Madalas kong iniiwasan ang mga bagay na may matagal na proseso bago makuha. Kahit na gustong-gusto ko ito, hindi ko pipilitin ang sarili ko na mahirapan o maghintay nang ilang araw. Tulad sa paaralan, dapat kong gawin agad-agad ang mga gawain nang makausad ako sa susunod na gawain. Instant mami, kumbaga. Kahit noong sumabak ako sa UPCAT, tila kumarera ako sa pagmamadali kong magsagot dahil sa isip ko: hindi na kailangang mag-dalawang-isip, trust your instinct at i-shade agad.

Sa buong buhay ko, nakakintal na sa akin na kailangan kong makipagsabayan sa mabilis na usad ng mundo. Kaya ganoon na lamang ako magmadali na magkaroon ng pagbabago. Isang hingi, bigay agad, na minsan hindi ko na namamalayang humihiwalay na ako sa reyalidad. Mas kinabahan nga ako nang makapasa ako sa pinapangarap kong unibersidad. Dahil dito sa UP, tingin ko, kailangan ko makipagsabayan sa mga matatalino at mabibilis na estudyante para hindi ako mapag-iwanan. 

Pero, ito ay akala ko lang.

Nakakabit na sa UP ang mga salitang “aktibista,” “protesta,” at “malaya.” Mga salitang kadalasang minamasama ng lipunan dahil marahil wala silang alam sa kung ano ang tunay na ipinaglalaban ng sangkaestudyantehan — ang karapatan at kalayaan ng taumbayan. Natatandaan ko sa unang araw ng paglipat ko rito sa Los Baños, sinalubong ako ng umaalingawngaw na sigaw ng sangkaestudyantehan sa kalsada na litisin si Sara Duterte bunsod ng inihaing impeachment complaint laban sa kanya. Nangilabot ang aking katawan dahil ito ang unang pagkakataong makakita at makaramdam ako ng daan-daang estudyanteng nagpoprotesta. 

Mas naliwanagan pa ako sa kasaysayan at kasalukuyang lagay ng UPLB nang makausap ko ang isa sa mga aktibistang nakikibaka sa isang educational discussion noong freshie fair. Nilahad niya kung paano nagiging instrumento ang paglabas at pagsigaw ng katarungan ng mamamayan para baguhin ang sistema ng lipunan. Kung paano tayo naging malaya mula sa tanikala ng Batas Militar. Sa lakas ng ating pakikibaka, natamasa natin ang libreng edukasyon at naisaboses ang mga panawagan ng iba’t ibang mga sektor ng lipunan. 

Kung tutuusin, tatak na sa pagiging iskolar ang maging aktibo sa mga diskurso hinggil sa mga isyung panlipunan dahil iskolar tayo ng bayan na para sa bayan — lampas sa mga klasrum at pamantasan, dumadaloy ang paglaban natin hanggang sa mga lansangan. 

Ngunit, sa mga nagdaang taon, hindi naging madali para sa kanila ang ipaglaban ang mga panawagan at daing ng masa. Sa kabila ng kalayaan, tambad pa rin ang pagiging agresibo at mapangahas ng kapulisan at mga pwersang militar laban sa mga payapang kilos-protesta. Kasabay na rin dito ang pagbabalewala ng gobyerno sa mga progresibo at pagturing sa kanila bilang mga terorista. 

Dito ko napulot ang makabuluhang aral na ang pagbabago ay hindi nakukuha nang panandalian, hindi instant. Ang mga protestang ginawa sa nagdaang taon ay nagbunga sa mga maliliit ngunit makabuluhang progreso para sa pamantasan at lipunan. Pero, sa paghahangad ng pag-unlad, hindi sapat ang makuntento kung mas may nararapat. Kaya bagaman madalas silang talikuran, hindi nananaig para sa mga lumalaban ang pagsuko. Dahil, nga naman, tulad ko, gusto lang din nila ng pagbabago kaya’t nananatili silang matibay at malakas — kapalit man nito ay kanilang dugo at pawis. Kahit ilang taon pang pagsisikap at paghihirap ang sapitin nila, alang-alang din ang lahat ng ito sa kapakanan ng lipunan at sa hangarin ng masang matamasa ang tunay na kalayaan. 

Gayundin, bilang isang iskolar ng bayan, hindi instant mami ang pangarap. Minsan, kailangan din nating magdahan-dahan sa pag-abot nito. Sa ganitong paraan, namumulat tayo sa reyalidad at nagpapahalagahan ang bawat hakbang kung saan tayo unti-unting natututo. Sa pagbagal natin napapansin ang bawat problemang humahadlang para maabot ang pangarap, rason para magpatuloy na lumaban hindi lamang para sa sarili kundi para rin sa ibang nangangarap. 

Sa buhay, hindi masama ang kumalas sa mabilis na usad ng mundo dahil lahat tayo ay may sari-sariling pagsubok na dapat lampasan. Huwag magpadala sa pangambang mahuli sa buhay. Tahakin mo ang daan sa paraang kaya mo. Ika nga sa kanta ng BINI, “Huwag mag-alala, buhay ay ‘di karera.”

Sa huli, kahit na iba-iba tayo ng paraan para maabot ang ating mga pangarap, naniniwala akong iisa lang naman ang ating layunin — ang pagsilbihan ang bayan, dala ang prinsipyong dangal, husay, at serbisyo. ■

Si Emmanuel Pelobello ay isang mag-aaral mula sa BS Development Communication.

Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya