DAPAT MONG MALAMAN

  • Mariing kinondena ng UP OSR ang pagdakip kay Mattheo Wovi Villanueva, isang mag-aaral ng UPD na nagsilbi lamang na security marshall at paralegal sa kilos-protesta sa Mendiola.
  • Sinampahan ng apat na kaso si Villanueva. Kaukulang P36,000–P66,000 ang inirerekomendang piyansa upang siya’y makalaya, depende kung organisador o dumalo lamang.
  • Mahigit 200 kabataan pa rin—kabilang ang mga maralita at may kapansanan—ang nananatiling nakakulong, bagay na tinuligsa ng UP OSR, KASAMA sa UP, at UP Solidaridad bilang panunupil ng kapulisan sa aktibismo.

Mariing kinondena ng UP Office of the Student Regent (OSR) ang iligal na pag-aresto kay Mattheo Wovi Villanueva, mag-aaral ng UP Diliman College of Arts and Letters, sa isang pahayag na inilabas kagabi, Setyembre 24.

Si Villanueva ay kabilang sa mahigit 200 kabataang dinakip sa Mendiola noong Setyembre 21 matapos ang kilos-protestang “Baha sa Luneta: Aksyon Laban sa Korapsyon” na ginunita ang ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar at nagpakita ng mariing pagtutol ng mga mamamayan sa korapsyon sa bansa.

Ayon sa UP OSR, nagsilbi si Villanueva bilang paralegal at security marshall sa naganap na martsa ng mga mamamayan mula Luneta hanggang Mendiola. Sa gitna ng dispersal, gumamit ng water cannon at tear gas ang kapulisan upang paalisin ang mga nagpoprotesta sa interseksyon ng Mendiola Street at Recto Avenue.

Kasabay nito ang pag-aresto sa ilang bystander at isang mamamahayag. Sa mga kumakalat na video sa social media, makikitang binubugbog at sinisipa si Villanueva habang inaaresto, sa kabila ng kaniyang pagsubok na tumulong sa mga dinadampot.

Kinasuhan si Villanueva ng paglabag sa Batas Pambansa Blg. 880 (Public Assembly Act) at tatlong probisyon ng Revised Penal Code: Artikulo 146 (illegal assembly), Artikulo 151 (serious disobedience), at Artikulo 153 (tumults and other disturbances of public order). Gayunman, iginiit ng kaniyang legal team na walang sapat na ebidensya ang patong-patong na kasong inihain sa kanya.

Ayon sa ulat, aabot sa P36,000 hanggang P66,000 ang inirerekomendang kaukulang piyansa upang panandaliang makalaya si Villanueva. Ito’y nakadepende sa kaniyang klasipikasyon: bilang isang organisador o dumalo lamang sa protesta. 

Matapos ang kaniyang inquest proceedings noong Martes, pinoproseso na ng legal counsel ni Villanueva ang kaniyang mga dokumento. 

Samantala, mahigit 200 kabataan pa rin ang nananatiling nakapiit, kabilang ang mga maralita at may kapansanan. Ayon sa UP OSR at mga systemwide na alyansa na KASAMA sa UP at UP Solidaridad, ang paggamit ng batas ng kapulisan upang supilin ang kabataan ay patunay ng patuloy na panunupil sa aktibismo at karapatang pantao.

“Pinapanawagan ng UP Office of the Student Regent ang agarang pagpapalaya sa mga nakapiit kaugnay ng pagkilos sa Mendiola. Sa pag-aresto sa mga nakilahok at bystander rito, hindi inuugat ng gobyerno ang problema—lalo lamang sisidhi ang galit ng mamamayan at mas marami pa ang maniningil sa mga susunod na pagkilos,” saad ng OSR sa kanilang opisyal na pahayag.

Patuloy ang panawagan ng mga progresibong organisasyon para sa hustisya sa tinaguriang “Mendiola 277” at sa mas masusing pagsusuri sa umano’y abuso ng kapulisan sa mga pampublikong protesta. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya