Nagpapanibagong-hubog
Ilang araw pa lang ang nakalipas mula noong mapait na karanasan sa Mendiola. Sa totoo lang, pinoproseso ko pa rin ‘yung mga nasaksihan ko noong araw na ‘yon.
Marahil pagod din ako dahil sa mahabang martsa mula Luneta hanggang Recto at sa pabago-bagong panahon, at may bahagi sa aking gusto na lang talagang umuwi sa Los Baños. Kung kaya’t aaminin ko, isa ako sa mga unang nag-isip na nanggugulo lang ang mga anarkistang biglang dumating sa katatapos na pagkilos.
Ang unang pumasok sa isip ko habang nagtatago kami ng youth sector ng rehiyon sa gilid ng mga sasakyan, “Wala sa wastong linya ‘yang mga anarkistang ‘yan. Magagamit na naman sila bilang black propaganda sa kilusan.”
Matapos kong mabasa ang mga pananaw ng iba, mula sa mga estranghero man o kakilala, ang dami kong napagtanto. Marami pa palang tendensiya sa utak ko na unti-unti ko pa ring binabaka. Tanong pa nga sa isang piyesa sa Kodao, “Must we curate the outrage?” Inaamin kong hindi ko sila kaagad naintindihan, pinagdudahan ko rin sila.
Ngunit, sa ilang araw kong pagmumuni-muni, palagay ko, nakapagpaunlad din ako ng isipan.
May pribilehiyo tayo. Habang inaaral natin ang mga isyung panlipunan, sa GE courses man o sa majors, araw-araw itong isinasabuhay ng mga maralitang masa. May porma ng karahasang madaling kundenahin ng mga liberal o naghaharing-uri, ‘yung porma ng karahasang madaling makita. Ngunit may porma rin ng karahasang tinatanggap na lang natin, ’yung porma ng karahasang nagpapakita sa mga pamilyang naghihikahos o sa kabataang pwersahang nagtatrabaho upang panandaliang makatakas sa gutom.
Sa laban para sa katarungan, kasama natin ang kabataang nagpakita ng matinding galit noong araw na ‘yon. Biktima sila ng sistemang binabaka natin. ‘Di pa man malinaw sa akin kung ano talaga ang nangyari sa Kamaynilaan noong araw na ‘yon, alam kong walang kahit anong magbibigay-katwriran sa brutalidad na ipinakita ng kapulisan.
Isa pang punto, marahil makasaysayan para sa ating mga naro’n noong araw na ‘yon ang nangyari sa Mendiola. Ngunit para sa mga nasa militarisadong kanayunan o mahirap na lungsod, araw-araw nilang kinahaharap ang karahasang ‘di natin madalas nasasaksihan o kinikilala.
Reyalidad nila ang kahirapan, at matapos ang mahabang pagmumuni-muni, naniniwala na akong wala na sa atin ang karapatang kwestyunin o diktahan ang estilo kung paano nila inilabas ang kanilang galit.
Sa kabilang banda, wala na rin siguro talaga sa akin ang kakayahang ikwento ang karahasang naganap sa Mendiola. Kung tutuusin, isa kasi ako sa mga mamamahayag na hindi na nagpasyang tumulak pa paharap no’ng narinig kong may gulo nang nagaganap.
Sabi kasi sa command, umatras na raw. Sabi sa maikling media safety briefing namin bago ang mismong araw ng coverage, “No story is worth your life.” Kaya bagaman mayro’n akong masidhing damdamin noong araw na ‘yon na nag-uudyok sa aking tumulak paharap para kumuha ng mga litrato, nagpasya na rin akong umatras.
Siguro, ang gusto ko talagang talakayin sa kolumn na ito ay ‘di ‘yung karahasang agarang pumapatay o nagdudulot ng pagdanak ng dugo, kundi ‘yung karahasang tumatanggi sa reyalidad. ‘Di ‘yung karahasang nanggagaling sa mga kamay na may hawak ng baril, kundi ‘yung karahasang tumataliwas sa tunay na karanasan ng masa.
Ang gusto at marahil kaya kong talakayin at idiskurso sa kolumn na ito ay ‘yung karahasang pumapatay sa katotohanan at sumasandig sa kasinungalingan.
Nabuo ko ang balangkas ng piyesang ito kasi napagtanto kong unang beses kong maranasan na iba ang reyalidad na lumilitaw sa mainstream media kung ikukumpara sa katotohanang personal kong kinaharap. Pagkagising ko kasi matapos ang mahabang tulog dahil sa pagod sa Maynila, bungad sa akin ang mga balitang taliwas sa naranasan ko sa Mendiola.
Ang paulit-ulit na lumalabas sa social media platforms na binabagtas ko, wala raw tear gas at baril ang kapulisan sa Mendiola. Sabi ni Claire Castro ng Malakanyang, mapayapa raw ang rally at ginambala lamang ito ng mga taong gusto ng kaguluhan. Sabi ni Isko Moreno, utak-adik daw ang mga grupong may balak na pabagsakin ang gobyerno. At sabi sa Philstar, mga “hoodlum suffering from arrested development” ang kabataang hinuli ng mga pulis sa Mendiola.
Iba ang mga naratibong ito sa nasaksihan ko at ng mga kasamahan kong katotohanan. Naghagis ng tear gas ang mga pulis na may hawak na baril, walang pakialam kung matatamaan ang mga mamamayan. Binomba nila ng tubig ang lahat ng naro’n sa kilos-protesta, anarkista man o aktibista o midya. Tinuligsa nila ang kabataang nakikibaka sa pahirap na estado. Bayolente nilang hinuli kahit ang mga hindi kasama sa kaguluhan, menor de edad man o may kapansanan.
Dati rin akong nangarap maging mamamahayag sa mainstream media. Ngayon, tinatanong ko na lang, bakit wala silang pagsisikap na tunggaliin ang kasinungalingang ibinabalita nila? ‘Yan ang paulit-ulit kong itinatanong hanggang sa mapagtanto kong hindi na ito bago.
Sa mahigit isang taon kong pagkilos sa alternatibong midya, malinaw sa aking araw-araw kinahaharap ng mga marhinalisadong sektor ang kakulangan ng representasyon sa midya. Araw-araw silang isinasantabi. Higit sa lahat, araw-araw nilang nararanasan ang mapait na pakiramdam ng mga reyalidad na itinatanggi ng midya sa ‘ngalan ng pag-uulat ng mga opisyal na naratibong inilalabas ng pasista’t mapagpanggap na estado.
Hindi totoong walang pinapanigan ang katotohanan. May kapasyahan tayo bilang mga mamamahayag. Sa bawat mahabang imbestigasyon at pagkikilatis natin, lagi’t laging may lalabas na iisang katotohanan, sabihin man ng kada panig na totoo ang naratibo nila. Nasa atin ang bola. Sa pagsusulat natin o sa pagkuha natin ng mga litrato, may pinipili na tayong panig.
Ibabalita ba natin ang katotohanan ng mga pulis na nambato ng tear gas at nambugbog ng mga mamamayan o ang katotohanan ng galit na masang lumalaban? Ibabalita ba natin ang katotohanan ng pamahalaang nangdadakip ng kabataan o ang katotohanan ng mga pamilyang todo ang pag-aalala? Ibabalita ba natin ang katotohanan ng naghaharing-uring sakim sa kapangyarihan o ang katotohanan ng marhinalisadong sektor na kapos sa katarungan?
Walang saysay ang midyang kumikilos para sa kapangyarihan. Walang labnaw ang midyang ‘di para sa taumbayan.
Malinaw sa mga kaganapan sa Mendiola na galit na ang masa. Kahingian sa ating sikapin na ibalita ang kanilang galit at lungkot at pagkadismaya, anumang porma o anyo ang tinatangan nito. ■
KUHA NI ALEXANDER ABAS



