Editoryal ng Tanglaw

Ang editoryal na ito ay isinulat ng aming Editorial Board na naglalayong ilahad ang opinyon ng pahayagan sa mga napapanahong isyu.


Mula sa upuan ng ating mga silid-aralan, dadalhin natin ang mga aral ng Devcom tungo sa mas malawak pang mga laban.

Habang patuloy ang lantarang panggagarapal at pananamantala ng mga nasa kapangyarihan, muli tayong hinahamon ng panahon bilang mga iskolar ng bayan at mag-aaral ng Devcom na tumungo sa labas ng ating kolehiyo at makiisa sa paniningil at pagpapanagot sa mga puno’t dulo ng ating paghihirap.

Sama-samang bibitbitin bukas ng mga estudyante, guro, manggagawa, at iba pang mga sektor sa Unibersidad ang mga panawagan laban sa harap-harapang korapsyon at iba’t ibang porma ng mga pasakit sa bayan. 

Hindi makatarungang habang dinaranas ng mga iskolar ng bayan ang 2.08 bilyong pisong budget cut—ang pinakamalaking tapyas sa badyet ng ating pamantasan sa loob ng nagdaang dalawang dekada—ay nagpapakasasa ang mga opisyal at kontraktor sa kanilang mga naibulsa mula sa mga palpak na proyektong nagawa pang ipagmalaki ng pangulo sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong 2024.

Hindi lingid sa ating kaalaman na sa gitna ng malawakang pagbaha bunsod ng sunod-sunod na pag-ulan sa mga komunidad na sana’y protektado ng mga flood control project, lumitaw sa mga pagdinig ang nakakikilabot na mga anomalya’t korapsyon sa mga substandard na imprastrukturang instrumento ng panlilinlang ng mga kontraktor upang makakubra ng salapi mula sa buwis ng sambayanang Pilipino. 

Sa mahigit isang trilyong pisong badyet para sa mga proyektong ito, lumalabas na halos 60% pondo sa bawat proyekto ang ninakaw ng mga tiwaling opisyal na nakipagsabwatan sa mga pribadong kontraktor.

Ngunit higit pa ito sa usapin ng flood control, kinakailangan ding managot ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga kontraktor na dawit sa mga isyu ng katiwalian sa ilang mga imprastrukturang pinanatili nilang nakatiwangwang at depektibo sa maraming UP campus. Sa UP Diliman, ang kanilang Student Union Building ay naiulat na may mababang kalidad ng pagpapatayo, habang ang College of Arts and Letters Faculty Center naman ay halos isang dekada nang hindi natatapos ang rekonstruksyon matapos itong masunog noong 2016. 

Dito sa UPLB, manipestasyon ng mga epekto ng korapsyon ang taunang hinaing ng mga mag-aaral sa kulang na slots dahil sa sunod-sunod na budget cuts at kakaunting mga espasyo para sa mga mag-aaral. Ang mga gusaling para sana sa sangkaestudyantehan tulad ng Student Union Building ay hindi na ligtas at matagal nang nabubulok, habang ang iba pang ginagawang gusali—katulad sa ibang pamantasan ng UP kabilang ang Diliman, Manila, at Baguio—ay lumampas na sa inaasahang taon ng kanilang pagtatapos.

Ang isyu ng korapsyon sa imprastruktura ay hindi kailanman nalalayo sa usapin ng moralidad dahil may direkta itong implikasyon sa magiging kalagayan ng lipunan. Ang sablay at minadaling flood control projects sa bansa ay hindi lang nagdadala ng malawakang pagkawasak ng mga komunidad at kapaligiran kundi mas mataas na bilang ng mga nasasawi at nawawalan ng mga kaanak. Kung mananatili namang delikado ang mga pasilidad sa UP, unti-unting mawawala ang mga lugar ng pagkatuto, paglikha, at paglaban ng mga estudyante. 

Ang isyu ring ito ay hindi dapat makulong lamang sa loob ng mga pagdinig sa Senado, sapagkat ito’y isyung multisektoral na dapat ding paalingawngawin sa lansangan, paaralan, at mga komunidad. Ito’y dahil hindi natin maitatangging damay sa usaping ito ang mga mag-aaral na nagsisiksikan bunsod ng kakulangan sa mga silid-aralan, mga guro na humaharap sa labis-labis na teaching load, at mga kawaning kulang sa pasahod. Matagal na ring nagdurusa ang mga batayang sektor lalo na ang mga maralitang tagalungsod at magsasaka sa pinsala ng mga naipangakong flood control project. 

Ang paglustay at kapabayaan sa pondo ng bayan, na dapat sana’y nakalaan para sa pagtitiyak ng mga pangunahing karapatan ng mga Pilipino, ay hindi maitatangging isang porma ng inhustisya. Ang walkout ng UPLB bukas ay higit pa sa pag-alis o pagliban sa mga klase, ito ay matatag na paninindigan kasama ang sambayanang tunay na nakararamdam ng mga epekto ng sistematikong katiwalian. 

Hindi na bago sa mga miyembro ng komunidad ng Devcom ang paglabas sa tarangkahan ng kolehiyo upang manindigan para sa ating mga karapatan. Anim na taon na ang nakalipas, inendorso mismo ni dating CDC Dean Ma. Stella Tirol ang mga aktibidad sa UP Day of Walkout noong ika-20 ng Agosto, 2019, bilang pakikiisa sa malawakang pagkundena sa mga tangkang militarisasyon at intrusyon ng kapulisan noong kasagsagan ng rehimeng Duterte sa buong Unibersidad.

Patunay ito at ang iba pang mga walkout na dinaluhan ng mga mag-aaral ng Devcom noon, na gaya sa laging tinuturo sa atin sa ating mga klase, ang lugar natin ay sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan, sapagkat dito lamang natin tunay na makakamit ang mga adhikain ng ating disiplina.

Subalit, matapos ang pandemya at sa pagbabalik ng mga mag-aaral sa campus, kapansin-pansin ang mapauunlad pang antas ng pakikilahok at pakikisangkot ng mga mag-aaral—mula sa mababang bilang ng mga patakbo sa lokal na konseho hanggang sa halos bilang sa kamay na mga mag-aaral mula sa Devcom na nakikihanay sa mga kilos-protesta sa Carabao Park.

Matinding hamon ngayon sa atin na palawakin ang ating nagkakaisang hanay at ikintal sa ating mga isipan na ang “dynamic, overall growth that fosters equity and the unfolding of individual potential” sa pinakabagong depinisyon ng Devcom ni Nora C. Quebral ay hindi na matatamo pa sa kasalukuyang sistemang umiiral sa ating lipunan. 

Kabaliktad sa cybernetic na pagtingin sa Devcom, patunay ang mga nakalipas na kaganapan na hindi na sapat ang mga simpleng interbensyon upang ibalik sa kaayusan ang sistemang siya mismong nagpapanatili at nagpapalala sa inhustisya, katiwalian, at kasamaang umiiral sa lipunan. 

Bagkus, kinakailangan nito ng pundamental na pagbabago na maaari nating simulan sa ating mga sarili sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kritikal na pagtingin sa mga isyu at pagturol sa mga tunay na ugat nito—mga bagay na maaari nating matamo hindi sa loob ng kahingian ng ating pormal na kurikulum kundi sa labas nito, kasama ang sambayanan at masang aping babaha sa lansangan at igigiit ang walang kapatawarang paniningil.

Kaya naman, mga mag-aaral ng Devcom, sumama sa walkout at sa mga magaganap at uusbong pang pagkilos bunsod ng ating kolektibong pagkamulat. Gamitin ang ating mga natutunan sa Devcom sa pakikiiisa sa malawak na hanay ng mga mag-aaral, guro, at manggagawa sa pagbalikwas sa sistemang ilang dekada ng nagpapahirap sa atin tungo sa ating ganap na paglaya.

Dahil sa bawat hakbang natin sa gaganaping walkout bukas, isusulat natin ang kasaysayan. Sa bawat sigaw at paniningil, bubuuin natin ang isang mapagpalayang hinaharap. At sa bawat plakard at papel na ating bibitbitin, ipamamalas natin na ang Devcom ay hindi lamang isang teorya—ito’y isang pagkilos at pakikibaka. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya