DAPAT MONG MALAMAN
- Sa loob ng ilang dekada, naging tahanan ng pakikibaka ang Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite. Dito nag-ugat ang sigaw ng mga magsasaka laban sa mga pang-aagaw ng lupa, paulit-ulit na banta ng demolisyon, at panggigipit ng estado—mula sa militarisasyon, red-tagging, at karahasan.
- Sa kabila ng mga sugat ng kasaysayan, nananatili ang paninindigan ng komunidad sa pamamagitan ng bungkalan—ang kolektibong pagtatanim at pagsasaka hindi lamang bilang paraan ng kabuhayan kundi bilang konkretong anyo ng paglaban at pananatili sa lupang kanilang pinagmulan.
- Ang mga bata ng Lupang Ramos ang tahimik na tagapagmana ng laban—sa kanilang mga kanta, laro, at tanong naipapasa ang kasaysayan ng pakikibaka na patuloy na ibinibinhi ng kanilang mga magulang.
Sisimulan ko ang pagkukuwento ng istorya ng Lupang Ramos sa pagbabalik-tanaw sa huling gabi ko sa lugar—kung saan katabi kong nakaupo ang mga batang sina Troy, Josh, at Mark (hindi nila tunay na pangalan) sa gilid ng isang siga ng apoy habang naghihintay na tawagin sila sa gitna ng nakabilog na mga manonood para sa isang pagtatanghal.
Kasama ang iba pang kabataan doon, sa harap ng komunidad at naming mga bisita sa lugar, umawit sila kasabay ng saliw ng gitara.
“Sa isang lugar sa Dasma,
may kampuhan sa gilid ng kalsada.
Mga flag at streamer na makikita,
puti, asul, at karamihan ay pula.
‘Pag ika’y dumaan, kumakaway sila.”
Gan’yan inilarawan ng kabataan ng Lupang Ramos ang kanilang komunidad sa unang bahagi ng kantang kanilang isinulat. Ganito rin ang tagpo noong umagang narating namin ang lupain.
Ang katotohanan, iba ang inasahan kong itsura ng Lupang Ramos bago ako mapagawi rito. Malayo sa karaniwang kabukiran, hindi ito nakatago sa kabundukan o sa isang liblib na baryo—nasa gitna ito ng komersyalisadong syudad ng Dasmariñas, napalilibutan ng naglalakihang mga gusali at pribadong establisimyento. Nasa kahabaan lamang ito ng Governor’s Drive, at ilang hakbang mula sa bungad nito ay nakatayo ang isang hotel.
Sa gitna ng kontrasteng ito ko unang nakilala si Ate Rosa (hindi niya tunay na pangalan). Siya ang nanay ni Troy. Isa rin siya sa mga sumalubong sa aming pagdating. Ayon sa kanya, masaya at tahimik naman ang kanilang pamumuhay sa Lupang Ramos. Sa kabila nito, hindi pa rin nawawala sa mga mamamayang katulad niya ang pangamba at takot sa militarisasyong gumigipit sa lupang kanilang tinitirikan kasama ng kanilang pamilya’t mga anak.
Ang naipunlang kasaysayan ng LR
Mahuhukay ang pinagmulan ng Lupang Ramos sa panahon ng kolonyalismo sa bansa. Ayon sa mga residente, ang 372 ektaryang lupain ay naunang pagmamay-ari ng mga prayleng Kastila. Noong panahon ng okupasyon ng mga Amerikano, binansagan naman itong “Lupang Kano.” Pampublikong lupa ito noon, kung saan ang mga magsasaka ang siyang unang nagtanim at naglinang. Kaya’t nang umalis ang mga mananakop, sinubukan nilang irehistro ang lupa sa kanilang pangalan.
Ngunit, bigo ang mga ninuno ng mga magsasaka na makakuha ng titulo. Nakasulat kasi sa wikang Ingles ang mga papeles. Bukod pa rito, mahaba at hindi aksesible ang burukratikong proseso para sa mga magsasakang hindi naman nakapag-aral noong panahong iyon.
Sa kawalan ng pormal na pagmamay-ari, nakapaglakad ng titulo si Emerito M. Ramos Sr., isang negosyante at opisyal ng gobyerno. Nang dahil dito, kalaunan siyang naging ligal na may-ari ng “Lupang Kano” na tinawag nang Lupang Ramos. Simula noon, naging lunsaran ito ng samo’t saring kaso ng agawan sa lupa sa pagitan ng mga magsasakang matagal nang naninirahan doon at mga negosyante’t developer na nagnanais pagkakitaan ang lupa.
“[‘Yung mga ninuno namin,] sila ay mangmang kaya hindi nila alam ‘yung titulo [at] mga pormalidad, kaya noong dumating dito si Emerito Ramos, siya ang nagpatitulo para kanya ang lupa,” pahayag ni Ate Rosa.
Noong 1972, sa pamamagitan ng Presidential Decree 27 ni Ferdinand Marcos Sr. na nag-aatas na ipamahagi sa mga magsasaka ang lahat ng lupang agrikultural sa mga hacienda na mapagtataniman ng palay at mais, nagkaroon ng pinanghahawakan ang mga magsasaka ng Lupang Ramos.
Sa kabila nito, napakalimitado lamang ng saklaw ng PD 27. Huwad ito sapagkat nagagawa pa ring proteksyonan ng batas ang mga panginoong maylupa. Ginamit ito ni Marcos para palabasing may ginagawa siyang reporma, habang pinapatay, dinadakip, at tinatakot ang mga aktibistang magsasaka.
Ilang buwan bago ipatupad ang nasabing batas, lumitaw na ipinasa ng Pamahalaang Lungsod ng Dasmariñas ang Ordinance 29-A noon ding taong iyon. Nakasaad dito na ang Lupang Ramos ay hindi na isang agrikultural na lupa, bagkus ay idineklara ito bilang isang residensyal na subdibisyon na tinawag na “Traveler’s Life Homes.”
Dito nagsimulang sumibol ang mas mahaba pang pakikibaka ng mga magsasaka para sa Lupang Ramos.
Ang paksyon ng mga magsasaka
Sa ilalim ng administrasyon ni Corazon Aquino, mas umigting ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa. Mainit ang usapin noon hinggil sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), ngunit para sa mga magsasaka, nananatili itong kulang at pabor pa rin sa mga mayayaman. Lalong nag-alab ang galit ng mga magsasaka nang maganap ang Mendiola Massacre noong Enero 1987, kung saan 13 magsasaka ang pinagbabaril habang nagmamartsa para sa karapatan sa lupa.
Sa harap ng ganitong kalagayan, tumindig ang mga magsasaka ng Lupang Ramos upang mag-organisa. Nabuo ang Buklod ng Magbubukid sa Lupang Ramos, Inc. (BUKLOD), na nagsilbing unang pormal na samahan ng mga magsasaka upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupaing kanilang sinasaka.
Ngunit, sa kabila ng iisang layunin, hindi rin naiwasan ang pagkakahati ng mga kasapi. Ayon sa mga residente, may ilang miyembro ng BUKLOD na pumayag tumanggap ng kompensasyon kapalit ng kanilang sakahan, kahit na walang malinaw na dokumento o garantiya para dito. Para sa iba, ito ay tila pagbebenta ng sariling karapatan at kinabukasan ng kanilang mga anak.
Sa gitna ng tensiyon, pinili ng mga magsasakang nanindigan na igiit na hindi matatawaran ang halaga ng lupa. Mula sa kanilang paninindigan ay isinilang ang Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos (KASAMA-LR), isang bagong samahan na nagsusulong ng mas matibay at kolektibong laban para sa karapatan sa lupa.
“Kung tutuusin, parehas lang naman ang aming ipinaglalaban—lupa pa rin, kung ano man sa dulo ang kahinatnan…pinaninindigan pa rin namin na mga kapwa magsasaka pa rin namin ‘yun, kailangan lamang ulit silang hamigin,” saad ni Ate Rosa.
Bungkalan bilang porma ng pakikibaka
“Lupang inangkin, ating babawiin.
Malawak na tubuhan, palay ang itatanim.
Mga walang sariling lupa’y magkakaron na rin.”
Sa sunod na taludtod ay buong pusong inawit ng mga bata ang mga panawagang nais ipatambol ng buong komunidad ng Lupang Ramos.
Noong ika-26 ng Setyembre, 2017, ibininhi ng galit at mahabang panawagan para sa kanilang karapatan sa lupang minana ang “bungkalan,” isang porma ng pakikibakang kolektibong inilunsad ng mga magsasakang miyembro ng KASAMA-LR upang mas mapayabong ang kanilang hangarin sa kanilang sakahan. Sa pamamagitan ng pakikibakang ito, napaiigting nila ang paninindigang hindi nila isusuko ang lupang nagsilbi nang tahanan sa kanila.
