DAPAT MONG MALAMAN
- Nagkagulo sa Mendiola matapos bombahin ng kapulisan ang mga raliyista gamit ang tear gas, flashbang, at water cannon sa gitna ng kilos-protesta kontra korapsyon.
- Sa kabila ng pagtanggi ni Remulla na naging agresibo ang kapulisan, pitong estudyante ng UPLB ang tinamaan ng tear gas; isang estudyante mula sa UP Diliman ang inaresto at binugbog.
- Sa tala, 216 ang marahas na inaresto, 91 rito ay kabataan at mga menor de edad.
- Nanawagan ang BAYAN at mga organisasyon ng kabataan ng hustisya at pagpapanagot sa brutal na tugon ng kapulisan.
Sumiklab ang kaguluhan sa dapat sana’y payapang kilos-protesta sa Mendiola matapos bombahin ng water cannon, flashbang, at tear gas ng kapulisan ang mga raliyistang tahasang tumutuligsa laban sa sistematikong korapsyon sa gobyerno sa kasagsagan ng ika-53 komemorasyon ng Batas Militar noong Linggo, ika-21 ng Setyembre.
Nagmula pa sa Luneta Park ang mga nagkilos-protesta nang dinatnan nila ang mga barikada, barbed wire, at laksa-laksang kapulisan na nakaharang sa harap ng Mendiola Peace Arch hapon noong araw na iyon. Ito ang naging dahilan kung bakit naantala ang kilos-protestang dapat sana’y itutuloy hanggang sa Mendiola Street.
Kadugsong ng Mendiola Street ang Jose Laurel Street na siyang daan patungong Malacañang. Matapos ang maiksing programang isinagawa, nagsigawan ang mga tao matapos maghagis ng mga bote ang ilang nagpoprotesta sa direksyon ng barikada.
Pagpapakawala naman ng mga flashbang, tear gas, at water cannon ang iginanti ng kapulisan na nakaapekto sa kalakhan ng mga kasama sa kilos-protesta. Bagaman umatras na ang karamihan sa mga kalahok sa hanay matapos ang naging marahas na pagtugon ng kapulisan, isang grupo ng mga nakaitim at nakamaskarang indibidwal—hawak ang isang itim na bandila ng “Straw Hat Pirates” mula sa anime na One Piece, na katulad din ng nakita sa mga pagkilos sa Indonesia at Nepal—ang piniling manatili sa harap ng mga pulis.
Sa gitna ng pambobomba ng malakas na tubig at paghahagis ng mga flashbang at tear gas, naghagis ng mga bato, bote, at iba pang mabibigat na bagay ang nasabing mga indibidwal.
Tahasang pagsisinungaling ng estado
Sa kabila nito, taliwas sa karanasan ng mga kabilang sa protesta, tahasang iginiit ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na wala kahit isa sa mga nagprotesta ang “seryosong” nasaktan at namatay. Binigyang diin din niya na hindi nagpakawala ng tear gas ang kapulisan.
“I would like to commend the PNP for their performance yesterday. They acted according to law. They acted according to instruction,” pahayag niya sa isang panayam.
Habang mariing itinatanggi ang karahasang ito, pitong mga mag-aaral ng UPLB ang tinamaan ng mga pinakawalang tear gas at water cannon ng kapulisan sa gitna ng komosyon, ayon sa ulat na inilabas ng UPLB University Student Council (USC). Kabilang sa mga naapektuhang mag-aaral ay mga miyembro ng midyang nakapronta upang iulat ang mga nangyayari sa pagkilos.
“Mariing kinokondena ng UPLB USC ang kawalang-hiyaan ng PNP [Philippine National Police] Maynila na sa halip na protektahan ang mamamayan ay nagsisilbi at nagtatanggol lamang sa interes ng mga makapangyarihang elitista,” pahayag ng konseho sa isang Facebook post.
Kaugnay nito, bagaman nilinaw ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), isa sa mga organisador ng protesta, na hindi kasapi ng kanilang grupo ang mga sangkot sa nangyaring kaguluhan, nagpahayag sila ng matinding pagkadismaya sa “marahas na pagtugon” ng kapulisan sa nangyaring komprontasyon. Kabilang dito ang agresibong pang-aaresto sa mga indibidwal.
“BAYAN deplores the violent response of the police in handling the young protesters in Mendiola. In some videos circulating on social media, the police were aggressively arresting and dispersing young protesters,” giit ng alyansa.
Mariin ding iginiit ni BAYAN Secretary-General Renato Reyes na hindi dapat ipagsawalang-bahala ng pamahalaan ang galit ng mga tao, kabilang na ang mga indibidwal na sangkot sa nangyaring riot.
“They could be provocateurs or they could just be really angry at what is happening. At the end of this day, the government cannot ignore the problem of corruption and give so-so responses. Kumukulo ang galit ng tao. Huwag maliitin ng gobyerno,” pahayag niya sa isang Facebook post.
Pagpapatuloy ng kaguluhan
Nagpatuloy ang kaguluhan sa pagitan ng mga nakaitim na indibidwal at mga pulis paatras sa kahabaan ng Recto Avenue, kung saan nagmamadali ring umatras ang iba’t ibang delegasyong nakahanay sa pagkilos matapos marinig ang malakas na tunog ng pagsabog.
Sama-sama namang gumilid sa bungad ng Loyola Street katabi ng Recto Avenue ang kalakhan ng mga kasama sa delegasyon ng youth sector ng Timog Katagalugan, kabilang ang mga mag-aaral ng UPLB na nagprotesta.
Mula sa likod ng mga kotseng nakaparada sa gilid ng kalsada, tanaw ng kabataan kung paanong binabasag ng ilang miyembro ng mga grupong naka-itim ang mga salamin at bote sa gitna ng kalsada gamit ang malalaking batong nagliliparan sa ere. Mabilis din silang hinabol ng mga pulis at pinaghahampas ng bakal na pamalo bago pagtulungang kaladkarin at arestuhin.
Pag-aresto sa isang mag-aaral ng UP
Ayon sa tala ng Manila Police District (MPD), umabot sa 216 ang bilang ng mga inaresto, kabilang dito ang 91 menor de edad. Idinagdag pa ng isang human rights lawyer mula sa Karapatan na isang siyam na taong gulang na batang lalaki ang pinakabatang hinuli.
Kasama sa mga naaresto ang isang mag-aaral ng UP Diliman (UPD) na si Mattheo Wovi Villanueva na nagsilbi lamang na security marshal ng delegasyon ng kaniyang kolehiyo at paralegal ng isang media personnel sa kasagsagan ng pagkilos.
Ayon sa pahayag ng UPD USC, nagpapahinga lamang si Villanueva nang siya ay dakipin at pagtulungang bugbugin ng mga pulis.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni UPD USC Chair Joaquin Buenaflor sa isang protestang ikinasa sa harap ng tanggapan ng MPD na hindi makatarungan ang marahas na pag-aresto kay Villanueva. Dagdag pa rito ang tahasang pagpigil sa mga pamilya, legal team, at mga medic na makapasok sa MPD noong Linggo.
Nagpatuloy ang kaguluhan sa Maynila hanggang gabi noong araw na iyon, kung saan nagtalaga ng 10 p.m. curfew si Manila City Mayor Isko Moreno sa buong siyudad.
Hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang pagpapanawagan ng mga pamilya at progresibong grupo na pakawalan ang mga naaresto at panagutin ang naging tugon ng kapulisan sa nangyaring pagkilos. ■



