Dave Marcelo


Nang ikasa ang malawakang walkout sa UP Diliman at UP Manila noong nakaraang Biyernes, ika-12 ng Setyembre, iisa ang bulungan sa aming mga journo: sa Los Baños, ang temano, susunod na tayo. Kaya bago pa ikasa ng UP Action Los Baños ang university-wide walkout sa kasunod na Biyernes, ika-19 ng Setyembre, naghahanda na kami sa aming newsroom.

Tatlong araw bago ang naturang walkout ay saka pa lamang nabuo sa amin ang detalye: na magkakaroon muna ng decentralized walkouts sa bawat kolehiyo sa UPLB bago magsalubungan sa harap ng Hagdan ng Malayang Kaisipan o HUM Steps. Na i-e-endorso ni Chancellor Camacho ang protesta (na susundan ng mga dekano ng bawat kolehiyo, pati ng ilang mga opisina sa campus). Na ang paniningil ng hustisya sa pamantasan na tangan ang mahabang kasaysayan ng pagbalikwas sa pamamasismo at lantarang korapsyon sa lipunan ay muling kikilos upang panagutin ang sistemang bumubuhay sa kanser ng bayan.

Bilang brodkaster na nais din makiisa sa pagkilos, ang unang binulong ko sa aking Executive Producer: “Ginoow, pwidi ba nating gamitin ang radyo sa live?”

Hindi na bago sa akin ang pag-co-cover sa mga malalaking event sa UPLB: mula Paskong UPLB hanggang Feb Fair, t’yak panigurado, sa dami ng tao ay hindi kakayanin na gamitin ang mobile data para maka-konek sa news desk via Zoom. T’yak panigurado, wala na namang signal.

Hindi rin naman bago ang gawi na ito: bago pa man maging uso ang mga makabagong uri ng phone patch sa broadcasting gamit ang cell phone (na kinalaunan ay naging via voice over IP tulad ng Viber), eh talagang walkie-talkie naman ang pambato ng mga field reporter. Kuwento nga rin ni Sir Guien, ganito rin ang game plan ng mga network tuwing sasabak sa coverage ng Traslacion ng Itim na Poong Nazareno sa Maynila. Hindi nga kami nagkamali. Napatunayan ito nang dumating na ang mismong araw ng walkout—’yung kabilang live team na nakaposisyon sa harap ng NCQ Hall, kung saan wala na ngang tao, ay nahirapan pa ring kumonekta sa Zoom. Kami namang mga nagbabantay sa HUM Steps, talagang nakaasa na lang sa dala naming walkie-talkie, kahit sa komunikasyong amin-amin lang. Paano ka nga naman kasi makakakuha ng signal kung halos 7000 indibidwal, ayon sa UP Action Los Baños, ang nag-aagawan na makakonekta sa mobile network na mayroon sa campus?

​​Pero patunay ang isyung teknikal na ito sa diwang makabayan at rebolusyonaryong tinig na nagmula sa mga Iskolar ng Bayan na lumabas at nakisama sa pagtutol laban sa sistemang sanhi ng korapsyon at sa sanga-sangang paglulustay sa kaban ng bayan na sana’y napupunta sa sektor ng edukasyon at mga manggagawa.

Buhay pa rin ang pag-oorganisa, dahil hindi lamang mga estudyante, guro, at kawani ng Unibersidad ang tinig na narinig sa programa, kundi pati na rin ang mga miyembro ng komunidad na kinabibilangan nito, tulad na lamang ng pagpapaabot ng Association of Lopez Avenue Stakeholders ng kanilang duda sa ikinakasang drainage improvement plan sa kahabaan ng Lopez Avenue—bagay na kanilang binaká nang tanggihan sila ng DPWH na magkaroon ng coordination meeting na may presensya ng midya.

At higit sa lahat, nabatid ko na sa kapal pa lang ng hanay natin kahapon—6952 na pinagbigkis na tinig ng mga galit—may tiwala ako na hindi lang signal ang mapapabagsak natin.

Sa panahong moderno na ang phone patch, at puwedeng-puwede nang magpadala ng video feed gamit ang smartphone at Zoom, hindi na basta-bastang inilalabas ang mga walkie-talkie. Pero sa harap ng laksa-laksang tinig na pinagbibigkis ng multisektoral na galit, sandalan naming mga brodkaster ang walkie-talkie na sinubok na ng panahon. ■

Si Dave Marcelo ay isang mag-aaral ng BS Development Communication at News Production Associate sa DZLB News.

Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya