naniniil sa atin—korapsyon, karahasan, panggigipit sa ating mga karapatan, at pagkitil sa ating kalayaan. Gutom na tayo sa pagbabago.

Sa mahabang kasaysayan ng pakikibaka, malinaw ang reyalidad: wala na tayong pagkukulang. Sa pagkakataong ito, ang natatanging kahingian ay ang paggising sa bayan at sa ating mga sarili—hanggang saan ba tayo dadalhin ng digmang bitbit natin? 

Noong mga nakaraang araw, sa kalagitnaan ng mga mapanlinlang na pagdinig sa Senado at pagbahang dulot ng mga bagyo, sa tarangkahan ng kompanya ng mandarambong na mga Discaya at sa tapat ng pasakit na Department of Public Works and Highways (DPWH) dinala ng pakikibaka ang mga mamamayan. Baon ang pulang pintura, malusak na putik, at mga nabubulok na gulay at prutas, ipinagdiin nilang sa gitna ng lahat ng panloloko, sa lansangan na ang karapat-dapat na hukuman. 

Ngunit, imbes na kilalanin ang kanilang kapangyarihan, may iilan pa ring kumwestyon sa kanilang mga ipinaglalaban. 

“Let’s not resort to violence.”  “There’s no mob rule in Manila.“ “Mas maayos kung magiging mapayapa tayo.” Mariin ang pagkadismaya ng masa sa naging pahayag ng mga “makamasa” at “progresibong” lider na pup’wede sana nating tratuhing kaalyado. Mahabang usapin ang tungkol sa uring kinabibilangan nila—kung paanong hindi nila tunay na gagap ang danas ng masa kung kaya’t hindi nila iniintindi ang dahilan sa likod ng mga protesta. Ngunit, sa maikling sabi, sa mga mapanghamak nilang salita, sinasadya man nila o hindi, mas pinaigting lamang nila ang propaganda ng estado na walang naidudulot na mabuti sa lipunan ang pagkilos ng masang anakpawis. 

Kapag mahihirap ang nagpoprotesta o nakikibaka, tinatapatan ito ng red-tagging, tinatawag na kilos ng mga komunista, o ‘di kaya pinalalabnaw ang kahulugan at tinatatakan bilang karahasan. Kapag mayayaman ang kumikitil ng buhay o nagnanakaw sa kaban ng bayan, pinoprotektahan pa ito ng mismong mga pwersang may mandatong pagsilbihan ang publikong pinanggagalingan ng kanilang mga sweldo.

Habang paulit-ulit nilang idinidikta sa atin na kinakailangan nating magtiwala sa mga huwad na institusyong anila’y mga “wastong lugar” para sa ating mga hinaing, itinatanggi nilang ang tunay na lakas ng sambayanan ay dumadaloy hindi sa de-aircon na mga opisina o sa magarbong mga bulwagan kundi sa mga pagawaan, malalawak na sakahan, mauusok na lansangan, at matatayog na kabundukan. 

Anumang pinsala sa mga pader ang naidulot ng pagbabato ng masa ng pintura at putik, higit na malayo pa ito sa pinsalang dulot ng gutom, red-tagging, panggigipit, pandurukot, at extrajudicial killings ng pamahalaan. Walang kasing bayolente ang inhustisya’t karahasang idinadagok ng estado sa atin.

Kung tunay na progresibo sina Vico Sotto, dapat alam nilang wala silang karapatan na tratuhing mababaw ang pinanggagalingan ng mga mamamayan. Sa pagbubukas ng mainit na isyu sa flood control projects, dapat alam nilang sa mga kalsada lamang maaaring dumalusong at sumabog ang galit at pagkadismaya ng masa. At sa mundo ng mas marami pang mga dapat, ang mga hinaing nila ay dapat nakasentro sa pangungundena sa tunay na karahasang pinaiigting ng estado—sapagkat hindi lang sa flood control projects o sa mga Discaya nagtatapos ang korapsyon. 

Maling pananaw ang pagtrato sa mga demonstrasyon bilang karahasan o hamak na pagbali sa batas. Mababaw ang punto ng mga reklamo tungkol sa paraan ng pagpoprotesta ng mga mamamayan, at walang kahit sinumang nasa kapangyarihan ang maaaring magdikta sa tamang porma ng paglaban. Ang dapat na ginagawa ng mga lider na ito, kung tunay silang nakaangkla sa pagiging progresibo, ay ang pag-uugat sa mga rason at kondisyong nagtutulak sa masa na makibaka. 

Ngayong buwan ng Setyembre, sa harap ng malawak na talugimpan, ang sambayanan na mismo ang nagpapaalala sa atin na hindi binibigay ng mga politiko ang ating mga karapatan—kinakailangan itong ipaglaban. Mula sa rebolusyong isinilang nina Andres Bonifacio hanggang sa pagkilos na tumupok sa apoy ng diktadurang Marcos, klaro ang reyalidad na sa hangarin para sa tunay na kalayaan, ‘di kapayapaan bagkus ay radikal na paglaban ang kailangang bitbitin ng mga mamamayan. Hangga’t umiiral ang mga tanikala sa ating lipunan, hinding hindi matatapos ang rebolusyon ng bayan. 

Kung may dapat mang ipagpasalamat sa mga duwag at walang pangil na pahayag ng mga lider na nalilimitahan pa rin ng uring kanilang kinabibilangan, ‘yun ay ang pagpapakitang mabisa ang mga masikhay na pagkilos ng masa nitong mga nakaraan. Natatakot ang mga naghaharing-uri sa ating kapangyarihan. 

Ngayon, nasa mga mamamayan na ang tungkuling angkinin ang ating mga karapatan at basagin ang mga mapanupil na estruktura ng kapangyarihan. Anumang hiling o pagdarasal ang ating gawin, walang hustisyang manggagaling sa kalangitan kung hindi kikilos ang masa upang palayain ang kalupaan. Hindi matatapatan ng kahit anumang bagyo ang pagbahang dulot ng laksa-laksang hanay ng sambayanan na tiyak na dadaloy sa mga lansangan. 

Hindi mabilisan ang pagbabago, at lalong hindi ito espasyong mapupunan ng simpleng mga patutsada sa mga korap na politiko o bulag na pagtitiwala sa mga institusyong matagal na tayong binibigo. Kahingian sa atin, samakatuwid, ang patuloy na pag-oorganisa at pagmomobilisa kakabit ang radikal na pagmumulat. ‘Pagkat upang makamit natin ang ganap na paglaya sa lahat ng uri ng pananamantala, kinakailangang unti-unting itirik ng ating pakikibaka ang tunay na hukuman sa mga kalsada, kung saan masa lamang ang tanging may kapangyarihang humusga. ■

KUHA NI JIAN ZHARESE JOEIS SANZ | BULATLAT


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya