DAPAT MONG MALAMAN

  • Binitbit ng tinatayang nasa 49,000 kalahok ang iba’t ibang panawagan sa naganap na “Baha sa Luneta: Aksyon Laban sa Korapsyon” noong ika-21 ng Setyembre.
  • Multisektoral ang naging pagpapatambol ng mga panawagan mula sa iba’t ibang grupo sa Timog Katagalugan at bansa. 
  • Kasama sa mga panawagan ay ang pagpoprotekta sa mga karapatan ng mga magsasaka at manggagawa, pagpapataas ng pondo sa edukasyon at iba pang mga batayang serbisyo, at pangangalaga sa kapakanan ng kabataan.

Binaha ng mga panawagan mula sa iba’t ibang sektor ang Luneta Park sa Maynila sa ikinasang kilos-protestang “Baha sa Luneta: Aksyon Laban sa Korapsyon” noong ika-21 ng Setyembre, kasabay ng komemorasyon sa ika-53 taon mula nang ipatupad ang Batas Militar sa bansa. 

Binitbit ng tinatayang nasa 49,000 kalahok ang kanilang mga daing at danas dulot ng sistematikong korapsyong talamak na nangyayari sa pamahalaan, partikular na ang usapin sa mga kinurakot na pondo mula sa mga flood control project na naging mainit na usapin kamakailan.

Nakibahagi sa kilos-protesta ang mga progresibong grupo mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang na ang mga representante ng mga batayang sektor sa Timog Katagalugan. 

Isa sa mga aktibong tumindig sa pagkilos ay ang mga pesante ng Tartaria sa Silang, Cavite, na ipinatambol ang mga panawagan para sa tunay na reporma sa lupa at karapatan ng mga magsasaka laban sa naghaharing-uri. 

“Sa kasalukuyan, tuloy-tuloy ang ginagawang pagpapalayas [sa amin] ng panginoong maylupa sa pangalan ng mga Aguinaldo at Ayala. Binabakuran nila ang mga lupang sakahan, at pinapalayas ang mga magsasaka. Sa kabila ng kawalan ng suportang natatanggap ng mga magsasaka, tuloy-tuloy ang pagnanakaw ng gobyerno natin,” giit ni Jerry Luna, lider ng Samahan ng Magsasaka at Mamamayan ng Tartaria. 

Isa ang Tartaria sa mga lupang sakahang pilit na inaagaw ng mga panginoong maylupa sa mga pesante sa loob ng ilang dekada. Sapilitang pinalalayas ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbabakod at presensya ng mga guwardiya at unipormadong tauhan ng Pamilya Aguinaldo. 

Kasama ring nakibaka ng mga magsasaka ang sektor ng mga manggagawa na ipinatambol ang mga panawagan para sa mas mataas na sahod at pagsusulong ng labor rights

“Mahirap tanggapin, talagang nakakagalit. Maliit na nga ‘yung sahod ng mga manggagawa, ‘pag humihingi ka, nire-regionalize ‘yung sahod, ang liit na noong halaga dahil sa mga government mandated taxes, tapos malalaman mo na kinukurakot lang ng mga nakaupo sa gobyerno,” pahayag ni Mary Ann Castillo, tagapangulo ng Nexperia Philippines Inc. Workers’ Union – National Federation of Labor Unions – Kilusang Mayo Uno. 

Isa si Castillo sa apat na lider-unyonista na tinanggal mula nang magsimula ang negosasyon para sa bagong collective bargaining agreement noong 2024 sa Nexperia Philippines Inc., isang Netherlands-owned semiconductor company na matatagpuan sa Light Industry and Science Park sa Cabuyao, Laguna. Tumanggi ang kumpanyang tugunan ang lehitimong kahilingan ng mga manggagawa para sa dagdag na P50 sa sahod at muling pagtanggap sa apat na lider-unyon na tinanggal sa trabaho. 

Matapos ang 74 oras na pagwewelga ng mga manggagawa noong Marso ngayong taon, pumayag ang kumpanya na magkaroon ng dagdag na P17 sa sahod at muling ibinalik sa trabaho ang dalawa sa apat na manggagawang tinanggal. 

Kasama rin ng mga manggagawa ng Nexperia ang mga manggagawa sa iba pang industriya na direkta ring apektado ng katiwalian sa gobyerno, kabilang na ang mga manggagawa sa sektor ng edukasyon na humaharap sa sunod-sunod na budget cuts

“Isa sa mga mabibigat na panawagan ko ay ang [pagtutol sa] patuloy na pagsasakapital ng edukasyon sa Pilipinas. Nakakalungkot sabihin na nagiging pribilehiyo na ang pag-aaral sa mga kabataang Pilipino. Malaking epekto nito ay nanggagaling sa lumalalang korapsyon, imbis na maibigay ‘yung budget sa mga programa para gawing de-kalibre at libre ang edukasyon ay patuloy na iginagapang ng mga guro at estudyante ang pang araw-araw,” pagpapaliwanag ni Aljohn “Bidang” Estrella, isang guro mula sa UPLB. 

Sa taong ito, tinapyasan ng ₱2.08 bilyon ang badyet ng UP—ang pinakamalaking bawas sa loob ng mahigit dalawang dekada. Nito lamang nakaraan, nakatakdang tumanggap ang UP ng karagdagang isang bilyong pisong pondo mula sa P255 bilyong reallocated budget ng Department of Public Works and Highways. 

Ayon sa ulat ng House Committee on Appropriations, ilalaan ang dagdag na pondo sa mga programa sa pananaliksik ng Unibersidad. Sa kabila nito, walang ibang state university ang binigyan ng ganitong dagdag-pondo.

Bukod sa mga manggagawa at magsasaka, lapat din sa karanasan ng kabataan ang nangyayaring kahirapan sa bansa. Marami sa mga nakilahok sa pagkilos ay kabataan. 

“Mismong mga kabataan ng Batangas ay nakakaranas ng mga pagbaha, hindi kami ligtas sa mga ganitong korapsyon. Bukod sa binabaha, nawawalan ng kabuhayan ang aming mga pangunahing sektor. Ngayon, nakikiisa kami dahil ang mga ganitong korapsyon ay nagiging pagmulat na lalo na sa ating mga kabataan,” pahayag ni Mart Giuseppe De Sagun, tagapagsalita ng Kabataan Partylist – Batangas.

Karapatang pantao naman ang panawagan ng ibang kabataang katulad ni Trisha Mae Cula. Apo si Cula ni Nimfa Lanzanas, isang human rights worker na kabilang sa apat na ikinulong sa nangyaring Bloody Sunday Massacre noong 2021, kung saan siyam na aktibista ang pinatay. 

“Na-raid po kami noon, pinasok nila ang bahay namin kahit walang warrant of arrest. Pinatay nila ang ilaw, nagulat kami na paglabas nila sa bahay, may dala na silang mga baril, bala, at granada. Ang kuwento nila, paninda daw iyon ng lola ko which is hindi totoo kasi hindi naman marunong sa ganoon ang lola ko para magbenta ng mga iligal na paraphernalia,” pagkukuwento ni Cula.

Dagdag pa niya, sa murang edad ay mas namulat siya sa katotohanan na minamalupit ng estado ang kalayaan sa pagpapahayag ng kabataang katulad niya.

Lampas ala una na ng hapon nang matapos ang isinagawang programa sa Luneta. Nagpatuloy ito sa isang malawakang martsa patungong Mendiola, kung saan patuloy na binitbit ng laksa-laksang Pilipino ang mga multisektoral na panawagan sa mga lansangan ng Maynila, dala-dala ang nagkakaisang tindig: panagutin at ikulong ang mga kurakot sa pamahalaan.  ■

KUHA NI JHYANNE ALMENANZA


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya