DAPAT MONG MALAMAN

  • Dinagsa ng sangkaestudyantehan mula sa iba’t ibang kolehiyo, kaguruan, at mga unyon ng manggagawa ang university-wide multisectoral walkout noong Biyernes.
  • Sentro sa pagkilos ang pagkundena sa malawakang korapsyon sa pamahalaan at paggunita sa ika-53 anibersaryo ng malagim na deklarasyon ng Batas Militar sa bansa.

Nakakapanindig-balahibo kung paano pinuno ng sangkaestudyantehan, kaguruan, mga manggagawa, at iba pang mga progresibong grupo ang kabuuan ng Oblation Park sa ginanap na Black Friday Protest at university-wide multisectoral walkout noong ika-19 ng Setyembre.

Bukod kasi sa natapat ito sa araw ng Biyernes, kung saan maraming estudyante ang nagsisiuwian sa kani-kanilang mga probinsya, hindi inasahan ng ilan ang dami ng nakilahok, gaya na lamang ng alumnus mula Devcom na si Rich De Guzman na nakahanay malapit sa Humanities Steps sa College of Arts and Sciences (CAS).

Before [kasi], actually yung mga walkouts namin is around 800 to parang pinaka-max na namin ‘yung 1,500, so hindi siya gaano kadami dati,” kwento niya. “First time ko ‘to na ganito kalaki ‘yung scale so sobrang mangha ako ngayon… na sobrang dami ang pumunta sa ating walkout laban sa korapsyon.”

Sa tala ng UPLB University Student Council (USC), umabot sa hindi bababa sa 7,000 tao ang magkakasamang nakibaka sa nasabing kilos-protesta. Una itong nagsimula sa mga desentralisadong mobilisasyon sa bawat kolehiyo bandang 10 a.m., kabilang na ang nasa tapat ng College of Development Communication (CDC) na dinaluhan ng mga guro, kabilang na si Assistant Professor Jyasmin Calub-Bautista.

Kwento ni Calub-Bautista, kinansela niya ang kanyang mga klase at pinadalo na lamang ang kanyang mga estudyante sa walkout. Ito kasing mga ganitong uri ng protesta at bilang ng mga nakilalahok, aniya, ay isang “indikasyon” kung gaano na kalala ang korapsyon sa bansa na hindi na ito mapalalampas ng sambayanan.

“Nakikita natin kung paano naghihirap hindi lang ang mga iskolar [ng bayan] kundi ‘yung mga taumbayan mismo na kulang na lang ay mamalimos para sa matinong serbisyo na karapatan naman nating lahat,” aniya.

Kuha ni Jayvee Mhar Viloria

Nagpaabot din ng mensahe si Calub-Bautista tungkol sa mga mayroon pang pag-aalinlangan sa pagsama sa mga ganitong uri ng pagkilos. 

“Ito kasi ‘yung panahon na kailangan sila ng bayan. Kahit na sabihin na isa lang sila, isang boses, parang… kung susumahin mo sa laki ng problema ng bayan, isang patak lang sila. Pero, mahalaga kasi na tumayo tayo lahat, makisama sa pagpaparating nga ng ating pananaw [and] at the same time, bilang guro, nakikita ko na magandang opportunity ito for the students na matuto sa mga isyu ng bayan beyond doon sa mga itinuturo sa classroom,” saad niya.

‘Ayan na ang sambayanan’

Pagdating ng 11 a.m., isa-isa nang nagmartsa ang mga delegasyon mula sa bawat kolehiyo upang magtipon-tipon. Magkakasama mula sa Palma Bridge ang mga galing mula sa College of Agriculture and Food Science (CAFS), College of Engineering and Agro-industrial Technology (CEAT), at College of Forestry and Natural Resources (CFNR). 

Sa Institute of Biological Sciences naman ay magkakasama ang mga delegasyon ng College of Veterinary Medicine (CVM), College of Economics and Management (CEM), at ilan pa mula sa CAFS. Nanggaling naman sa Physical Sciences Building ang mga dumalo mula sa CAS at, panghuli, ang CDC, College of Human Ecology (CHE), at ang iba’t ibang mga unyon ng manggagawa naman ay tumungo sa tapat ng CAS Annex 2 Building. 

Dahil dito, umingay ang mga kalsada sa kampus dahil sa alingawngaw ng mga panawagan. Dinig sa kanilang mga boses ang panghahamig upang lalo pang manghikayat sa mga nakaririnig na sumama.

Kasama sa mga naghintay sa pagsalubong na ito si Dennis Aguinaldo, assistant professor mula sa CAS, na kasa-kasama rin ang kanyang pamilya, kabilang na ang kanyang dalawang maliliit na mga anak.

Ani Aguinaldo, nais kasi niyang makita ng mga ito ang konteksto ng mga pangyayari sa lipunan at maintindihan na hindi lamang sila ang mayroong sama ng loob kundi maging ang buong bansa. 

“Nagtatanong sila kung ano ‘yung nangyayari. Habang nanonood kami ng mga coverage, nararamdaman nila nag-shi-shift ‘yung emotion namin—bumibigat ‘yung loob,” salaysay niya.  “So, gusto kong mas makita nila para mas makapagtanong pa sila para maunawaan din nila para [kapag] later on [na] gagawa [na] sila ng mga decisions.”

