DAPAT MONG MALAMAN
- Nagsagawa ng candle-lighting ceremony ang mga mag-aaral at guro ng Devcom bilang paggunita sa malagim na sinapit ng mga Pilipino sa ilalim ng Batas Militar.
- Panawagan ng mga taga-CDC: ipagpatuloy ang kampanya para sa malayang pamamahayag.
Nagliwanag ang Nora C. Quebral Hall steps kahapon, ika-19 ng Setyembre, matapos sindihan ng mga mag-aaral at guro ng Devcom ang mga kandilang alay para sa mga biktima ng Batas Militar kasabay ng panawagang patuloy na isulong ang malayang pamamahayag—bagay na ipinagkait sa ilalim ng diktaduryang Marcos.
Bahagi ang candle-lighting ceremony na ito ng taunang komemorasyon sa deklarasyon ng Batas Militar sa Pilipinas noong ika-21 ng Setyembre, 1972, kung saan maraming Pilipino ang inabuso at ipinasara ang kalakhan ng midya sa bansa.
Sa mensahe ni CDC Student Council Chair Andrea Jariel, ipinaalala niya ang tungkulin ng mga mag-aaral ng Devcom na magbigay liwanag at lakas sa pamamagitan ng paghahatid ng impormasyon.

Kuha ni Lance Armand Estacio
“Higit pa sa paggunita ng nakaraan, ang araw na ito ay isang tawag sa pagkilos. Isang tawag na magkaisa sa harap ng anumang uri ng kawalan ng katarungan at ipagpatuloy ang laban para sa demokrasya, karapatang pantao, at katotohanan,” ani Jariel.
Binigyang-diin niya kung paanong siniil ni Ferdinand Marcos Sr. ang karapatan at kalayaan ng mga mamamayang magpahayag sa ilalim ng Batas Militar.
“Sa panahong iyon, ang katotohanan ay iniligaw. Ang mga tinig ng pagtutol ay pinatahimik at ang mga pangunahing kalayaan ng mga tao ay kinuha… Ang mga mamamahayag ay pinagmumultahan at pinagpapapatay… Ang mga naglakas-loob na magsalita ng katotohanan ay hinarap ang hindi mabilang na sakripisyo,” giit ni Jariel.
Bagaman matagal nang nagwakas ang diktaduryang Marcos sa bansa, inihayag ni Guien Garma, guro ng Devcom at mamamahayag ng Radyo DZLB, na nagpapatuloy pa rin sa kasalukuyan ang panunupil sa mga miyembro ng midya.

Kuha ni Jian Abordo, Tanglaw Apprentice
“Hanggang ngayon, ramdam natin ang remnants ng pananakot sa mga mamamahayag at sa midya at sa pagpigil sa ating mga gampanin… Dito na nga lang sa Los Baños, nangahas ang mga taga-Department of Public Works and Highways na huwag ipagpatuloy ang pulong kasama ang mga maaapektuhan ng road widening projects kesehodang may UPLB Perspective at kesehodang may Radyo DZLB doon,” wika ni Garma.
Nanawagan siyang huwag kalimutan ang mga “dugong dumanak” at mga “tintang tinapon” upang mapatahimik ang mga mamamahayag sa panahon ng diktadura. “Lagi po nating isaalang-alang mga kasama na pangalagaan ang mga karapatang natatamasa natin, mga karapatang ipinaglaban nila.”
Kasama rin sa hanay ng mga nagsalita at nag-alay ng kandila ang mga organisasyon sa CDC—UP Alliance of Development Communication Students, UP Community Broadcasters’ Society, at UPLB Development Communicators’ Society. Nakibahagi rin ang Tanglaw sa seremonya.

Kuha ni Jian Abordo, Tanglaw Apprentice
“Bilang isang radikal na tipo ng midya, pangako naming sasama ang Tanglaw sa baha sa Luneta. Sasama kami sa mga sisibol pang pagkilos. Sasama kami at mag-uulat kami sa pwersang magbabago sa kasalukuyang kaayusan tungo sa ganap na tagumpay at kalayaan,” pahayag ni Luke Cerdenia, Managing Editor ng pahayagan.

Kuha ni Lance Armand Estacio
Matapos sindihan ang mga kandila, nag-alay ng panalangin ang mga taga-Devcom para sa mga biktima ng Batas Militar. Naghandog din ng awitin ang Umalohokan, Inc. sa pagtatapos ng programa. ■




You must be logged in to post a comment.