Sa katunayan, ipinagdiwang ng KASAMA-LR noong nakaraang ika-28 ng Setyembre ang ikawalong anibersaryo ng bungkalan—isang konkretong patunay ng walang pagod na paninindigan ng mga magsasaka para sa kanilang karapatan at kabuhayan.
Ngunit, sa pagsibol ng isang binhi, patuloy itong hahamakin ng mga peste upang hindi ito magpatuloy na yumabong. Mula sa aktibong pag-angkin ng mga magsasaka sa lupang ipinamana ng kanilang mga ninuno sa paraan ng pagbubungkal, mas umigting ang militarisasyon ng pamahalaan laban sa mga pesante.
Pamemeste sa mga pesante
Sa mga nagdaang taon, tuloy-tuloy ang pamumuwersa ng estado na pasukin ang Lupang Ramos sa kabila ng masidhing pagtutol ng buong komunidad. Nito lamang Agosto ngayong taon, muling nagkaroon ng panghihimasok at komprontasyon sa pagitan ng mga mamamayan at Task Force Ugnay, isang unit sa ilalim ng 2nd Civil Military Office Battalion, na nauwi pa sa pagsasampa ng kasong grave coercion sa mga mamamayan ng lugar.
Dagdag pa rito ang matinding kaso ng redtagging na patuloy na dinaranas ng mga aktibistang magsasaka sa kamay ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
“Dati ay tinatawag kaming mga pulang araw—kung pamilyar kayo [sa palabas] ni Coco Martin, ang pulang araw ay mga rebelde—’yun ang taguri sa amin dito…Dati kasi ay hindi kami kinikilala na kami ay kabilang sa Langkaan (barangay kung nasaan ang Lupang Ramos)—hindi kami taga Langkaan 1, kami’y putok sa buho,” pagkukuwento ni Ate Rosa.
Bukod sa mga mamamayan, mas masakit lunukin para sa mga taga Lupang Ramos na sa mahabang panahon ay hindi rin sila kinikilala maging ng sariling lokal na pamahalaan na sumasaklaw sa kanilang lupang tinitirahan.
“Hindi kami nakapupunta sa barangay para kumuha ng mga indigency… hindi kami nakakukuha ng mga sedula, hindi natuturukan ‘yung mga anak naming maliit, ‘yun na nga lang ang mga serbisyong kaunting ibinibigay nila, ipinagkakait pa nila iyon [sa amin],” pagpapalawig ng kuwento ni Ate Rosa.
Bukod sa mga magsasakang aktibong nananawagan para sa kanilang mga karapatan sa lupang agraryo, hindi rin nakaliligtas sa malalang redtagging at panganib ang kanilang mga anak, kabilang sina Troy, Josh, at Mark, sa mga espasyong dapat sana ay ligtas ang mga batang katulad nila.
“Kahit ‘yung bunso kong anak, hangga’t kayang ipaliwanag [ay ginagawa ko dahil] mahalaga ‘yun. Kasabay noon ang pangre-redtag sa amin, kahit sa mga eskwelahan ay nire-redtag sila. ‘Yun ‘yung mga kinahaharap ng mga pamilya ng mga tao dito,” saad ni Ate Rosa.
Sa katunayan, ayon kay Ate Rosa, may mga pagkakataong si Troy na ang humaharang sa mga unipormadong militar kung sakali mang may pagkakataong lumapit ito papasok sa lupain. Alam na rin niya ang gagawin sa tuwing may mga ‘di kilalang tao na nakapaligid sa kanilang lugar. Tinatawag niya ang kaniyang ina upang maalerto ang buong komunidad.
Sa ganitong kalagayan, hindi madali para sa mga bata ng Lupang Ramos na mabuhay sa sitwasyon kung saan normal na lamang makakita ng militar na umaaligid sa kanilang lugar. Hindi rin basta-basta lamang ang epekto ng mga ganitong karanasan sa kanilang murang kaisipan.
Higit pa sa laban sa lupa ang ibinabaka ng mga magsasaka ng Lupang Ramos, kasama sa kanilang isinisigaw ay ang ligtas at masayang buhay para sa kanilang mga anak.
Higit pa sa lupa
“Araw-araw ay masaya, may ngiti at pag-asa.
Tanging pagkakaisa ang titulo.
Araw-araw ay masaya, may ngiti at pag-asa.
Tanging pagkakaisa ang titulo. ‘Di ba!?”
‘Yan ang huling bahagi ng kantang pinamagatang “Bungkalan.” Ito rin ang kinabukasang nais makamit ng mga magsasaka ng Lupang Ramos—ang mabuhay sa lupa nang walang pangamba ng pag-angkin mula sa estado. Gayunman, habang patuloy pa itong ibinabaka, pagkakaisa ang titulong pinanghahawakan ng mga mamamayan.
Sa kabila nito, hindi inaalis ni Ate Rosa ang posibilidad na mahaba pa ang kanilang pagdaraanan sa kanilang laban para sa lupa.
“Kasi ang laban sa lupa ay masyadong matagal. Kaya lang kami naninindigan ay para sa mga anak namin, sa mga apo namin, dahil sila ‘yung baka sakaling maabutan din nila. At sana maipasa din nila sa mga susunod pang henerasyon—kagaya ng ginawa sa amin ng mga nanay at tatay namin,” pahayag niya.
Para sa mga taga-Lupang Ramos, ibinibinhi sa mga bagong henerasyon ang kanilang nasimulan. Ipinapasa nila ang mahabang laban ng pagbawi sa lupa, kasabay ng pagkilalang hindi ganoon kadaling ibibigay ng estado ang lupang para sa mga pesante sa bisa ng mga huwad na repormang agraryo.
Habang patuloy ang panawagang ito, kasama ng mga magulang na magsaka ang kanilang mga anak sa Lupang Ramos. Habang kaya pa nilang ituro ang kabuhayang kanilang kinagisnan, habang kaya pa nilang ipaliwanag ang masalimuot na kalagayan, habang kaya pa nilang mangarap para sa kinabukasan.
Ang pangarap nina Troy, Josh, at Mark
Si Josh ang pinakanapalapit sa akin. Kinukuwentohan niya ako ng mga karanasan niya sa kanilang komunidad. Katabi ko siya habang paulit-ulit na ineensayo ang kantang kanilang itinanghal noon ding gabing iyon.
Ikinukuwento niya sa akin ang pangarap niya. Hindi tulad ng ibang batang gustong maging abogado, inhinyero, at doktor, pangarap ni Josh na maging magsasaka katulad ng kaniyang mga magulang. Pangarap niyang sa hinaharap, mag-aani sila sa lupang kanilang tinaniman nang walang anumang banta ng militarisasyon. Kagaya ni Josh, ‘yan din ang pangarap nina Troy at Mark, kasama ng iba pang mga bata sa Lupang Ramos.
Sa mga pangarap na ito humuhugot ng lakas ang mga mamamayan. ‘Yan din ang pangarap ni Ate Rosa para kay Troy. Sa pagdaan ng panahong hindi pa ito tuluyang natutupad, hindi sila napapagod na mangarap at makibaka.
“Lagi naming ipinaliliwanag sa mga anak namin na kung ano ‘yung pinaglalaban namin ngayon, hindi ito para sa’min—hindi na namin ito maaabutan. Mas kayo ‘yung [makikinabang],” paliwanag niya.
Hanggang saan ang mararating ng pangarap?
Pagkatapos ng pagtatanghal, nagpalakpakan kami kasama ng iba pang mga residente ng Lupang Ramos. Tuwang-tuwa ang mga bata sa reaksyon ng mga manonood. Sabay-sabay naming muling inawit ang kanta. Habang nakangiting bumalik sina Troy, Josh, at Mark sa tabi ko, sinalubong ko sila ng malaking ngiti.
Sa mga ngiti ng kabataang nagtanghal nakikita ng mga naunang henerasyon ang pag-asa ng Lupang Ramos. Tanda ito na gaano pa man katagal ang pakikibaka, natitiyak na may magpapatuloy ng kanilang mga panawagan para sa kanilang mga karapatan.
Sa mga maliliit din na kamay ng mga batang tulad nina Troy, Josh, at Mark nakahimlay ang hinaharap—ang pagpapatuloy ng pakikibaka at ang mas malalim na pagbungkal ng pag-asa—hanggang sa ito’y tuluyan nang sumibol at mamunga. ■



