Dave Marcelo
Isa akong batang Caviteño na lumaki at nag-aral sa ilalim ng basic education noong 2010. Kasabayan din ito ng unang pagkakahalal kay ngayo’y Department of the Interior and Local Government Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla bilang pinuno ng pinakamataas na opisina sa probinsya ng Cavite—ang opisina ng gobernador, bagay na kanyang naagaw kay term-limited former Governor Ayong Maliksi. Bilang bata, mahina pa sa akin ang name recall sa apelyidong Remulla, kaya sa isang bagay ko siya pinakanakilala: siya ang aming Gov. Pogi.
Literal na kaiba naman talaga siya kay Maliksi—palibhasa’y mas bata, mas aktibo siya sa social media. At siguro, siya rin ang unang pangalan na inilalagay sa search bar ng Facebook tuwing umuulan: dahil mas madalas sa minsan, e #walangpasok. Para bang tagapagligtas siya tuwing may exam na hindi pa napaghahandaan; samahan mo pa ng kulit at biro, lalo na sa comment section (na madalas ay siya mismo ang sumasagot), e unti-unting nakuha ni Remulla ang puso ng kabataan at kanyang mga taga-suporta, dahilan kung bakit siya naging si Gov Pogi.
Lalo pa itong tumindi nang sila’y magpalitan ng kanyang kapatid na si Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang gobernador noong 2016: naging madalang ang mga class suspension, at kung mayroon man, patay ang anunsyo. Absent ang kinagisnang kwela sa panahon ni Jonvic. Kaya noong 2019, aba’y ganoon na lamang ang excitement nang siya ay makabalik bilang gobernador.
Nagbabalik na naman ang kanyang signature class suspension. At higit sa lahat, dahil hindi na Twitter ang kanyang pangunahing social media platform, mas humaba na rin ang kanyang mga joke. Dumalas din ang kanyang pagtambay sa comment section, at sa puntong ito, nagsimula na rin siyang kumanta. Hindi na lamang siya sa Cavite kilala dahil sa batuhan nila ng biro ni dating Laguna Governor (ngayo’y Laguna 2nd District Representative) Ramil Hernandez—magkasunod kasi palagi na nagsususpinde ng klase ang dalawang probinsya. Ganito rin ang kanilang anunsyo publiko noong kasagsagan ng COVID-19: mga abisong seryoso, pero binalutan ng mga biro.
Ganito ang estado ng risk communication sa probinsya ng Cavite sa loob ng sampung taon. Sa mga panahong nakaupo si Jonvic sa puwesto, kwela ang tagapaghatid ng importanteng impormasyon sa panahong dapat ay seryoso. Minahal siya ng maraming mga Kabitenyo dahil dito, at hindi mo naman sila masisi—noon kasi, nakababawas naman ng init ng ulo ang mga biro. Pero hindi lingid sa mga botanteng ito ang malaking pa-pogi na branding ni Remulla. Pampalakas ng name recall—umuulit dahil gumagana.
Kaya nang siya’y mamaalam sa kanyang opisina sa Trece Martires at lumipat sa Quezon City, hindi na nakagugulat ang kanyang pambungad na “mga abangers” sa kanyang unang class suspension bilang DILG secretary. Bagaman patok ang name recall sa mga Kabitenyo, smokescreen na lamang ito sa opinyon ng karamihan ng mga Pilipino. Dito siya unang nakaranas ng kritisismo, bagay na matagal nang kumukulo ngunit ngayon lang sumisingaw.
Sa kabila ng panahon na ang isang thunderstorm ay kayang talunin ang ulang dulot ng Bagyong Ondoy noong 2009, sapat, kung hindi pa nga kulang, ang kritisismong natanggap ni Remulla sa kanyang mga biro. Hindi ako nagbabalik-tanaw dahil nakaka-miss ang panahon ng pabirong class suspension, kundi dahil iba na ang timpla ng sama ng panahon, salamat sa krisis na hatid ng climate change at palpak na flood control. Imbis na pampatanggal ng init ng ulo, malaking abala na lamang ang kaniyang mga biro.
Isa lang ang sigurado: Gov. Pogi, walang lugar ang komedya sa risk communication.
Highly entropic ang mga sakuna. Sa madaling sabi, walang kaayusan tuwing may sakuna dahil kailangan ng mga tao ng impormasyon upang makagawa ng tamang aksyon. Bilang kayo ang pinakikinggan ng mga lokal na pamahalaan, inaasahan ng sambayanang Pilipino ang direktang impormasyon mula sa inyong opisina. Kayo ang kanilang negentropy, dahil nasa inyong kamay ang magiging porma ng kaayusan: ang pagpapatuloy ng pag-aaral at pagtatrabaho ng mga ordinaryong Pilipino.
Bagaman right call ang karamihan sa inyong mga utos ngayong kayo ay nasa DILG na, ang nangyari noong Lunes, ika-1 ng Setyembre, ay paalala na kahit wala na kayo sa Cavite ay sinusundan pa rin kayo ng “sumpa” na kung kailan kayo magsususpinde ng klase ay saka naman sisilip si Haring Araw. Dahil sangkot na ang paggawa at serbisyo publiko sa inyong suspensyon, talagang hindi na tulad ng dati ang inyong sitwasyon.
Gov. Pogi, iba na po ang panahon. ■
Si Dave Marcelo ay isang mag-aaral ng BS Development Communication at News Production Associate sa DZLB News.
Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.