Kalaunan, sumentro na ang martsa na pinuno ang kahabaan ng mga kalsada mula sa magkabilang tapat ng CHE at CAS Annex 2 hanggang sa harap ng UPLB Academic Heritage Monument o mas kilala bilang “Kwek-kwek Tower,” bago ito nag-ipon-ipon muli sa harapan ng Humanities Building.

Pagkundena sa budget cut at mga kurakot

Unti-unti mang bumuhos ang ulan sa kalagitnaan ng kaganapan, hindi nito pinigil ang pagpapadaloy ng programang pinatambol ang mga mensahe mula sa iba’t ibang sektor, kabilang na ang pagkundena sa budget cut sa Unibersidad.

Ngayong taon kasi, umabot sa PHP 2.08 bilyon ang ibinaba ng pondo ng UP System, ang maituturing na pinakamalaking tapyas sa loob ng dalawang dekada. Kaya naman, malinaw rin ang pagkaemosyonal ni Josel Esbate, tagapagsalita mula sa All UP Workers Union, nang kundenahin niya ang mga mali-maling paratang at panggigipit sa kanilang mga kawani ng Philippine General Hospital (PGH).

Imagine, kami sa PGH, nurses pa lang [ay] kulang kami ng halos 300. Pero sabi ng DBM [Department of Budget and Management], batay daw sa staffing standard ng Department of Health, kami daw ay may sobrang mahigit 400 Nurse 1… anong klaseng katarantaduhan ‘yun?” aniya. “Tayo, direkta tayong nagbibigay-serbisyo sa ating mamamayan, ginagawa nating araw ang gabi. Bakit mismong gobyerno natin niloloko tayo?”  

Kinundena rin sa programa ang katiwalian at pagdispalko ng kaban ng bayan sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, kabilang na ang isyu ng flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Vice Chancellor for Student Affairs Janette Malata-Silva na kinakailangang panagutin ang mga sakim na namamalagi sa gobyerno. Nagpahayag din siya ng pakikiisa sa pagtindig kasama ang sangkaestudyantehan at iba pang mga progresibong grupong kontra korapsyon. 

“Ang ating pagkilos ngayon ay malinaw na indikasyon na hindi tayo papayag na ang kinabukasan ng kabataan [at] ng bayan ay patuloy na nanakawan ng mga ganid sa kapangyarihan,” saad niya. “Ipakita natin ang sama-samang lakas [at] panagutin ang mga may sala sa sistematikong korapsyon… kasama niyo ang OVSCA sa panawagang labanan ang kasakiman, labanan ang korapsyon para sa edukasyon, para sa kabataan, para sa bayan.”

Tuloy-tuloy ang laban

Bahagi rin ng programa ang komemorasyon ng ika-53 taon na deklarasyon ng Batas Militar sa bansa, ang itinuturing na isa sa pinakamalagim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas pagdating sa paglabag sa mga karapatang pantao. 

Kuha ni Neil Gabrielle Calanog

Sa mga naging pagtatanghal ng Umalohokan, Inc., Harmonya UPLB, mga artista mula sa Isko’t Iska 2025, at iba pang mga kultural na grupo, sentro ang pag-alala sa mga naging martir ng nasabing trahedya at pagpapanagot sa nakaupo ngayong si Ferdinand Marcos, Jr.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Atty. Filemon Nolasco, ang kauna-unahang UPLB USC Chair, ang mga dumalo na ipagpatuloy ang kasaysayan ng Unibersidad kung saan nagpuyos ang apoy upang labanan ang diktadura.

“Nananawagang muli ang panahon, na ating harapin at bakahin ang bagong salot ng lipunan, mga mandarambong na kakaiba na walang kasing sibasib, mga kawatan na kakaibang uri na walang kasing sugapa, mga bagong anyo ng magnanakaw na walang kasing swapang at walang hiya, na lumilimas hindi lamang sa milyon-milyong, hindi lamang sa bilyon-bilyong, kundi sa trilyong piso na kaban ng bayan.”

Dahil dito, lumutang ang mensaheng patuloy na titindig at bibitbitin ng komunidad ng UPLB, kasama ang mga lider-estudyante, mag-aaral, kaguruan, at iba pang mga progresibong grupo, ang mga panawagan ng Timog Katagalugan sa mga pagkilos kontra korapsyon, gaya na lamang sa Luneta at Mendiola nitong Linggo, Setyembre 21.

Pagdidiin ni Ivan Combate, CDC Representative to the USC, pagod na ang sambayanan sa mga bulok na pangako, kakarampot na badyet sa mga batayang serbisyo, at pamamasista ng estado. Kaya naman, aniya, kinakailangang makiisa at gamitin ang lakas ng masa upang patambulin ang mga labang ito.

“Huwag tayong matatakot—walang mali sa paniningil. Walang mali sa pakikibaka sapagkat lahat ng porma ng paglaban, mula sa pakikisama sa hanay hanggang pagtangan sa pinakamataas na porma nito, ay habang buhay na magiging makatarungan sa harap ng estadong bulok, sakim, at pasista. Ang mali at ang tunay na kasalanan ay ang pananatiling tahimik at walang ginagawa,” paalala ni Combate. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya