Crissa Lee A. Liwanag
Noong ako’y musmos pa, madalas ikuwento sa aming tahanan at paaralan ang istorya ng gamu-gamo at lampara. Isinalaysay dito kung paano nahumaling ang munting gamu-gamo sa kaakit-akit na ningning ng lampara. At kahit alam niyang ito’y magbubunsod ng kapahamakan, nilapitan niya pa rin ito, dahilan upang masunog ang kaniyang mga pakpak.
Habang lumilipas ang panahon at unti-unti akong nagkakamalay, nanatiling nakakintal sa aking isipan ang istoryang ito. Marahil ito’y dahil aking napagtanto na, tulad ng gamu-gamo, hinahabol ko rin ang sinag ng ningning. Ngunit hindi ito yaong ningning na nagmumula sa lampara o anumang uri ng ilaw; sa halip, ito ang bawat kislap na sumasalamin sa pagnanais na maging perpekto at sa ningning na dulot ng kahusayan.
“Gifted Child”—iyan ang bansag sa akin noon pa man sa aming nayon. Ako raw ang anak na mag-aahon sa aming pamilya mula sa kahirapan, ang pinsang tagagupit ng buhok ng mga batang paslit upang sila raw ay lumaking matalino, at higit sa lahat, ang tagatupad ng mga pangarap na hindi nila nakamit.
Kung kaya naman, hindi na rin ako nagtataka kung bakit sa pagtagal ng panahon—naging katulad ako ng isang gamu-gamo na nabulag sa kaniyang obsesiyon. Sa katunayan, madalas kong matagpuan ang aking sarili na naghahanap ng balidasyon sa dami ng parangal na aking natatanggap; sa paaralan man o maging sa mga kompetisyon. Ang kinang sa mga medalyang aking nakamit at ang mga ngiti ng mga taong nakatingin sa akin habang ako’y nasa gitna ng entablado ang mga nagtulak sa akin upang mas lapitan pa ang ilaw at palaging magningning.
Sa labis kong pag-aasam dito, katulad ng gamu-gamo, hindi ko namalayan na unti-unti na palang nasusunog ang aking mga pakpak at ang ningning ko’y unti-unti na ring napupundi. Akala ko ang paglapit dito ang magdadala sa akin sa tagumpay, ito pala ang magiging dahilan ng aking pagkaupos. Sa madaling salita, nasunog na rin pala ako—na-burnout, napagod, at halos wala nang lakas upang muling makalipad.
Ngayon, kasalukuyan akong nasa kolehiyo bilang isang Iskolar ng Bayan na patuloy na lumalaban sa Unibersidad ng Pilipinas—kabilang sa batch 2025 freshies. Alam ko sa sarili kong ganoon pa rin naman ako, ngunit ramdam ko na marami nang nagbago.
Sa unang linggo ko pa lamang na pamamalagi rito, nagawa na agad baguhin ng Unibersidad ang aking perspektibo. Napagtanto ko na tunay ngang para ito sa mga matatapang at matatalino. Sa katunayan, nahihirapan na agad akong makipagsabayan sa kanilang kahusayan. Subalit, habang tumatagal, aking napagtanto na hindi naman pala ako ang laging pinakamagaling at hindi naman kailangan na palagi akong nagniningning—minsan, sapat na ang pagpapatuloy sa mga araw na akala ko ay imposibleng mairaos.
Bukod pa rito, ang aral na higit kong pinahahalagahan ay ang disiplinang “dangal muna bago husay.” Iminulat nito ang aking mga mata at ginising ang aking pagkakakulong sa perpeksyon. Isa itong paalala na huwag masilaw sa ningning na dulot ng purong kahusayan. Sa halip, dapat ding yakapin ang liwanag ng dangal, sapagkat hindi ito kailanman magdudulot ng pagkasilaw, bagkus ito ay isang instrumento na sa atin ay magbibigay-tanglaw.
Kaya para sa kapuwa ko freshies—tandaang hindi mo naman kailangang magpasilaw sa ningning ng kahusayan; sa halip, pahintulutan mong magpahinga ang iyong ilaw at pansamantalang mamalagi sa lilim ng dilim kung sa ganoong paraan ka mas magiging totoo at payapa.
Higit sa lahat, walang saysay ang ningning ng kahusayan kung hindi ito nagmula sa kaibuturan ng nagliliwanag na dangal. Bayan muna bago sarili, dangal bago husay. Magliwanag ka para sa bayan! ■
Si Crissa Lee Liwanag ay isang Freshman mula sa ASDC na may malalim na paniniwala na ang pagsulat at pagbabalita ay may kapangyarihang magbukas ng isipan ng bawat mamamayan at magpalaya sa isang bansa. Sa kanyang pag-aaral sa Unibersidad, layunin niyang gamitin ang komunikasyon bilang isang instrumento para sa pagbabago at pagpapalaganap ng makatarungan at tapat na impormasyon.
Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.



